Inday TrendingInday Trending
Isang Mahalagang Leksiyon

Isang Mahalagang Leksiyon

“But Lolo! Investment naman iyong bago kong biling kotse ha? Hindi naman kabawasan sa kayamanan niyo ‘yun kaya palagpasin niyo na ho please!” nakangusong ungot ni Chloe sa kaniyang abuelo. Nalaman kasi ng kaniyang lolo na bumili na naman siya ng isang mamahaling sasakyan sa ibang bansa, galit na ipinatawag siya sa opisina nito nang makita ang nakakalulang tax sa customs.

“Hija, halos isang dosena na ang kotse mo, saan mo pa ba kakailanganin ang ganoon kamahal na sasakyan?” sabi naman ni Andrew Tan, walang iba kung hindi ang pinakamayamang business man sa Pilipinas. Kahit magsisitenta anyos na ay maganda pa rin ang tindig at kutis nito, ngunit sa pagkakataong iyon ay tila lalong nadagdagan ang guhit sa mukha nito dahil sa konsumisyon sa apo.

Bata pa si Chloe nang sumakabilang buhay ang kaniyang mga magulang nang bombahin ang hotel na tinutuluyan ng mga ito. Simula noon ay ang Lolo Andrew na niya ang umako ng responsibilidad na palakihin siya. Aakalain mong dahil isa itong malupit na business man ay hindi na siya nito maaasikaso, ngunit hindi iyon ang nangyari. Tutok na tutok ito pagdating sa buhay niya dahil nga mahal na mahal siya nito, ang tanging tagapagmana ng kumpanya sa hinaharap.

“Chloe dear, it’s not about the car. Gusto ko lang na maging mas responsable at matalino ka sa iyong mga desisyon. Hindi na ako bumabata kaya gusto ko ay kahit papano’y handa ka kung sakaling ako man ay kunin na ng Diyos,” malumanay na paliwanag ng matanda sa apo.

“Lolo naman eh! Malakas pa ho kayo kaya sana huwag kayong magsalita ng ganiyan. At saka, huwag ka nang mag-alala. Sa dami ng pera natin ay kahit hindi ka na magtrabaho ay hindi na ko maghihirap, ‘di ba?” inosenteng tanong ng dalaga atsaka nilapitan ang lolo upang yakapin. Kaunting lambing lang niya ay tiyak naman na ibibigay na nito ang gusto niya.

Niyakap ng mahigpit ni Andrew ang apo. Lubos siyang nag-aalala sa mga paraan ng pag-iisip nito. Mukha yatang nasobrahan siya pagii-spoil dito. Eh sa gusto niyang ibigay ang lahat sa apo eh. Ngunit nababatid niyang kailangan niya na ring kumilos na upang sa gayon ay matutunan ng dalaga ang pagiging matiyaga at responsable sa buhay. Nang hapon din na iyon ay ipinatawag niya ang kaniyang sekretarya. Kung ito lang ang paraan upang maturuan ang dalaga ay gagawin niya. Saka na niya haharapin ang galit nito kapag nalamang siya ang may pakana niyon.

Makalipas ang ilang linggo ay tuloy pa rin ang walang habas na pagtatapon ng pera ng dalaga. Kauuwi niya lang mula Europe ng araw ng iyon nang bigla siyang tawagan ng sekretarya ng kaniyang lolo. Napasimangot na lang si Chloe dahil malamang sermon na naman ang aabutin niya. Pagod na pagod siya sa biyahe ngunit minabuti niyang sumunod dahil namiss niya rin naman ang mahal na lolo.

Pagdating sa opisina nito ay ang sekretarya at abogado lang ang nandoon. Nang tinanong niya kung nasaan ang lolo ay halos mabingi siya sa ibinalita ng mga ito sa kaniya. Isang linggo na daw na hindi ma-contact ang kaniyang lolo. Pumunta lang daw ito sa China para sa isang business trip ngunit simula noon ay wala na silang balita. Pati ang mga kasama nitong business man ay nawawala rin.

“That’s not true!” sigaw ng dalaga habang umiiyak. Nilukob ng takot ang puso niya at doon niya lang talaga naisip na walang siyang ibang mapupuntahan kapag wala na ang lolo niya.

“Wala pang sigurado ngunit sa ngayon, kailangan munang may mamahala sa kompanya, kung hindi ay baka tuluyang mawala sa ito sa inyong pagmamay-ari.”

Alam ni Chloe na hindi maaaring mawala sa kanila ang kompanya. Nakita niya kung gaano iyon pinahalagahan ng kaniyang lolo kaya kahit ayaw niya at hindi siya handa ay napilitan siyang magtrabaho doon. Buong pasensya niyang inaral ang lahat ng reports at plano ng kompanya. Dumating sa puntong ayaw na niya at ngunit ipinaalala sa kaniya ng sekretarya ang lolo. Kung sakaling makabalik daw ito, tiyak na madidisappoint ito kapag nalamang pinabayaan na lang niyang mapunta sa iba ang kompanya.

Palaging puyat, may kalyo na ang daliri sa kapipirma, at gasgas na ang magagandang kuko ni Chloe isang buwan mula noong siya ang namahala sa kompanya. Mabilis niyang natutunan ang pasikot-sikot dahil hindi naman siya bobita, sadyang tamad lang siya at palaasa sa lolo. Doon niya napagtanto na sobrang hirap pala talaga ng ginagawa ng lolo, at tiyak na tulad niya ay sumasakit din ang likod nito.

Habang nagpapahinga sa opisina ay kinuha ng dalaga ang larawan ng lolo sa kaniyang wallet at kinausap ito.

“Lolo… ang hirap po pala nitong ginagawa niyo. Ang sakit sa likod. Tapos tingnan niyo po mayroon na rin akong eyebags, pero ayos lang, maganda pa rin ang apo niyo. Para po sa inyo ay kakayanin ko ang lahat ng ito, medyo masaya rin naman pala. Magiging proud ka sa akin kasi ngayon natutunan ko nang magtrabaho ng mabuti. Promise, pagbalik mo, hindi na ko magpapasaway. Sana bumalik ka na please, miss na miss na kita.” Hindi mapigilang mapahagulgol ni Chloe dahil sa pangungulila sa matanda nang biglang may humaplos sa kaniyang buhok.

“Kung makaiyak ka naman ay akala mo pumanaw na ako. Tahan na hija, nandito na si Lolo.” Pagkarinig sa boses ng abuelo ay napalundag si Chloe at mahigpit itong niyakap. Umiyak siya na parang bata sa balikat ng kaniyang lolo na noon ay ngiting-ngiti naman.

“Patawad at mukha ngang nahirapan ka. Pero mukhang naging tama naman ang desisyon ko, dahil balita ko ay kayang-kaya mo na raw patakbuhin itong kumpanya.”

“Ano h-ho? Ibig sabihin ay hindi totoo na nawawala kayo?” galit na sabi ng dalaga ats aka biglang umiyak ulit. “Lolo naman eh! Pinag-alala niyo ako ng sobra! I hate you!” sabi ng dalaga pero patuloy ang pagyakap sa matanda.

“I love you too, aking apo. Kaya kong gawin ang lahat para sa ikabubuti mo. Nais kong mapasayo lahat ng bagay sa mundo pero gusto ko ring makuha mo ito ng may pagsisikap,” sabi ng lolo sabay pisil sa kamay ng dalaga.

Nagyakap ang mag-lolo dahil labis silang nangulila sa isa’t isa. May tampo man ay mas nangibabaw kay Chloe ang luwag sa dibdib dahil nasa tabi na niya muli ang lolo. Mas lalo niyang minahal ang lolo dahil sa ginawa nito upang maturuan siya. Ngayon ay natutunan na niya na pahalagahan ang mga bagay na mayroon siya, dahil alam niya ang lahat ng iyon ay bunga ng pagsisikap.

Advertisement