“Darling, anong gusto mong hapunan mamayang gabi? Gusto mo ba ipagluto kita ng paborito mo?” tanong ni Monica sa kaniyang mister.
“Kahit ano, ayos naman sa akin. Kung ano na lang ang mayroon sa ref na mailuluto’y ayos na,” sagot ni Fernan, ang asawa ng babae.
“Ang swerte ko talaga sa asawa ko, walang kapihi-pihikan sa pagkain. Siya, mag-iingat ka sa pagpasok sa trabaho,” wika muli ng babae sabay halik sa pisngi ng kaniyang asawa.
“Nga pala, darling, may order ako online. Sa shop ko pinadeliver, ha,” dagdag pa nito sabay yakap ng mahigpit sa lalaki.
Napatango na lamang si Fernan bilang pagsang-ayon sa kaniyang asawa. Halos dalawang taon na ring nasa bahay ang babae at nag-aalaga sa kanilang dalawang anak. Nilayasan kasi sila noon ng kanilang kasambahay at wala pa ring nakitang kapalit kaya naman walang nagawa si Monica kung ‘di ang tumigil sa trabaho para magbantay sa mga anak.
“Sir, delivery po para kay ma’am,” wika ni Albert. Tauhan ni Fernan sa kanilang maliit na negosyo.
“Magkano ‘yan?” tanong ng lalaki.
“3,500 po, sir,” sagot naman ng delivery boy. Napailing na lang si Fernan at saka inabot ang bayad.
“Alam mo, sir, simula nung nauso ‘yang mga online shopping ay mas sumakit ang ulo ko. Ganyan din po si misis, palagi na lang may ino-order na kung ano-ano. Kapag naman hindi napagbigyan ay sila pang masama ang loob. Sasabihin pang kaunti nga lang daw ang na-check out sa cart nila at kung tutuusin ay mura na kasi free shipping pa,” natatawang biro ni Albert kay Fernan.
“E si Ma’am Monica mo nga ay mabait lang sa akin kapag may order siyang kailangan pabayaran. Akala niya yata pinupulot ko lang ang pera,” dismiyadong saad ng lalaki.
“Yun lang talaga ang magiging problema mo, sir. Kaya dapat ngayon pa lang ay mag-usap na kayo ni ma’am kasi marami pa pong darating na sales,” payo sa kaniya ni Albert. Hindi na sumagot pa si Fernan at napatingin na lang sa malayo.
May sariling negosyo si Fernan na siyang ikinabubuhay nila ngayon ng kaniyang pamilya. Nandito ang grocery store, bigasan at pautang nila na siyang pinapatakbo lahat ng lalaki.
“Darling, nakauwi ka na pala hindi ko man lang namalayan! Kamusta ang araw mo? Nadala mo na ba ang order ko? Akin na para naman ma-review ko kaagad at maibalik kung may sira,” salubong ni Monica sa mister.
“Bakit parang tumatagal ay palaki nang palaki ang binibili mo? Ano na naman ba ‘yan?” tanong ni Fernan sabay abot sa package ng misis.
“Dito sa bahay, mga bagong lagayan ng kung ano-ano. Tsaka kaunting para sa akin at sa mga bata, ito naman kung makapagreklamo! Minsan lang naman ako magpabili sa isang buwan! Sa online na nga ako bumibili, mas mura na ‘to,” baling kaagad ni Monica.
“Kailangan ba natin ‘yan? Kaunting tipid naman sana, kasi ang daming gastusin ngayon,” sagot naman ni Fernan dito.
“Ang sabihin mo, nanghingi na naman siguro ‘yung pamilya mo kaya naapektuhan na naman ang budget natin. Hanggang kailan ka ba magiging anak sa kanila? Dapat hindi na sila nakasandal sa’yo o sa negosyo natin. Ang hirap naman na gusto mo akong magtipid pero todo bigay ka pagdating sa pamilya mo!” sigaw agad ni Monica.
“Ito na naman ang asawa ko,” isip-isip ni Fernan. Hindi na nagsalita pa ang lalaki at mas pinili na lamang niyang pumasok sa kanilang kwarto. Ayaw na niyang makipagtalo pa sa asawa. bukod kasi sa ayaw magpatalo nito ay paniguradong o-order naman ang babae sa online shopping niya at sasabihing pakunswelo na ito.
Panganay si Fernan at sa kaniyang pamilya ay siya lamang ang bukod tanging nakakaluwag sa buhay. Kaya naman hindi niya matigilan ang pagsusuporta sa kaniyang pamilya kahit nga lagi itong kinagagalitan ng kaniyang asawa.
“Sige na, tama na. Kung ‘yang pago-online shopping mo ang makakapagpasaya sa’yo e di sige,” mahinang sagot nito sa kaniyang misis na wala pa ring tigil sa pagputak ng kaniyang bunganga.
“Bayad mo na ‘to sa’kin para sa pagiging yaya ko sa pamilyang ‘to! E kung nagtratrabaho sana ako, e di sana hindi ako nanghihingi ng kahit pisong duling sa’yo!” bulyaw muli ni Monica.
At natapos na naman ang gabi nilang mag-asawa sa pagbubunganga ni Monica sa kaniyang mister. Lumipas ang isang linggo at muling umorder si Monica ngunit hindi ito nakarating sa babae.
“Asan na ‘yung inorder kong blower?! Bakit na-cancel? Para 699 piso ay ipinagdadamot mo sa’kin?” salubong ni Monica sa asawa.
“Pasensya ka na,” mahinang sagot nito. Napaupo siya at napahawak ng kamay sa kaniyang ulo.
Nang biglang mawalan ng malay ang mister niya. Mabilis na naitakbo sa ospital si Fernan at doon sinabi ng doktor na over fatigue raw ang naging sanhi ng pagkawala ng malay ng kaniyang asawa. Kailangan ng pahinga nito para bumalik ang kanyang lakas.
Habang natutulog si Fernan ay tinignan ni Monica ang gamit ng kaniyang asawa. Tila nanlamig ang kaniyang pisngi sa nakita. napaluha na lamang siya at hinawakan ng mahigpit ang mga kamay ng mister. Sakto naman nagising ito.
“Bakit hindi mo sinasabi sa’kin na may ganito tayong problema?” tanong ni Monica sa asawa.
“Pasensya ka na, Monica, pinilit ko naman dalhin pero naapektuhan na rin siguro ang katawan ko. Sobrang stress at ayaw ko naman na maramdamam mo rin ‘yun kasi parati ka na lang galit sa’kin. Baka nga mali ko na pinatigil kita sa trabaho kaya ka laging ganyan,” malungkot na saad ni Fernan sa kaniya.
“Patawarin mo ako, naging makasarili ako at bungangera. Patawarin mo ako, Fernan!” at doon umiyak ng umiyak ang babae.
Natuklasan ni Monica na natakbuhan pala sila ng pera na nagkakahalagang singkwenta mil. Kaya naman laging problemado ngayon ang kaniyang asawa, roon din niya nakitang ipinagpapalit ng lalaki ang pambili ng mga gamot para sa nanay niyang may sakit para lamang sa mga order niya. Ang totoo pala’y kapos na kapos na sila sa pera kaya doble kayod ang ginagawa ng mister huwag lamang niya itong makita.
Hiyang-hiya si Monica sa kaniyang mister dahil sa kaniyang naging asal. Hindi niya nakita ang mga sakripisyo ng lalaki at mas inuna niya ang kapritso sa katawan. Kaya naman, pinagpahinga niya ang mister at siya na muna ang nag-asikaso sa kanilang negosyo na sana rati niya pa ginawa.
“Alam mo, sobrang gaan ngayon ng trabaho kasi kasama kita. Pero kung napapagod ka na ay pwede ka naman dito na lang sa bahay,” pahayag ni Fernan sa babae.
“Sus, ang lalaki na ng anak natin, lahat ay pumapasok na sa eskwelahan. Hayaan mo naman akong bumawi sa’yo at nawa’y mapatawad mo ako kasi naging maluho akong asawa na wala sa lugar. Mahal na mahal kita, Fernan!” sagot ni Monica sabay yakap sa kaniyang mister.
Simula noon ay hindi na muling nag online shopping si Monica. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito sa kaniyang telepono at mas tumutok para tulungan ang kaniyang asawa. Para sa kaniya at para sa kanilang pamilya.