Para sa Dalaga ay Inspirasyon sa Buhay Niya ang Kanilang Ama; Ngunit Nagbago ang Lahat nang Dahil sa Isang Pangyayari

“Confirmed, Marian, may ibang pamilya si papa,” humahagulhol na wika ng Ate Janet niya sa kabilang linya.

“A-ano?” usal niya. Hindi makapaniwala sa narinig.

Kailanman ay hindi nila lubos maisip na kayang magloko ang napakabait at matapat nilang ama sa kanilang ina. Kitang-kita kasi nila ang labis na pagmamahal nito sa mama nila. Kaya noong pumutok ang balitang may ibang babae ito at nagkaanak pa’y nawindang silang mga kaanak.

Ang amang si Jackson ang kanilang iniidolo. Kaya ang tataas ng pamantayan nila pagdating sa lalaki ay dahil sa napakabait nilang ama. Lima silang lahat na magkakapatid. Tatlo ang lalaki habang dalawa lamang silang babae ng Ate Janet niya.

Sa kanilang lahat siya ang nagmana sa kaniyang ina. Hindi matangkad dahil limang pulgada at apat na taas lamang siya. Morena ang kulay ng kaniyang balat, ‘di gaya ni Ate Janet na mestisa at ng iba pa niyang kapatid. Nakuha ng mga ito ang balat ng kanilang ama, maliban kay James, na kagaya niya ring moreno.

Matatangos rin ang ilong ng mga kapatid, samantalang sa kaniya’y ‘di gaano. Marami siyang hawig na nakuha sa ina, kaysa sa kanilang ama. Pero minsan man ay hindi pinaramdam ng kaniyang ama na kabawasan iyon sa pagkatao niya. Mahal na mahal siya nito na animo’y siya ang pinakamaganda sa lahat ng magkakapatid.

Pantay-pantay ang pagmamahal nito sa kanilang lahat at walang sinuman ang pinapaboran. Mahal sila ng kanilang magulang sa pantay-pantay na paraan. Kamahal-mahal siya at dapat lang na mahalin niya ang kaniyang sarili, bago ang iba.

Kaya gumuho ang lahat nang iyon nang malaman nila ang kalokohang ginawa nito. Tatlong taon na pala itong may ibang babae. May anak itong lalaki na kung titingnan ay parang anak na niya, dahil dalawang taon pa lang ito.

Advertisement

“Hindi ako makapaniwala sa nasaksihan ko, sis,” tumatangis pa rin nitong wika. “Bakit nagawa ito ng papa? Ano pa bang kulang sa pamilya natin? Hindi ko maintindihan!”

Kahit siya… hindi niya rin maintindihan kung bakit. Pero walang ibang makakasagot no’n kung ‘di tanging ang mga magulang lamang nila.

Kinagabihan ay nagtipon-tipon silang lahat upang mas pag-usapan at linawin ang totoong nangyari. Galit ang tatlong lalaki sa kanilang ama, kaya ayaw nang mga itong tumabi sa kaniya. Nasa panig sila ng kanilang nakakaawang ina. Pati si Janet ay nasusuklam sa papa nilang manloloko— ngunit hindi si Marian.

Kahit hindi niya naintindihan ang ginawa nito’y pinilit niyang isiniksik sa isipan na ama pa rin nila ito at kahit ano man ang pagkakasalang nagawa nito sa kanila’y hinding-hindi mabubura ang katotohanang iyon.

“Bakit mo nagawa ito sa’min, ‘pa? Bakit kung kailan tumanda ka’y saka ka pa nagloko?” ani Mariano Jr, ang junior ng kanilang ama.

Galit ang mukha ng kaniyang mga kapatid. Kung hindi nga lang siguro nila ama ang may kasalanan ay baka nabugb*g na ng mga ito si Mariano Sr.

“Patawarin niyo ako, mga anak,” anito saka saglit na tumigil at tumingin sa asawang blankong nakatitig sa kaniya. “Jane, patawarin mo ako,” kausap nito sa ina nila. “Alam kong mali, pero mas pinairal ko pa rin ang kagustuhan kong makasama si Angeline, kahit saglit lang.”

Ayon sa kwento ng ama ay si Angeline ang unang babaeng minahal nito. Matagal niyang nakarelasyon ang babae noong kabataan nila. Nagkalayo lamang ang landas nila noong nagdesisyon ito at ang pamilya nito na manirahan sa ibang bansa. Mula noon ay wala na silang naging komunikasyon, pero hindi nangyaring naghiwalay sila.

Advertisement

Hanggang sa nakilala ni Mariano si Jane, ang babaeng pinagbigyan nito ng pangalan at ang ina ng kaniyang mga anak. Masaya silang dalawa at alam ni Mariano na mahal na mahal niya ang asawa, higit kanino man. Ngunit makalipas ang ilang dekada ay nagtagpong muli ang landas nila ni Angeline, tatlong taon na ang nakakalipas. Kahit mali ay nagbulagbulagan si Mariano at mas piniling pagtaksilan ang mahal na asawa, para sa babaeng unang minahal.

Saglit lamang ang panlolokong iyon na nagbunga ng isang biyayang hindi naman kasali sa plano. Iyon ay ang dalawang taon nilang anak. Bumalik si Angeline sa ‘Pinas, tatlong buwan na ang nakakalipas, at ipinakilala ang anak nito sa ama, at pare-pareho silang nawindang.

“Patawarin niyo ako sa pagkakamali ako. Alam kong mahirap iyong gawin, pero wala akong ibang alam na paraan kung ‘di ang humingi lamang ng kapatawaran. Handa akong suportahan ang anak ko kay Angeline—”

“Handa ka rin bang iwanan kami, papa?” putol ni Marian sa sasabihin ng ama.

Lalong humagulhol si Mariano Sr, saka umiiling-iling na isinuklay ang mga daliri sa sariling buhok.

“Wala akong balak na iwanan kayo. Mahal na mahal ko kayo, hindi kailan man magiging sukatan ang pagkakamaling nagawa ko upang magbago iyon. Handa akong humingi sa inyo ng kapatawaran, kahit araw-arawin ko pa. Pero kailanman ay hindi ko naisip na magkakahiwa-hiwalay tayo,” umiiyak niyang wika.

Natapos ang usapan nila na hindi pa rin naibigay ng mga kapatid sa ama ang kapatawaran. Tumatangis na naiwan ang ama sa sala kung saan sila nag-uusap. Habag ang naramdaman ni Marian dito. Kaya niyakap niya ito upang pawiin ang sakit na nararamdaman nito ngayon. Hindi lang sila ang nasasaktan sa sitwasyon, pati ang ama niya. Alam niyang nahihirapan at nasasaktan ito.

“Patatawarin ka rin nila, papa,” aniya habang yakap-yakap ang ama.

Advertisement

Hindi naging madali ang kahat para kay Mariano Sr, maliban kay Marian na hindi nagtanim sa kaniya ng galit ay para siyang may nakakahawang sakit na nilalayuan ng buong pamilya. Nahihirapan man sa trato ng mga ito’y pinilit niyang unawain ang asawa’t mga anak.

Bilang isang ama at haligi ng tahanan ikaw ang dapat na magandang halimbawa para sa iyong mga anak. Ngunit paano ka magiging magandang halimbawa kung pati ikaw ay nakakagawa ng kasalanan. Pero tao lamang siya’t nagkakamali.

Sa lahat ng anak niya’y si Marian ang tanging umunawa sa kaniya. Tinutulungan siya nitong bumawi sa iba pa niyang anak at kay Jane. At si Marian rin ang nagpapalakas ng loob niya kapag nawawalan na siya ng pag-asa, dahil sa pambabalewala sa kaniya ng pamilya.

“Salamat, anak, ah. Kasi kahit alam kong galit ka sa’kin, nand’yan ka pa rin para tulungan akong makabawi sa mga kapatid mo’t sa mama mo. Siguro kung wala ka, baka sumuko na ako,” malungkot niyang saad.

Ngumiti si Marian saka inabot ang kamay ng ama. “Nagalit rin ako no’ng una, papa. Pero naisip ko, aanhin ko naman ‘yong galit ko, kung nangyari na ang lahat. Hindi naman namin pwedeng itakwil ‘yong anak mo kay Angeline, dahil kapatid pa rin namin siya. Wala kaming magagawa kung ‘di tanggapin siya, kasi wala naman siyang kasalanan sa nangyari. Ang mahalaga’y hindi mo hahayaan na gumuho nang tuluyan ang pamilya natin, papa,” mangiyak-ngiyak na wika ni Marian.

“Kaya please, huwag kang sumuko. Mapapatawad ka rin nila papa, alam kong darating ang araw na iyon. Kaya kapit lang,” ani Marian saka niyakap ang umiiyak na ama.

Hindi kailanman mapapalitan ng galit ang katotohanang pamilya sila at si Mariano ang ama nila. Alam niyang lilipas ang lahat at matututunan din ng mga kapatid niya’t ina na patawarin ang ama.

Gaya ng ipinakiusap ni Marian sa ama, hindi nga nito sinukuan ang pamilya nila. Hanggang sa umiiyak na pinatawad siya ni Ate Janet, sunod-sunod ng kaniyang mga kapatid na lalaki at ang pinakahuling nagbigay ng tawad sa ama ay ang kanilang ina.

Advertisement

Hindi naging madali ang proseso sa paghingi ng tawad ni Mariano Sr, ngunit laking pasasalamat niya’t hindi siya kailanman sumuko. Kaya nilang lagpasan ang lahat ng problema na magkakasama. Hindi nila kailangang magka-watak-watak.