Inday TrendingInday Trending
Tatay na ang Manliligaw Ko

Tatay na ang Manliligaw Ko

Anim na buwan nang nililigawan ni Luke si Anna. Ngunit hindi tulad ng ibang mga manliligaw dati ni Anna na halos oras-oras ay nakabuntot sa kaniya, iba si Luke.

Hindi tuloy masigurado ni Anna kung seryoso nga ba sa kaniya si Luke. Lagi kasi siyang nakakatiyawan ng kaniyang mga kaibigan.

“Oh, nasan naman yung manliligaw mo? Missing in action na naman ha. Sigurado ka ba na ikaw lang ang nililigawan niyan?” pang-aasar ng bestfriend niyang si Ella.

“Ewan ko nga ba. Ayaw ko naman magdemand na ihatid niya ko tuwing uwian, depende naman na kasi sa kaniya ‘yon kung paano siya manliligaw,” sagot ni Anna.

“Sabi niya kasi kailangan niya umuwi ng maaga lagi. Kaya hinahayaan ko lang, hindi naman kami. Tsaka maasikaso naman siya pag magkasama kami sa trabaho. May baon nga siyang tanghalian kanina para sa akin,” pagku-kuwento ni Anna.

“Edi kinilig ka naman? Kaya ba nakasimangot ka ngayon kasi hindi ka niya sinamahan pauwi?” pangaasar nito kay Anna dahil bakas sa mukha nito ang pagkalungkot.

“Hindi ah. Siyempre kahit papaano, unti-unti ko na siyang nagugustuhan, pero ayaw ko pa rin sumugal. Tulad niyan hindi ko malaman kung seryoso ba siya, minsan kasi laging siya nandiyan para manligaw, minsan naman hindi ko siya mahagilap kahit iisa lang naman ‘yong building natin,” ani Anna.

“Hala. Baka may nililigawan din siya na iba. Naku! Para more chances of winning,” natatawang sabi ni Ella.

“Panira ka talaga! Edi kung gano’n nga, busted na siya agad sa oras na malaman ko,” mataray na sagot ni Anna.

Hindi mawala ang pagdududa ni Anna kay Luke.

“Paano nga kung may iba pa siyang nililigawan? Sagutin ko na ba siya? Paano kung mauna siyang sagutin ng ibang nililigawan niya?” ‘yan ang tumatakbo madalas sa isip ni Anna nitong mga nakaraang araw. Pilit itong bumabagabag sa kaniyang isip.

“Eh kung may iba siyang nililigawan, edi hindi niya deserve ang matamis kong oo. Kaso gusto ko na siya eh. Hay, ewan ko na,” patuloy na pag-iisip ni Anna.

Hindi man kasi masugid na manliligaw si Luke, randam naman niya kung gaano siya kagusto ng binata. Ngunit biglang may kumalat na tsismis sa opisina tungkol sa kaniyang manliligaw.

“Anna! Narinig mo na ba yung kumakalat na chismis na may anak na raw pala si Luis! May nakakita sa kaniya sa mall na may buhat-buhat na anak at tinatawag siyang daddy,” gulat at natatarantang kwento ng kaibigan ni Anna.

“Oo, nabalitaan ko na. Ngayon ko lang nalaman. Absent pa naman siya, hindi ko pa siya natatanong. Sa tingin mo,may-asawa na siguro siya ‘no? Kaya siguro sa trabaho lang niya ako naasikaso,” malungkot na sabi ni Anna, randam sa mukha nito ang labis na sakit.

“Hindi ko sigurado, bes. Mas maganda kung makakausap mo siya, para sa kaniya mismo manggagaling,” sagot ng kaibigan na pilit pinakalma si Anna.

Oras na ng tanghalian sa opisina, nakita ni Anna na may text sa kaniya si Luke at may benteng missed calls mula sa lalaki.

“Anna, ipapaliwanag ko sa’yo. Please? Bigyan mo pa ako ng chance. May emergency lang sa bahay, pero pwede ba tayong magkita mamaya para makapag-usap,” sabi sa text na natanggap ni Anna mula kay Luke.

Alam ni Anna na wala siyang karapatan masaktan, dahil hindi pa naman sila magnobyo ni Luke. Pero labis na sakit talaga ang dinulot nito kay Anna, lalo na pagnaiisip nito na niloko lamang siya ng lalaki. Halos madurog ang puso niya sa tuwing paulit-ulit na umiikot sa isip niya na may may anak ay may asawa si Luke.

Pero kahit na ganoon ang nararamdaman, nais pa rin malaman ni Anna ang katotohanan. Lalo na ang dahilan kung bakit hindi ito ipinagtapat ni Luke nung una pa lamang. Nang mag-uwian at nagkita nga ang dalawa sa malapit na parke sa lugar nila Anna.

“Anna, hayaan mo akong magpaliwanag. Patawarin mo ako kung hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob noong una pa lamang para sabihin ito, hinintay ko pa ‘tong mangyari bago ko ito nasabi sa iyo. Natatakot kasi ako na baka hindi mo ako matanggap, baka umpisa pa lang, hindi mo na ko bigyan ng chance,” nagmamamkaawang sabi ni Luke kay Anna.

“Hindi ko kasi maintindihan, Luke eh. May anak ka na pala, ibig sabihin noon ay may asawa ka na…” wika ni Anna, at sa pagkakataong ito ay tuluyan nang tumulo ang luha nito na pilit niyang pinipigilan kanina pa.

“Nasasaktan ako, Luke! Alam ko na wala akong karapatan mag-inarte ng ganito. Kaso niloko mo ako eh, naniwala ako sa mga panliligaw mo, tapos may asawa at anak ka na pala. Sa tuwing iniisip ko yun, para mo akong ginawang kabet!” humahagulgol na sabi ni Anna.

“Anna, hindi. Mali ‘yang iniiisip mo. Wala akong asawa…” paliwanag ni Luke kay Anna, habang unti-unti na rin tumutulo ang mga luha nito.

“May anak ako, Anna. Totoo ‘yon. Patawad kung hindi ko agad sinabi sa’yo kasi baka umpisa pa lang ay busted na ko kahit hindi ko pa napapatunayan ang sarili ko sayo, at patawarin mo ako dahil hindi ko agad pinagtapat sa’yo. Pero hindi totoong may asawa ako, Anna. Anak ko siya sa pagkabinata, iniwan siya sakin ng nanay niya na dati kong kasintahan. Pero tapos na kami nun, tatlong taon na ang nakakalipas,” paglalahad na Luke habang tahimik na nakikinig si Anna.

Nilabas ni Luke ang kaniyang cellphone at kaniyang pinakita kay Anna ang larawan ng kaniyang tatlong taong gulang na anak na babaeng na si Alona. Habang mugto ang mata ni Anna, ang kaniyang tiningnan ang masasayang larawan ng mag-ama.

“Tulad ng pagmamahal at pagpapahalaga ko sayo, Anna. Mahalaga rin sa akin ang anak ko, siya lagi ang nasa una ng listahan ng mga prayoridad ko. Ako lang kasi ang mayroon siya, at masaya ako na ibinigay siya sa’kin,” patuloy na kwento ni Luke.

“Alam ko na nagkamali ako sa pagiging mapusok, pero araw-araw ay ibinibigay ang lahat upang maitama ko ‘yon at maging mabuting ama para kay Alona,” dagdag ni Luke.

Sa mga sandaling ‘yon, seryoso nang nakikinig si Anna kay Luke. Nakatingin ito ng malalim sa mga mata ng lalaki, at ramdam ni Anna ang busilak na pagmamahal nito sa kaniyang anak.

Hindi alam ni Anna kung ano ang gagawin, lalo na at may anak si Luke. Maraming maaring mangyari sa oras na maging sila.

“Maiintindihan ko, Anna, kung hindi mo kayang matanggap ang sitwasyon ko ngayon. Pero sa mapatawad mo ako dahil hindi ko agad sinabi sa’yo… Sana hayaan mo pa rin akong ligawan ka at patunayan sayo na karapat-dapat pa rin ako sa pagmamahal mo,” nanunuyong sabi ni Luke.

“Bigyan mo ako ng panahon, Luke,” ito ang tanging nasabi ni Anna, at hinatid na siya ni Luke pauwi.

Mula noon, nagpatuloy ang panliligaw ni Luke kay Anna. Naging mas pursigido ito, ngunit dahil nakalaaan ang oras niya pagkauwi sa kaniyang anak, minsan ay niyaya na lamang ni Luke si Anna na sumama sa kanilang mag-ama.

Dahil doon, mas lalong namangha si Anna sa pagmamahal na mayroon Luke para sa kaniyang anak na si Alona, ulirang ama ito. At hindi namamalayan ni Anna na unti-unti ng nahuhulog ng tuluyan ang kaniyang sarili para sa lalaki.

“Alam mo, bes. Handa na ako, handa na akong isugal lahat para kay Luke. Labis akong namangha at napahanga sa pagiging mabuting ama niya kay Alona. Kahit mag-isa lamang siya, pilit niya pa rin tinataguyod ito. Gusto ko ng lalaking na katulad niya, kasi alam ko na balang-araw, kung kami man sa huli at magkaroon kami ng anak, alam ko na hinding-hindi niya papabayaan ang mga ito,” kwento ni Anna sa bestfriend niya.

Nilinaw na rin nito na ‘di totoo ang tsismis na may asawa na ito.

Sumapit ang kaarawan ni Luke, at nang araw na rin na ‘yon ay iniregalo ni Anna ang matamis niyang oo. Sa tuwing magda-date ang dalawa ay lagi nilang kasa-kasama si Alona. Alam ng dalawa na maraming magiging pagsubok na darating sa kanila, pero dahil tunay at wagas ang pag-ibig nila, kakayanin nila ito at malalampasan.

Advertisement