“Pare, bilisan mo! Nandiyan na si Mang Goryo!” hiyaw ng kaibigan ni Tony na si Kier.
Patalon na si Tony sa bintana at dinig na dinig nila ang malalakas na kalampag ni Mang Goryo sa pintuan ng inuupahan nilang dormitoryo. Humihiyaw ito at halata ang matinding galit para kay Tony.
“Walanghiya ka, Tony! Pupug*tan kita ng ulo kapag hindi mo pinanagutan ang anak ko!” maririnig na hiyaw pa ni Mang Goryo habang pinupukpok nang maigi ang pintuan ng kanilang dormitoryo.
“Bilisan mo na, pare!” pagmamadali naman ni Kier sabay hagis sa kaniya ng isang malaking bag ng kaniyang gamit.
“Salamat, pare!” Sabay sibat ni Tony sakay ng kaniyang motorsiklo. Usapan na nila ni Kier na pi-pick up-in na lamang nito ang naturang motorsiklo sa terminal ng bus kapag siya ay nakaalis na, para madali siyang makaeskapo.
Alam ni Tony na malaki ang kasalanan niya kay Mang Goryo, lalong-lalo na sa anak nitong si Gwen, isa sa mga babaeng pinaglaruan lamang ni Tony na siyang kilalang playboy sa kanilang campus. Ang kaso, nagkaroon ng aberya nang hindi sinasadyang mabuntis niya si Gwen! Ayos naman kasi sana ang kanilang relasyon noong una. Sa katunayan ay si Gwen ang pinakamatagal na naging girlfriend ni Tony at sa kasagsagan ng kanilang relasyon ay wala siyang naging ibang babae, dahil nakuntento siya sa atensyong ibinibigay sa kaniya ng dalaga. Iyon nga lang, nang mabuntis niya ito ay tila ba para siyang natakot sa responsibilidad na kahaharapin niya, gayong hindi pa man niya natatapos ang kaniyang pag-aaral. Kaya, heto at kumakaripas siya ng takbo para takasan ang babae at ang galit nitong ama.
Nalaman niya ang liblib na baryo ng Baryo Corazon sa isang sulok ng Pilipinas, dahil sa internet. Minabuti ni Tony na doon muna magpunta upang huwag talaga siyang matunton ng dating pulis na si Mang Goryo. Yari talaga siya kapag siyaʼy nahuli nito. Ang hindi niya alam, ang pagtakas niya pa palang iyon ang siyang magpapahamak sa kaniya…
“Magandang umaga po. Dito po ba iyong sinasabi sa akin na bahay panuluyan? Magkano ho ang renta ng kwarto rito?” tanong ni Tony sa isang babaeng nagwawalis sa bakuran nito pagkarating na pagkarating pa lang niya sa Baryo Corazon.
“Oo, hijo, ito nga. Singkuwenta pesos lang naman kada isang gabi,” agad namang tugon ng babae.
Agad silang nagkasundo. Nagbigay ng paunang bayad si Tony sa babae at agad naman siya nitong pinaunlakan papasok sa loob ng bahay panuluyan.
“Amang, bakit ba ngayon mo pa naisipang dito magbakasyon sa Baryo Corazon?” tanong ng babae kay Tony matapos nitong isara ang pinto ng bahay.
“Wala naman ho, gusto ko lang mag-relax,” pagsisinungaling naman niya.
“Hindi mo ba alam na delikado ngayon sa lugar na ito? Ang baryong ito ngayon ay hindi na ligtas…”
“Bakit naman ho?”
“Pinamumugaran na kasi ito ngayon ng mga—halimaw. Mga halimaw na sabik sa mga sanggol na hindi pa man nailuluwal ng kanilang mga ina. Mga halimaw na hayok sa laman ng tao!” hiyaw ng babaeng napag-alaman niyang nagngangalan palang Aling Constancia.
Ayaw sanang maniwala ni Tony sa sinabi nito noong una, ngunit ganoon na lang ang gimbal niya nang siya mismo ang makasaksi ng isang katakot-takot na pangyayari sa katabing bahay ng tinutuluyan niya! Ang babae kasing buntis na naninirahan doon ay pin*slang ng hindi maipaliwanag na nilalang na kitang-kita mismo ng kaniyang mga mata! Totoo nga! Ang Baryo Corazon ay baryo na ngayon ng mga aswang!
Gusto na sanang bumalik ni Tony sa Maynila upang makatakas sa hindi karaniwang kababalaghan sa lugar na iyon ngunit isang pangyayari ang pumigil sa kaniya nang mayroong mag-iinang humingi ng tulong sa kanilang mga naninirahan sa bahay panuluyan. Buntis itoʼt may kasamang mga bata. Labis ang takot nitong baka siya naman ang susunod na biktimahin ng aswang.
Dala ng labis na awa ay nagpasya si Tony na protektahan ang mag-iinang iyon tutal ay siya lamang ang lalaki sa bahay panuluyan. Habang ginagawa niya iyon ay biglang pumasok sa kaniyang isipan ang kaniyang nobyang si Gwen at ang anak nilang dinadala nito… nang mga sandaling iyon ay labis siyang nagsising iniwan niya ang kaniyang mag-ina dahil sa takot na baka hindi niya kayanin ang responsibilidad niya sa kanila.
Nang gabing iyon ay hindi nga sila nagkamali dahil tatlong aswang ang agad na tumiktik sa bubungan ng bahay panuluyan… ngunit lingid sa kaalaman ng mga itoʼy handa si Tony at ang kaniyang mga kasama para sa laban.
Buntot pagi, asin, bawang at ang pinakamalakas nilang sandata… ang dasal at pananalig sa Diyos ang siyang ginamit nila upang magapi ang tatlong halimaw! At bago ang bukang liwayway ay nagsidatingan na ang mga asa-asawa ng kababaihang nabiktima ng mga aswang at sama-sama nilang prinotektahan ang lugar simula noon.
Samantala, si Tony ay desidido nang bumalik sa Maynila upang panagutan ang dinadala ng babaeng minamahal niya namang talaga. Masyado lamang siyang nabulag ng takot kaya niya nagawang iwan ito. Ngunit ngayon, handa na niyang harapin ang kaniyang responsibilidad, harangin man siya ng taga ni Mang Goryo, o harangin man siyang muli ng mga aswang!