Inday TrendingInday Trending
Bingi na si Kuya

Bingi na si Kuya

Napansin ni Lenbert na pumipihit ang seradura ng pinto sa kanyang kwarto sa ospital. Nais niya mang tumalikod ay ‘di niya magawa dahil naka-semento ang kanyang binti, kaya sa halip ay ibinaling niya na lamang ang ulo sa kabilang direksyon.

Kita niya sa gilid ng mga mata na ibinaba ng nurse ang isang tray ng pagkain. Tumayo ang kanyang ina at inayos iyon, tapos mahina siyang tinapik sa braso. Inalalayan siya ng mga ito na makaupo sa kama, oras na para kumain.

Halos kamuhian ng binata ang kanyang sarili. Ayaw niya sa ganitong pakiramdam, inutil.

“Anak, mamaya ay oras na para tanggalin ang benda mo. Handa na ako, masayang-masaya ang mommy dahil sa wakas ay humilom na ang mga sugat mo,” mahinang sabi ng ginang.

Sobrang hina ng boses nito, dahil na rin siguro balot ng benda ang ulo ni Lenbert kaya ‘di niya gaanong marinig ang ina. Sa katunayan, kaya niya lang naunawaan ang winika nito ay dahil minasdan niya ang buka ng bibig.

Marahan lamang siyang tumango. Mabilis na lumipas ang oras at ilang sandali pa ay pumasok na ang doktor.

“Are you ready?” nakangiting wika nito. Hindi naman siya sumasagot.

Lumapit ito sa kanya at sa tulong ng nurse ay unti-unting tinanggal ang kanyang benda.

“There. Tuyo na ang mga sugat… maganda ang progress,” wika nito pero putol-putol. Hindi buo ang boses sa pandinig ni Lenbert, nag-usap pa ito at ang kanyang ina.

Nang matanggal ang benda sa bandang tenga niya ay bigla ang pasok ng hangin, ang putol-putol na boses ng dalawa ay naging matining na tunog… sobrang sakit sa tenga.

“Ah!” sigaw ng binata, tinakpan ang dalawang tenga. “Sh*t!”

“D-Doc ano ho ang nangyayari?” natatarantang sabi ng kanyang mommy.

“Ma’am, ito po ang sinasabi ko. Dahil po malakas ang impact ng kanyang pagkabangga ay naapektuhan ang kanyang pandinig. Parehong tenga po ang damaged… kakailanganin po siyang magsuot ng hearing aid,” sabi ng doctor.

Hindi man marinig nang maayos ay tila naunawaan ni Lenbert ang paliwanag nito. Nasa kalagitnaan siya ng pagdaing nang mapasulyap siya sa salamin.

Ang pangit niya. Wala na ang gwapo at maamo niyang mukha. Wala siyang ibang nagawa kundi ang lumuha.

Panganay siya sa apat na magkakapatid, maagang pumanaw ang kanilang daddy kaya siya na ang tumayong ama sa mga ito. Lahat ng trabaho ay pinasok niya para lang makatulong sa kanyang mommy at nang sa wakas ay napagtapos niya na ang dalawa ay doon lamang sila nakahinga ng maluwag. Sa ngayon ay nasa kolehiyo na rin ang kanilang bunso.

Diyos ko, ni hindi na nga siya nakapanligaw. Kaya sa edad niyang 36, ngayon ay binata pa rin siya dahil lagi niyang inuuna ang kanyang pamilya. Hanggang sa mangyari ang trahedya, nabangga ang sinasakyan niyang taxi. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang driver habang siya naman ay nag-50-50. Nagising nga siya pero pilay at sira ang mukha tapos ito… bingi pa.

Siguro ay nakadagdag sa sama ng kanyang loob ang katotohanang ni minsan ay ‘di man lang siya dinalaw ng mga kapatid. Tanging mommy niya lamang ang nag-aasikaso sa kanya. Dahil ba wala na siyang silbi?

Mabilis umandar ang ilan pang linggo at binigyan na siya ng doktor ng permiso na umuwi. Sa totoo lang ay parang ayaw niya pa, hindi niya alam kung paano magsisimula. Hindi niya alam kung paano pakikiharapan ang mga kapatid gayong masama ang loob niya sa mga ito.

Dahan-dahan siyang inakay ng ina pababa sa van at pumasok na sila sa gate ng kanilang bahay. Pagbukas ng mommy niya ng ilaw ay nagulat pa siya dahil may mga lobo at cake.

Lumapit ang bunso nila at nag-sign language, “Welcome home Kuya, na-miss ka namin.”

Naunawaan iyon ni Lenbert dahil nasa ospital pa lamang siya ay kumuha ang kanyang ina ng sign language tutor. Kasi nga naman ay mahihirapan na siyang makarinig. Umuugong ang tenga niya tuwing susubukan niyang magsalita.

Lumapit ang isa niya pang kapatid, “Nagulat ka ano? Marunong kami! Mahal na mahal ka namin kuya,” senyas rin nito.

Hindi na nakatiis pa si Lenbert, “Paano ninyo nalaman?” senyas niya.

“Habang wala kang malay kuya ay dumadalaw kami. Tapos noong nagising ka na, napanatag na kami. Kaya lang sabi ng doktor ay ‘di ka na raw makakarinig kaya ang ginawa namin ay nag-take kami ng sign language lesson habang nasa ospital ka para pag-uwi mo ay makakapag-usap pa rin tayo,” paliwanag nito sa pamamagitan ng senyas.

Nangilid ang luha ni Lenbert, akala niya ay kinalimutan na siya ng tatlo.

“Kuya salamat sa lahat, mahal ka namin. Pasensya ka na kung ‘di kami makadalaw, kasi ay ‘di naman namin ginalaw ang ipon mo. Nagtrabaho kami para ipambayad sa iyong hospital bill. Basta sama-sama, kaya mo ‘yan kuya,” sabi ng isa pa.

Niyakap niya ang mga kapatid, minasdan sila ng ina na ngayon ay lumuluha na rin.

Muling nagkaroon ng pag-asa sa buhay si Lenbert. Wala na nga ang kanyang kagwapuhan at kanyang pandinig pero hindi niya nararamdamang kulang siya. Dahil ang mahalaga, nariyan ang kanyang pamilya na ‘di siya iiwan.

Advertisement