Inday TrendingInday Trending
Binuo Kita, Sinira Mo Ako

Binuo Kita, Sinira Mo Ako

May mga tao talaga na mahilig magbuo ng mga sirang bagay, pero minsan din ay sirang tao na ang pilit nilang binubuo. Isa sa mga ‘yon ay si Carla. Likas kasi sa dalaga ang maging matulungin at maalaga, hindi lamang sa kaniyang pamilya, kung ‘di maging sa mga kaibigan niya at kakilala niya.

Maalalahanin at malambing, ‘yan ang unang katangian na nakikita ng ibang mga tao kay Carla. Kaya nang makilala niya ang malungkutin si Oliver ay pilit niya itong tinulungan na makabangon muli. Hindi naman nililihim ni Oliver ang kuwento ng kaniyang buhay, kaya alam ito ng lahat.

Si Oliver kasi ay iniwan ng kaniyang naging nobyo ng halos sampung taon din katagal. Inalok na niya kasi itong magpakasal, ngunit tinanggihan siya nito ay nakipaghiwalay. Mula nang mangyari ‘yon ay napabayaan na niya ang kaniyang sarili. Ninais na nga nito na tuldukan ang kaniyang buhay, ngunit lumalaban lamang siya ngayon dahil maiiwan niya ang kaniyang mga magulang.

Tahimik lang ito at walang kaibigan sa trabaho, kaya kinaibigan ito ni Carla. Walang halong malisya pero sadyang nais niya lang tulungan si Oliver na makabangon muli. Kaya mula noong naging magkaibigan ang dalawa ay madalas silang lumalabas, puro kwentuhan at madalas ay napapatawa at napapangiti ni Carla si Oliver. Unti-unti ay bumabalik ang sigla ni Oliver and natuto na ulit itong makisalamuha sa ibang tao.

“Carla, salamat ha? Salamat kasi laging kang nandiyan para sa akin. Pag nahihirapan ako, nangangailangan at nanghihina, nandiyan ka palagi para tumulong at damayan ako. Sobrang swerte ko na ipinakilala ka sa’kin,” malambing na sabi ni Oliver kay Carla.

“Kahit na natsitsismis tayo sa opisina, hindi mo pa rin ako iniwan,” dagdag nito.

Si Carla kasi ay may-asawa na, sadyang mabait ito at palakaibigan. Pero kahit ganoon ay walang halong malisya ang pakikipagkaibigan niya sa iba. Ngunit tila naging iba ang dating kay Oliver, dahil mahina at marupok ay unti-unting nahuhulog ang loob ni Oliver kay Carla. At dahil bawal, pinilit ni Oliver na itago ito sa kaniya at sinikap na lamang niya iparamdam ito sa gawa kahit bilang magkaibigan lamang.

Naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Laging nandiyan ang isa’t-isa sa tuwing kailangan nila ni kasama at tulong, emosyonal man o pinansiyal.

Habang tumatagal ay tila ang pagiging malapit ng dalawa ay nilalagyan na ng malisya ng ibang tao. Labis na rin kasi ang pagiging malapit ng dalawa na halos napapagkamalan na silang magkasintahan, lalo na ng mga taong hindi alam na may asawa na pala si Carla. Sabay umuuwi ang mga ito, at madalas ay nagkikita pa tuwing Sabado at Linggo.

Sa ibang bansa kasi nagtatrabaho ang asawa ni Carla, kaya malaya itong nakakalabas kasama ang mga kaibigan. Ang anak naman nito ay inaalagaan ng kaniyang mga magulang. Kaya mas lalong naging posible para kay Carla ang lumabas-labas para mamasyal.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti nang nagbago si Carla, halos umikot na ang mundo nito sa kaibigang si Oliver. Hindi na rin niya sinasamahan ang iba pa niyang mga kaibigan dahil nagseselos si Oliver. Hindi namamalayan ng dalawa na unti-unti na pala silang nagkakapalagayan ng loob at nagkakagustuhan. At nagpatuloy pa ito ng ilang buwan, at mas lalo pang lumalim ang kanilang pagsasama.

Walang kamalay-malay ang mga kaibigan ng mga ito at ang pamilya ni Carla, na may relasyon na pala ang dalawa. Dahil may bago nang minamahal, nanlamig na si Carla sa kaniyang asawa at madalang na lamang silang mag-usap sa video call. Tulad ng inaasahan ay nagduda na ang asawa ni Carla, at tuluyan na nga silang nagkagulo, nang mahuli si Carla ng kamag-anak ng kaniyang asawa na may kasama lalaki. Pilit itinanggi ni Carla ang lahat.

Dumating ang pagkakataon na handa na si Carla na ipaglaban ang nararamdaman para kay Oliver. Kahit kasi masagana ang buhay nito sa OFW niyang asawa ay hindi labis ang pagmamahal niya rito dahil nadisgrasya lamang siya nito at napilitan na magpakasal.

Sa pagkakataong ‘yon, alam ni Carla na si Oliver talaga ang kaniyang mahal. Kaya nang makauwi ang asawa ni Carla, kinausap niya ito ng masinsinan tungkol sa kasalukuyan lagay ng kanilang pagsasama. Inamin na rin nito ang relasyon na namamagitan sa kanila ni Oliver.

At dahil alam naman ng asawa ni Carla na napilitan lamang ang dalaga na pakasalan siya, hindi na niya ito pinahirapan pa at hinayaan na lamang ang babae sa kung saan niya gusto. Kapalit ng kalayaan nito ay ang kaniyang anak. Lalaki at titira ang anak ni Carla sa pamilya ng kaniyang asawa. Maari naman siyang bisitahin at ilabas ni Carla kahit anong araw niya gustuhin.

Noong una ay nagdalawang-isip ito, pero dahil nga malalim na ang pagmamahalan nila ni Oliver at napagdesiyunan na niyang pumayag sa kasunduan nila ng kaniyang asawa. Inisip din nito na hindi mapapabayaan ng kaniyang asawa ang anak nila lalo na at malakas ito kumita sa kaniyang trabaho.

Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin. Masayang nakipagkita si Carla kay Oliver upang ikwento ang nangyari. Sabik itong ibalita na malaya na ito at maari na silang magsama ni Oliver.

“Babe! Naayos ko na yung sa amin ng asawa ko, maayos kaming naghiwalay. Pwede na tayong magsama,” nakangiting kwento ni Carla.

“Ha?! Bakit?! Bakit mo ‘yun ginawa? Paano na ang anak mo? Paano kung kasuhan tayo ng asawa mo? T**gin* naman, Carla! Bakit ka nagdedesisyon na hindi mo sinasabi sa akin?! Mahirap to! Delikado!” galit na galit at natatarantang sabi ni Oliver.

Gulat na gulat si Carla sa naging reaksyon ni Oliver. Hindi niya ito inaasahan. Buong akala niya ang kayang siyang ipaglaban ni Oliver, mula pa lang nung mapagkasunduan nilang maging sila kahit may asawa ito. Pero taliwas ito sa nangyari.

Naging duwag si Oliver na harapin ang ganitong sitwasyon. Naging malamig at iniwasan niya na lang bigla si Carla, habang si Carla naman ay patuloy siyang sinusuyo. Pilit nitong pinapaliwanag na walang mangyayaring gulo at kakayanin nilang harapin ang mga pangungutya ng iba, basta magkasama lang sila.

Nagsimula sa ilang mga araw, hanggang sa naging linggo, hindi na tuluyan pinansin pa ni Oliver si Carla. Tuluyan na rin itong umalis sa trabaho at pinutol lahat ng komunikasyon na mayroon sila. Sinubukan ni Carla hanapin at habulin pa si Oliver, sa kahit anong paraan na alam at kaya nito.

Ngunit sadyang hindi na talaga nagparamdam ang lalaki. Araw-araw siyang iniyakan ni Carla, gabi-gabing nag-inom si Carla para makalimutan lang lahat ng sakit.

“Bakit ganoon?! Bakit walang siya balls?! Bakit hindi man lang niya nagawang ipaglaban ako o kami? Bakit ako lang pala yung kayang ipaglaban siya?!” humahagulgol na sabi ni Carla habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan na awang-awa sa knaiyang sitwasyon.

“Pagkatapos kong talukurin at iwan ang lahat para sa kaniya?! Iiwan lang din pala niya ako?!” patuloy na pag-iyak ni Carla.

Gabi-gabi ay ito ang eksenang nasasaksihan ng mga kaibigan ni Carla. At gabi-gabi ay paulit-ulit nilang tinutulungan bumangon si Carla, at magsimula ulit.

“Carla, alam kong mahirap at masakit, pero ngayon, piliin mo naman ang sarili mo,” wika ng isa niyang kaibigan.

“Mahirap, pero walang ibang makakatulong sa sarili mo kung ‘di ikaw lamang,” dagdag pa ng isa niyang kaibigan.

“Hindi ikaw ‘to, ibalik mo ‘yung dating ikaw. Nawala lang siya, pero hindi siya umalis. ‘Wag mong subukan pang bumuo ng iba. This time, buoin mo naman ang sarili mo,” dugtong ng isa pa niyang kaibigan.

Ilang linggo pa ang lumipas at nagpatuloy pa rin sa pagmumukmok si Carla. Hanggang sa isang araw ay pinasyalan siya ng dating asawa at ng anak niya. Nabalitaan kasi nila ang nangyari. Nagkaroon ng kaunting kwentuhan at pangangamusta. At isang bagay lamang ang tila gumising sa kaniya…

“Mama, bumalik ka na. Kailangan kita, gagawin ko ang lahat para magiging sapat ang love ko para sa’yo, mama, para hindi mo na ulit ako iwan.”

Nang makaalis ang mga ito ay tila nagising si Carla sa madilim niyang bangungot. Unti-unti ay sinikap nitong ayusin ang buhay niya. Alam niya sa sarili niya na sarili niya lamang ang muling bubuo sa kaniya. Mahirap pero ginawang inspirasyon ni Carla ang kaniyang anak upang magsimulang muli.

‘Di naglaon ay muling naayos ni Carla ang kaniyang pamilya at bukas kamay naman siyang tinanggap ng kaniyang dating asawa. Nagsilbing aral kay Carla ang mapait na yugto ng kaniyang buhay na ito, na minsan naghahanap tayo ng pagmamahal sa iba, ngunit hindi natin alam ay nasa sa atin na siya at nabibigay na ng mga taong kasalukuyang nasa buhay natin.

Advertisement