Inday TrendingInday Trending
Mama Maʼam

Mama Maʼam

Isang batang ina si Angelica. Sa edad na kinse anyos ay nagluwal na siya ng isang batang babaeng ngayon ay maglilimang buwan na. Ganoon pa man, minabuti ni Angelica na magsikap upang makapagtapos pa rin ng pag-aaral sa kabila ng pagkakamaling nagawa niya.

Ngayon nga ay nasa ika-siyam na grado na siya sa mataas na paaralan ng kanilang lugar at nagsusumikap upang sa kalaunan ay mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang anak at makabawi na rin sa kaniyang mga magulang.

“Anak, paano ʼyan? Kailangan kong pumunta ng ospital. Wala kasing ibang magbabantay sa lola mo. Hindi ka muna makakapasok ngayon kasi, kailangan mong bantayan ang anak mo,” minsan ay pagbibigay alam ng kaniyang ina kay Angelica.

“Ayos lang po, ʼma. Magpapaalam na lang ako kay Maʼam Tolentino mamaya,” ang sagot naman ni Angelica sa kaniyang ina, kahit pa medyo nag-aalangan siya sa likod ng kaniyang isipan dahil alam niyang may exam sila mamaya.

Ganoon pa man ay minabuti niyang huwag na lang sabihin iyon sa ina upang hindi na makadagdag pa sa isipin nito. Masiyado na siyang nahihiya sa hirap nito para sa kaniya. Kahit pa magsisi siya ngayon sa kaniyang mga naging kalokohan ay huli na ang lahat.

Mabilis ang naging kilos ni Angelica at agad niyang binihisan ang anak na si Baby Letty na isinunod niya pa ang pangalan sa kaniyang inang si Leticia. Pagkatapos ay inihanda ang kaniyang mga dadalhin papunta sa eskuwela upang personal siyang makiusap sa guro kung maaaring sa ibang araw na lamang siya mag-take ng exam—iyon ay kung hindi siya manginginig sa takot habang kaharap ang isa sa pinaka-terror nilang teacher na si Mrs. Tolentino.

“M-maʼam, okay lang po ba kung sa ibang araw na lang ako kukuha ng exam? Kailangan ko po kasing alagaan si Baby Letty dahil wala pong ibang pʼwedeng mag-alaga sa kaniya sa bahay. Nasa ospital po kasi si mama at inaalagaan ang lola ko, habang nasa trabaho naman po si papa,” tuloy-tuloy na pagpapaalam ni Angelica sa kaniyang gurong masamang nakatingin sa kaniya. Maya-maya pa ay bumaling ito sa natutulog niyang anghel. Matagal din nitong tinitigan ang kaniyang anak, bago ito nagsalita…

“Take your exam now… Iʼll take care of your baby,” seryosong sabi ni Maʼam Tolentino pagkatapos ay agad itong ngumiti na siyang unang beses pa lang nakita ni Angelica.

“T-talaga po, maʼam? Maraming salamat po!”

Karga ng kaniyang butihing guro ang anak ni Angelica at laking tuwa niya dahil hindi nagpapasaway ang bata! Tumatawa-tawa pa ito habang nilalaro-laro ng kaniyang guro at humahagikhik. Iyon nga lang, hindi rin makapag-focus sa pag-e-exam ang kaniyang mga kaklase dahil pare-parehong nasa bata ang atensyon ng mga ito.

“What are you looking at?” mariing tanong ni Maʼam Tolentino sa kanila sabay baling kay Baby Letty. “Look, baby. Theyʼre all looking at you! Halika na, lalabas tayo!” tatawa-tawang dagdag pa ng guro sabay tayo at naglakad palabas.

Natawa naman ang buong klase bago nagsibaling na sa kanilang mga ginagawa.

Natapos ang examination day. Minabuti ni Mrs. Tolentino na pauuwiin na nang maaga si Angelica, kahit hindi pa tapos ang oras ng klase.

“Take good care of your baby, ha? Ang cute ng batang ʼyan. Sigurado ako, kung bibigyan mo siya ng magandang kinabukasan ay siya ang magbibigay saʼyo ng sobrang kaligayahan. And I wish na dalhin mo ulit dito si baby sa ibang araw,” nakangiti pang sabi ni Maʼam Tolentino.

“Salamat po ulit, maʼam, ha? Hindi ko po alam na sobrang galing nʼyo rin pong maging ina…” sabi naman ni Angelica sa kaniyang guro.

“Aba, siyempre! Ikaw ba naman ang mag-alaga ng ilang sections ng makukulit na kabataan sa high school, araw-araw, e. Hindi ka pa ba gagaling noʼn?” biro pa ni Mrs. Tolentino.

Mula noon ay mas naintindihan ni Angelica kung bakit ganoon na lang ka-terror ang asta ng kaniyang guro. Lumaki ang paghanga niya rito at sinimulan na ring mangarap na sundan ang yapak nito.

Kasabay ng pag-aalaga sa kaniyang anak ay pinagbuti ni Angelica ang kaniyang pag-aaral. Ilang taon pa ang lumipas at natupad na ang pangarap niyang maging isa ring guro. Kasabay ng unang taon ng kaniyang pagtuturo sa kindergarten at nursery ay ang pag-uumpisa rin sa pagpasok ni Baby Letty. Malaki ang pasasalamat ni Angelica sa kaniyang gurong si Mrs. Tolentino pati na rin sa kaniyang inang siyang nag-alaga sa kanila ng kaniyang anak.

Tunay na hindi kayang pantayan ng kahit sino ang pagmamahal ng isang ina… iyon mang tunay o iyong pangalawang ina sa eskuwela.

Advertisement