Sa Panganay na Anak Isinisi ng Ama ang Pagkakaroon ng Diperensya sa Isip ng Kapatid; Galit Din Kaya ang Kapatid sa Kaniya?

“Janice, sa bahay niyo ang lamay ng mga labí ng iyong magulang,” malungkot na wika ni Aling Susan, malapit na kapitbahay nila. “Naroon si Janus, mag-isa na lamang siya, Janice. Kaya sana umuwi ka sa bahay niyo para may kasama na siya’t may mag-aalalaga,” dugtong nito sabay abot ng kaniyang kamay. “Wala na ang inay at itay mo, ikaw na lang ang inaasahan ngayon ni Janus.”

Mariing naikuyom ni Janice ang palad saka kinagat ang ibabang bahagi ng kaniyang labi. Gusto niyang umiyak, ngunit ayaw tumulo ng kaniyang mga luha. Nasasaktan siya sa nalamang sabay na namayapa ang mga magulang dahil sa isang aksidente. Pero ayaw lumabas ng mga luha niya.

Kailangan na nga niyang umuwi upang may makasama ang nag-iisa niyang kapatid na si Janus. Hindi normal na bata si Janus. ‘Di gaya ng ibang mga bata na mabilis at maayos ang naging paglaki, si Janus ay huli.

Sa edad na bente-kwatro ay animo pang onse anyos pa rin itong mag-isip at gumalaw. Alam ng Diyos kung gaano niya kamahal ang kapatid. Sadyang ayaw nga lang niyang manatili sa bahay nila, dahil nagsawa na siya sa paninising palaging naririnig mula sa bibig ng ama.

“Kasalanan mo, Janice, kung bakit naging ganiyan iyang kapatid mo!” singhal nito.

Isang araw habang nasa hapag-kainan sila at tahimik na kumakain. Trese anyos siya noong panahon na iyon.

“Kung hindi ka naging t@nga sa pagbitbit sa kaniya, hindi kayo matutumba at tatama ang mismong ulo ng kapatid mo sa semento. Hindi magkakaroon ng komplikasyon sa utak niya at hindi sana siya ganyan ngayon!” galit nitong wika, na kulang na lang ay saktan siya nito.

Pitong taon siya noong pinabantayan sa kaniya ng ina ang kapatid na apat na taong gulang pa lang. Nasa trabaho noon ang ama, habang ang ina’y panay ang alis sa bahay upang sumama sa mga kaibigan. Masyado pa siyang bata noon upang maintindihan ang lahat. Pero ayon sa alaalang hanggang ngayon ay nasa kaniyang isipan, iyak siya nang iyak habang panay ang tawag sa pangalan ng mga magulang dahil nagliliyab na ang bahay nila.

Advertisement

Sa kawalang magawa ay binuhat niya ang apat na taong kapatid upang pareho na silang makalabas sa nag-aapoy nilang bahay. Ngunit dahil hindi sapat ang lakas niya’y natumba silang pareho at nabagok nang malakas ang ulo nito sa semento, na mas lalong nagpataranta sa kaniya.

Hindi na niya namalayan kung paano silang nakaalis sa nagliliyab nilang bahay. Basta paggising niya, nasa ospital na siya. Hinanap niya si Janus, at nagpasalamat ng makitang ligtas ang kapatid. Ngunit habang lumalaki si Janus ay napapansin rin nila ang kaibahan nito sa normal na mga bata. Hirap itong magsalita at nahihirapang intindihin ang mga bagay-bagay. Mula noon ay galit na galit sa kaniya ang ama.

Kaya noong nag-edad siyang katorse anyos ay nagdesisyon siyang bumukod at manirahang mag-isa.

“A-ate,” masayang tawag ni Janus sa pangalan niya saka lumapit ay yumakap, at tumangis. “Wala na sila nanay at tatay, ate,” wika nito.

Walang namutawing salita sa bibig ni Janice. Nakayakap lang siya sa kapatid at nakatingin sa dalawang ataul.

Tatlong araw mula no’ng umuwi si Janice ay inilibing na rin ang labí ng kaniyang mga magulang. Nilinis at niligpit niya ang mga naiwang gamit ng mga ito at inayos na rin ang kaniyang dating silid. Kahit papaano ay may perang iniwan naman sa kanila ang kanilang mga magulang. May negosyo rin ang mga ito na simula sa Lunes ay siya na ang mamamalakad.

“Ate, totoo ba ang sinabi ni tatay, na ikaw ang may kasalanan kung bakit ako naging ganito?” ani Janus.

Matigas ito at pautal-utal kung magsalita, ngunit sapat upang maintindihan ng mga nakakausap nito.

Advertisement

“Kapag kumakain kami nila tatay at nanay, noon sinasabi ni tatay kung hindi dahil sa’yo hindi ako magiging ganito. P-pe… pero sabi naman ni nanay, wala kang kasalanan sa nangyari sa’kin. D-dahil siya ang dapat na sisisihin,” anito, saka manipis na ngumiti.

Mariing naikuyom ni Janice ang mga kamay saka nagtagis ang mga bagang. Hanggang kailan niya papasanin ang kasalanang hindi naman niya sinasdaya? Lihim niyang minura ang ama sa isipan. Hanggang sa sumakabilang buhay ito, siya pa rin ang sinisisi nito sa nangyari kay Janus.

“A-alam mo, ate. K-kailan man hindi kita sinisi sa nangyari sa’kin,” anito. Nakatitig sa kaniya ang inosenteng mga mata ni Janus. “K-kasi kinuwento ni nanay sa’kin ang nangyari noong apat na taon pa lang ako. Kung ‘di mo ako pinilit buhatin, baka pareho na tayong naging abo sa nagliliyab nating bahay.”

Halos hindi makapagsalita si Janice sa sinabi ni Janice. Biglang may bumara sa lalamunan niya at nais niyang ilabas ang iyak na matagal na niyang pinipigilan.

“K-kaya noong wala ka rito, lulungkot ako. Kasi iniisip ko, kaya ayaw mong umuwi, dahil ayaw mo akong makita,” malungkot nitong saad.

“Hindi totoo ‘yan, Janus,” pumipiyok ang boses niyang wika. “Ayaw lang ni ate na nag-aaway palagi si nanay at tatay nang dahil sa’kin.”

“N-ngayon ba, ate, iiwanan mo pa rin ako?”

Hindi na napigilan ni Janice ang mga luhang nais kumawala sa kaniyang pisngi. Nilapitan niya si Janus saka niyakap.

Advertisement

“Hindi, Janus. Hindi na ulit aalis ang ate,” umiiyak niyang wika.

Umiyak na rin si Janus saka mahigpit siyang niyakap. “H-huwag ka nang umalis ate ah. Paano na ako kung wala ka, ate? Mahihirapan ako kung ako lang mag-isa,” anito.

Ipinapangako ni Janice na hindi na ulit niya iiwanan ang kapatid, lalo na ngayong wala na ang kanilang mga magulang. Kung kasalanan nga niya ang nangyari rito ay handa siyang pagbayaran ang bagay na iyon sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kapatid. Pero kailan man ay walang sinisi si Janice sa nangyari. Naging ganito man si Janus, ang mahalaga’y pareho silang nakaligtas sa bingit na kam@tayan noon. Kaya labis siyang nasasaktan noong sa kaniya ibinabato ng ama ang lahat ng sisi.

Mula noon, kung nasaan siya’y naroon rin si Janus. Kasa-kasama niya ito palagi, maliban kung may nais itong puntahan na ayaw siyang kasama. Alam niya na habambuhay na niyang bitbit si Janus. Kung noon ay sinikap niyang indahin ang bigat nito, ngayon ay alam niyang kahit anong bigat ay kakayanin niya para sa kapatid. 

Kung noon ay hindi niya nagampanan ang pagiging malakas na ate sa bunsong kapatid, ngayon ay sinisiguro niyang magiging malakas siya para kay Janus.