Sa tuwing sasapit ang hatinggabi ay palaging nawawala si Kristina at lumalabas sa kanilang malaking bahay. Lumaki sa mayamang pamilya ang dalaga ngunit palagi itong sakit ng ulo ng kanyang ama na si Don Osvaldo mula nang pumanaw ang asawa ng lalaki. Hindi malaman ng Don kung saan nagpupunta ang kaisa-isa niyang anak tuwing hatinggabi.
“Saan na naman kaya nagtungo si Kristina. Palagi na lang niya sinusuway ang utos ko na huwag na huwag lalabas ng mansyon sa hatinggabi. Delikado pa naman ang panahon ngayon,” inis na sabi ni Don Osvaldo sa sarili.
Kapag tinatanong naman nito sa mga kasambahay at gwardiya kung saan nagpupunta ang dalaga ay wala namang makapagsabi sa kanya. Kaya may naisip siyang solusyon. Tinipon niya ang kanyang mga kasambahay, maging ang mga gwardiya sa mansyon para sa isang mahalagang anunsyo.
“Ipinatawag ko kayong lahat dahil gusto kong sabihin sa inyo na kung sino man ang makakapagsabi sa akin kung saan nagpupunta ang aking anak tuwing hatinggabi ay bibigyan ko ng pabuya. Ngunit kapag nabigong masabi sa akin kung saan nagtutungo ang inyong Senyorita Kristina ay may kaakibat na parusang makukuha,” hayag ng lalaki.
Lahat ng kasambahay at guwardiya sa mansyon ay tinanggap ang hamon ni Don Osvaldo. Nakipagsapalaran sila dahil sa pabuyang posible nilang makuha ngunit ang iba sa kanila ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung saan nagpupunta si Kristina sa hatinggabi kaya ang mga nabigong kasambahay at guwardiya ay binigyan ng parusa ni Don Osvaldo. Ang parusang nakuha nila ay ang hindi pagkain ng tanghalian sa loob ng tatlong araw.
Ang iba ay sumuko na dahil sa takot na maparusahan din ng Don ngunit may isang matapang na gwardiya na hindi susuko sa hamon nito, ito ay walang iba kundi si Filemon.
Dahil sa kagustuhang malaman kung saan nagpupunta ang anak ng kanyang amo sa tuwing sasapit ang hatinggabi ay nagpatulong siya sa kanyang tiyahing mangkukulam. Ang tiyahin niyang ito ay hindi masamang tao. Ginagamit lang nito ang naiibang kakayahan kapag mayroong nangangailangan ng tulong. Hindi rin nito ginagamit ang kakayahan sa kasamaan bagkus ay sa kabutihan lamang.
“Tiya Ursula, tulungan mo naman ako kung paano malalaman kung saan nagtutungo ang anak ng aking amo sa pagsapit ng hatinggabi,” pakiusap niya sa tiyahin.
“Iyon lang ba, hijo? Sige tutulungan kita,” wika ng kanyang tiyahin.
Binigyan siya nito ng isang balabal na kapag kaniyang isinampay sa kanyang mga balikat ay hindi siya makikita ninuman. Pinaalalahanan din siya ng tiyahin na gamitin ang balabal sa kabutihan at huwag na huwag sa masamang balak.
Nang gabing iyon ay sinimulan ni Filemon ang pagbabantay sa anak ng kanyang amo. Pumuwesto siya sa labas ng pinto ng kwarto nito dahil na rin sa utos ni Don Osvaldo. Nang biglang may nagbukas ng pinto.
“Magandang gabi, kanina ka pa yata nagbabantay diyan sa labas ng aking kwarto. Heto, inumin mo itong kape pampawala ng antok,” sabi ni Kristina.
“Salamat po Senyorita!” sagot niya rito.
Matapos na maiabot sa kanya ang isang tasa ng kape ay bumalik na sa loob ng kwarto ang dalaga. Naramdaman naman ni Filemon na may kakaibang balak ito sa kanya kaya binigyan siya ng kape kaya imbes na inumin ay itinapon niya iyon sa labas ng bintana.
“Hindi mo ako malilinlang, Senyorita Kristina. Alam kong nilagyan mo ng pampatulog ang kapeng ibinigay mo sa akin,” bulong niya sa sarili.
Nagkunwari siyang natutulog ng gabing iyon sa labas ng kwarto at pinakiramdaman ang maaring mangyari. Maya-maya ay naramdaman niya na lumabas ng kwarto si Kristina. Nang makalabas at makababa ito ng hagdan ay dali-dali niyang isinuot ang balabal na ibinigay sa kanya ng tiyahing mangkukulam at palihim itong sinundan. Nakita niya na sumakay ito ng kotse. Ang hindi alam ng dalaga ay sumakay rin siya sa likod ng sasakyan. Wala itong kamalay-malay na naroon siya dahil hindi siya nito nakikita dahil sa mahiwagang balabal.
Ilang minuto lang ang lumipas at huminto ang kotse sa isang maliit na bar. Bumaba ng kotse ang dalaga at nagmamadaling pumasok sa loob. Agad naman niya itong sinundan hanggang sa makita niya si Kristina na masayang nagsasayaw sa loob ng bar sa saliw ng maingay na musika.
“At dito pala nagpupunta ang Senyorita kapag sumasapit ang hatinggabi,” bulong niya sa sarili.
Hinanap niya ang palikuran at doon pumasok. Nang makitang walang ibang tao ay hinubad niya ang suot na balabal. Naisip niya na maglagay ng maskara para hindi siya makilala ni Kristina.
Lumabas siya sa palikuran at nilapitan ang nagsasayaw na dalaga.
“Miss, maaari ka bang maisayaw?” magalang na sabi ni Filemon.
“Siguraduhin mo lang na magaling kang magsayaw ha,” sagot ng dalaga.
Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang sa mapagod si Kristina at halos mabutas na ang mga suwelas ng suot nitong sapatos.
Makalipas ang ilang oras ay nagpaalam na rin ang dalaga na uuwi na. Bakas sa ngiti nito na nagustuhan niya ang kanyang kasayaw.
Muli namang isinuot ni Filemon ang balabal at mag-isang bumalik sa mansyon.
Kinaumagahan ay tinanong siya ni Don Osvaldo.
“Alam mo ba kung saan nagtutungo ang aking anak sa tuwing sasapit ang hatinggabi?”
“Opo, Don Osvaldo. Nagpupunta po siya sa bar para magsayaw. Ito po ang katunayan. Itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan matapos ko siyang maisayaw,” sagot ng binata habang ikinuwento pa sa amo ang iba pang detalye.
Dali-dali namang ipinatawag ni Don Osvaldo ang anak at tinanong ito kung totoo ang sinasabi ng gwardiya.
“T-totoo po ang inyong nalaman n-gunit paano mo nalaman Papa?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Inutusan ko si Filemon na sundan ka sa iyong pag-alis at sinabi niya sa akin ang lahat,” tugon ng ama.
Walang nagawa ang dalaga kundi aminin ang ginawa. Labis din nitong ipinagtaka kung bakit nalaman ni Filemon ang kanyang pagpunta sa bar.
“Dahil nagtagumpay ka sa aking ipinag-utos ay mapapasa iyo ang isang pabuya. Ikaw mismo ang maaaring humiling sa akin kung anong kahilingan ang gusto mo,” wika ni Don Osvaldo.
“Isa lang po ang gusto kong hilingin. Maaari po bang mahingi ang kamay ng inyong anak? Nais ko po siyang maging asawa. Mula nang makasayaw ko siya kagabi ay nakaramdam na ako ng kakaiba. Tila umiibig na yata ako kay Senyorita Kristina,” sagot niya.
Dahil mayroong isang salita ang Don ay pinagbigyan nito ang hiling ni Filemon. Balak pa sana ng dalaga na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang muling isuot ni Filemon ang maskara na ginamit nito nang nagdaang gabi ay nakilala siya ni Kristina.
“Ikaw? Ikaw ang binatang nakasayaw ko kagabi?” manghang sabi ng dalaga.
At dahil labis na kinagiliwan ni Kristina na kasayaw si Filemon ay pumayag na itong makipag-isang dibdib sa binata. Inamin ni Kristina na sa pagsasayaw nila ni Filemon ay nakadama rin siya ng kakaiba sa kanyang puso. Tumibok ito sa lalaking nakasama niya sa nagdaang gabi.
Ikinasal ang dalawa at sa mismong espesyal na araw na iyon ay muli silang nagsayaw sa saliw naman ng isang romantikong tugtugin. Habang nagsasayaw ay ipinagtapat ni Filemon sa kanyang asawa ang tungkol sa mahiwagang balabal na ginamit niya para mahuli ito. Sa una ay nagulat si Kristina at hindi makapaniwala ngunit nagpasalamat ito sa balabal na ibinigay ng tiyahin ng mister dahil kung hindi dahil sa balabal na iyon ay hindi sila nagkalapit ni Filemon at hindi sila nakapagsayaw. Hindi nila inakala na ang mahiwagang balabal at ang sayaw lang pala ang magdadala sa kanilang mga puso sa walang hanggang kaligayahan.