Inday TrendingInday Trending
Nakapaskil na Listahan

Nakapaskil na Listahan

Kalilipat lamang ni Karren sa Baranggay na iyon ng Brgy. Makapal. Maganda ang bahay na nabili niya dahil bukod sa malapit lamang sa kalsada ay katabi lang ng ilang mga tindahan. ʼDi na niya kakailanganin pang lumabas at humanap ng mabibilhan kung sakaling maubos ang ilang stock niya ng groceries dahil hirap na siyang maglakad-lakad ngayon dahil sa kaniyang kalagayan. Kabuwanan na kasi ng kaniyang ipinagbubuntis na siya niyang panganay na anak.

Sariwa ang hangin sa lugar na iyon. Maaliwalas din ang paligid, dahil hindi gaanong matao o maingay, bagamaʼt may mangilan-ngilang mga nag-uusap na magkakapit bahay sa labas, o kayaʼy may mga nagdaraang kabataan. Isang araw ay naisipan niyang bumili sa pinakamalapit na tindahan sa kaniyang tinitirhan nang maubusan siya ng gagamiting mantika para mamaya sa iluluto niyang hapunan.

“Pabili nga po ako ng isang boteng mantika,” sabi ni Karren.

“Beinte kwatro ang isa, hija. Sandali, ikukuha kita,” sagot naman ng uugod-ugod nang matanda.

Habang naghihintay ay napapatingin si Karren sa malaking tarpaulin na nakapaskil sa gilid ng tindahan kung saan nakasulat sa naglalakihang mga letra ang ilang mga pangalan na sinusundan ng mga numerong hindi niya maintindihan kung para saan.

“Bago ka ba rito, hija? Ngayon lang kasi kita nakita,” tanong sa kaniya ng matanda nang makabalik ito na siyang nagpaalis ng pagkakatitig niya sa mga pangalang iyon. “Ito na pala ang mantika mo,” sabi pa ng matanda sabay abot ng bote ng mantika gamit ng nangangatal na nitong kamay.

“Opo. Kalilipat lang ho namin diyan noong isang araw,” sagot naman ni Karren sabay turo sa kaniyang bahay na nasa malapit lang naman.

“Ganoon ba, hija? Kung ganoon, e, dapat na pala kitang balaan. Tutal ay kanina ka pa naman nakatitig diyan sa nakapaskil na mga pangalan diyan sa gilid ng tindahan ko. Sana, tandan mo ang lahat ng iyan at huwag na huwag kang makikipagkaibigan.”

Napakunot noo si Karren sa narinig mula sa matanda. Sa isip-isip niya tuloy napapasabi siya ng, “Parang may ugali yata itong si lola?”

“Bakit naman ho?” naitanong na lamang niya.

“Kilala kasi sila bilang mga pinakamahihilig umutang sa mga bago nilang kapitbahay dito. Hindi sila nahihiya sa mga tao. Napakarami na nilang nabiktima sa lugar na ito, kasama na ako. Kaya mag-ingat ka,” pagpapatuloy pa ng matanda.

“Naku, hindi naman ho siguro nila ako gaganunin. Marunong naman ho akong makisama, e.”

“Ganiyan din ang katuwiran ko noong una. Kako, hindi naman siguro nila gagawin sa akin ʼyon, dahil matanda na akoʼt ito na lang ang ang tangi kong ikinabubuhay. Pero hindi! Nagawa pa rin nila akong lokohin. Isang araw na hindi ko sila napautang ay nilooban na ang aking tindahan. Nilimas nila ang karamihan sa aking mga paninda,” sumbong pa ng matanda na siya namang ikinagulat ni Karren.

Naawa siya sa matanda.

“Grabe naman ho ang ginawa sa inyo! Bakit naman ho ganiyan ʼyang mga iyan? May mga hawak ho ba kayong ebidensiya?” inis na tanong pa ni Karren sa matandang tindera.

Tumango ito.

“May nakakabit kasing maliit na CCTV camera diyan sa labas noon. Iyon nga lang ay nasira naʼt ‘di na ako muling nakabili dahil nalugi talaga ako. Laking ampunan lang ako, hija. Wala akong pamilya at mag-isa lang ako sa buhay ko kaya naman wala na ring tumulong sa akin para makapagsampa ng kaso,” malungkot na sabi pa ng matanda habang may kinakalikot na kung ano sa de keypad pa nitong cellphone.

Ipinakita nito kay Karren ang video ng mga babaeng nanloob sa tindahan ng kaawa-awang matanda. Ito raw ang mga babaeng nakapaskil ang pangalan sa tabi ng tindahan nito. Napailing na lamang si Karren bago nagpaalam sa kawawang matanda upang siyaʼy makapagluto na ng hapunan, dahil maya-maya lamang ay pauwi na ang kaniyang asawa.

“Babalik ho ako rito, lola. Magluluto lang ho ako,” paalam niya.

Ganoon nga ang ginawa ni Karren. Nagluto siya, pagkatapos ay hinintay ang pag-uwi ng kaniyang asawa. Maya-maya pa ay sabay na silang bumalik sa matandang may-ari ng tindahan sa malapit, dala ang mga pagkaing iniluto mismo ni Karren, pati na rin ang balitang gustong iparating ni Karren sa bago niyang kapit bahay.

“Lola, tutal ho ay may ebidensya kayong pinasok ng mga babaeng nasa listahang nakapaskil ang tindahan niyo, I guess kailangan na po ninyo ng tulong.”

Pagkatapos ay ipinakilala ni Karren ang matanda sa kaniyang pulis na asawang siyang tutulong sa naturang matanda para makamit nito ang hustisyaʼt makulong na ang mga utangera!

Advertisement