Inday TrendingInday Trending
Mag-asawa na Lang Kaya Ako ng Kano?

Mag-asawa na Lang Kaya Ako ng Kano?

Madilim, walang kuryente. Ito ang tumambad sa bente tres anyos na dalagang si Janice pagkauwi niya galing trabaho. Sa liwanag ng kandila sa may ibabaw ng lamesa ay nakita niya tambak na mga resibo at bayarin sa kuryente’t tubig.

Napasimangot na lamang ang dalaga dala ng pagod at pagkadismaya. Nakapag-abot naman siya kahit papaano sa ina upang makapagbayad sa mga bayarin ngunit heto’t wala ni isang nabayaran. High school lamang ang natapos niya at pahirapan para sa kaniya ang makapaghanap ng trabahong may mataas na sweldo. Kung kaya nagtitiis siya ngayon sa pagiging isang factory worker na katiting lang ang sinasahod kada araw. Sumasama ang loob niya dahil tila ba pakiramdam niya ay sa kaniya nakapatong lahat ng responsibilidad sa pamilya.

“Para sa pamilya,” lagi niyang paalala sa sarili noon kapag napapagod na siya.

Panganay kasi siya sa limang magkakapatid. Tatlo ang nag-aaral pa at ang isa naman ay nag-asawa na sa murang edad. Ang ina naman niya ay ume-extra lamang sa karinderya bilang tiga-hugas ng pinggan.

Tumayo siya upang uminom ng tubig at doon nakita ang ina na papasok pa lamang ng bahay.

“Ma, bakit walang kuryente? Hindi ba’t nagbigay ako sa’yo ng pambayad noong nakaraang buwan?” pagtatanong sa ina.

“Eh, anak, kinailangan kasi ng kapatid mo eh. Iyong pamangkin mo kasi nagkasakit kaya kailangan nila ng pambili ng gamot,” tugon naman ni Aling Lina.

“Ha?! Eh pang kuryente natin iyon ma eh! Saan tayo ngayon kukuha ng pera para ibayad diyan sa putol na kuryente na ‘yan?!” galit na sagot ni Janice sa ina.

Hindi pa man nakakasagot muli ang ina, padabog namang pumasok si Janice sa kaniyang silid.

“Bakit ba lagi na lang ako? Pati ba naman si Jay-jay at ang anak niya kailangan ko pa ring tulungan?! Ayoko na, ayoko na talaga!” pagmamaktol ni Janice sa sarili.

Hindi na niya matiis ang hirap ng buhay. Lahat na lang ay sa kaniya nakaasa, hindi na siya makahinga. Mabigat ang kaniyang loob at naisip na lamang na ang tanging makakapagpagaan ng kaniyang kabigatan ay ang pagkakaroon ng asawa – mayamang asawa. Ito lang ang paraan para makalaya siya sa buhay niya ngayon.

Agad na kinuha ni Janice ang kaniyang cellphone at ni-reply-an ang mayamang kano na matagal nang nanliligaw sa kaniya online. Ayaw niyang tanggapin ang alok nitong pakasalan siya at manirahan sila sa Amerika dahil nga ayaw niya sanang iwanan ang kaniyang pamilya. Pero ngayon, gusto na niyang lumayo sa lahat ng sakit ng ulo na dala ng mga ito.

Dumaan ang ilan pang mga buwan, si Janice ay tuluyan nang nagpaalam sa ina na tutungo na siya sa America. Tinulungan siya ng lalaking nakilala niya upang makapag-ayos ng mga kailangang dokumento.

“Mag-iingat ka doon, ‘nak ha,” pagpapaalam ng ina.

“Oo, ‘ma. Ingat din kayo dito, ma. Papadala na lang ako palagi, ma,” matabang na tugon niya sa ina.

Nagpaalam na rin ang kaniyang mga kapatid. Nagyakapan ang buong pamilya pagkatapos ay tuluyan nang humiwalay si Janice upang tumungo sa ibang bansa. Ang nasa isip niya’y magbabago na ang buhay niya. Siyempre hindi niya pa rin matitiis kaya’t tutulungan niya rin ang pamilyang makabangon, basta ngayon, ang sarili muna niya ang uunahin.

Isang buwan na ang nakalipas, nagtataka ang ina ni Janice na si Aling Lina dahil ang kaniyang anak, mula nang umalis ay hindi na kailan pa nagparamdam muli. Nag-aalala ang ina ngunit may pakiramdam din siyang ginusto na lamang ng anak na hindi sila kontakin dahil naging sobrang pabigat na sila rito. Kaya naman hinayaan na niya na maging masaya ang anak.

Hikahos man sa araw-araw, natutunan ng buong pamilya na magpursigi para sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Magmula nang umalis si Janice, nagbukas sila ng sarili nilang karinderya upang nang sa ganoon ay kumita rin sila. Tulong-tulong ang lahat upang makaraos sa kanilang pang araw-araw. Ngunit palagi pa ring nasa kanilang isipan ang ate na hindi na nagparamdam muli.

Dumaan pa ang ilang mga buwan, gulantang ang buong panilya sa taong pumasok sa kanilang karinderya.

“Ma…” mahinang tinig ang maririnig mula sa likuran ni Aling Lina.

Paglingon ng lahat ay nakita nila si Janice na halos hindi na makilala sa sobrang payat nito pati na mga pasa sa mukha’t mga braso.

Hindi naman makapaniwala si Aling Lina sa nakikita niya. Dahan-dahan siyang lumapit sa anak na lumuluha, hinagkan ang anak at umiyak din nang napakalakas.

“Anak, ano’ng nangyari sa’yo, ‘nak?” tanong ng ina.

Ngunit walang ibang sinasambit ang anak kundi paghingi lamang ng kapatawaran.

“Ma, akala ko magiging ayos na ang lahat. ‘Yong buhay ko at buhay nating lahat kapag nakapag-asawa ako ng mayaman. Pero hindi ‘ma. Mali ako. L-lagi akong s-sinasaktan ng kinakasama k-ko doon sa America. Hindi niya ako pinakasalan d-dahil m-may asawa na pala siya. Ginamit niya lang ako ma…” hagulgol pa ng dalaga.

“Diyos ‘ko, anak ko…” tanging usal ng ina.

“Patawad po dahil napagod akong akuhin ang mga gastusin natin, karma ko ‘to. Sorry, ‘ma dahil naging makasarili ako…” patuloy sa paghikbi na sabi ng dalaga.

Labis ang habag na naramdaman ng ina sa sinapit ng kaniyang anak na si Janice. Dahil ang akala niya’y magara na ang pamumuhay ng anak ngunit nauwi lang pala sa pambub*gbog ng kinasamang lalaki sa ibang bansa.

“Patawad din, ‘nak kasi nagkulang ako sa inyo. Mula nang mawala ang papa niyo ay sa’yo na naiwan ang lahat ng responsibilidad. Kung sana ay mas naging responsable ako ay hindi mo kailangang umalis. Simula ngayon, nangangako ako na hangga’t buhay kayo, mananatili akong masigla’t lumalaban para sa inyong lahat,” sagot ng ina habang yakap-yakap ang anak.

Napagdesisyunan ng pamilya na huwag nang magsampa ng kaso laban sa kano dahil sa kakulangan sa salapi. Malungkot man ang pangyayari, ngunit natuto naman ang bawat isang tumayo sa kanilang mga paa at magtiyaga upang matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan. Hindi isa, kundi lahat sila ay dapat magtulong-tulong bilang isang buong pamilya.

Advertisement