Inis ang Ginang sa Anak dahil Kamukha Raw Ito ng Salawahang Asawa; Paglaki ng Anak ay Ito ang Ganti Nito sa Kaniya

Masayang umuwi ng tahanan ang dalagitang si Jade dahil hindi na siya makapaghintay na ipakita sa kaniyang ina ang medalyang kaniyang natanggap. Sumali kasi ng quiz bee itong si Jade at naiuwi niya ang gintong karangalan.

Pagdating sa bahay ay agad niyang hinanap ang kaniyang inang si Ditas para ipakita ang medalya. Ngunit pagdating niya ay kausap na nito ang nakababatang kapatid niya sa inang si Lyka. Masayang masaya ang ginang na iniipitan ng buhok ang bunsong anak. Nang makita nito si Jade ay nag-iba ang timpla ng ugali nito. 

“Nariyan ka na pala, hindi ka man lang nagsasalita. Aba’y gusto mo talaga akong atakihin sa nerbyos!” inis na sambit ng ina.

“Kumain na po ba kayo, mama? Tara po at sabay-sabay na po tayong kumain. Gutom na po ako, e. Saka may gusto po akong ipakita sa inyo,” nakangiting sambit naman ng dalagita. 

“Magbukas ka na lang ng de lata riyan. Kumain na kami nitong kapatid mo. Napalakas nga ang kain kaya sa Tito Celso mo na lang ang natitirang mechado. Huwag mo na ‘yung kainin at niluto ko talaga ‘yun para sa tito mo!” giit pa ng ina.

“S-sige po, ‘ma. Siya nga po pala, may gusto mo kasi akong ipakita sa inyo,” wika muli ni Jade.

“Ano ba ‘yang gusto mong ipakita, ha? Kanina mo pa sinasabi pero wala ka namang nilalabas. Aba’y iniistorbo mo itong ginagawa ko. Inaayusan ko ng buhok itong kapatid mo!” sambit muli ng naiiritang ina.

“Ito po, ‘ma. Nanalo po kasi ako sa quiz bee kanina. Ako po ang nakasagot ng lahat ng tanong. Natutuwa po ako at sinali talaga ako ng guro ko. Hindi nga po ako masyadong nakapaghanda pero nakasagot po ako at nanalo pa!” masayang kwento ni Jade. 

Advertisement

“O, anong gusto mong palabasin ngayon niyan? Na ubod ka na ng talino dahil kahit hindi ka mag-aral ay magaling ka pa rin? Alam mo, Jade, hindi lahat ng bagay ay nadadaan sa talino sa akademiko. Aanhin mo ‘yan kung wala ka namang diskarte sa buhay?! Saka isa pa, naibebenta ba ang medalyang iyan? Binili lang naman ‘yan sa palengke kung magmalaki ka akala mo ay tunay na ginto! Lumayas ka nga sa harap ko at naiirita ako sa iyo! Kumain ka na roon at maghugas ka na ng pinggan. Baka langawin na ang mga plato!” bulyaw pa ng ina. 

Napayuko na lamang si Jade sa sinabi ng ina. Pilit niyang itinatago ang kaniyang mga luha.

Nang mga sandaling iyon ay mag-isa na muling kumain Jade ng tanghalian tulad ng nakagawian.

Ramdam ni Jade noon pa man ang inis sa kaniya ng inang si Ditas. Madalas kasi nitong sabihing kamukhang kamukha ni Jade ang ama. Maliit pa lamang si Jade ay nilisan na sila ng ama at sumama sa ibang babae. Lubos ang pasakit na nararamdaman noon ni Ditas. Hindi niya kasi alam kung paano bubuhayin ang nag-iisa nilang anak.

At isa pa, sinisisi din ni Ditas ang anak dahil sa tingin niya ay umalis ang asawa dahil sa malaking pagbabago sa pangangatawan at itsura niya noong siya ay nagbuntis.

Hanggang sa nakilala ni Ditas si Celso. Pinakasalan siya nito at nagkaroon sila ng isang anak. Simula noon ay lalong naging hindi maganda ang pagtrato ni Ditas kay Jade.

Ang akala ni Jade ay matatapos din ang lahat ng masamang pagtrato sa kaniya ng ina habang siya ay nagdadalaga. Ngunit patindi nang patindi pa lalo ang nangyayari. 

Nang makatapos ng hayskul itong si Jade ay kinausap siya ng ina.

Advertisement

“Huminto ka na sa pag-aaral at maghanap ka na lang ng trabaho. Aaminin ko na sa’yo, Jade, hindi na kita kayang pag-aralin pa! Saka hindi ka naman kargo ni Celso para siya naman ang magpaaral sa iyo. Dapat nga ay magpasalamat ka dahil pinatira ka pa niya dito sa bahay niya!” sambit ni Ditas sa anak. 

“Pero, ‘ma, ako po ang pinakamagaling sa klase. Ako po ang bibigyan ng pinakamataas na karangalan. Sayang naman po kung hindi ako makakapagtapos ng kolehiyo. Isa pa, hindi n’yo naman po kailangang gumastos ng malaki dahil nakakuha po ako ng iskolarsyip,” paliwanag ng dalaga.

“Bakit, Jade, matrikula lang ba ang kailangan para makapag-aral ka? Sabihin na nating may iskolarsyip ka nga, o e ano ngayon? Mamamasahe ka pa rin papuntang eskwela. Kakain ka pa rin, mag u-uniporme, bibili ng mga libro! Marami ka pa ring kakailanganin sa paaralan! Kaya tigilan mo ako! Kung gusto mong mag-aral ay hanapin mo ang ama mo at doon ka humingi ng tulong! Letse ka sa buhay ko!” bulyaw muli ng ina.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin ni Ditas ay desidido na si Jade na makapagtapos ng pag-aaral. Kahit na mahirapan siya sa pagsasabay ng trabaho at pag-aaral ay sisikapin niya makamit lamang ang kaniyang pangarap.

Nang malaman ni Ditas na nag-aaral pala itong si Jade ay labis ang kaniyang galit.

“Hindi ka talaga marunong makinig sa akin, ano? Kahit kailan ay matigas talaga ‘yang ulo mo! Tutal kaya mo naman nang magdesisyon para sa sarili mo ay umalis ka na rin dito sa pamamahay na ito! Magtrabaho ka na lang para sa sarili mo tutal kaya mo na, ‘di ba? Lisanin mo na kami nang sa gayon ay mabuhay naman kami na parang isang normal na pamilya na wala ka!” sigaw ni Ditas. 

“Sige, ‘ma, aalis ako kung ‘yan ang gusto n’yo. Pero hindi ko maintindihan kung bakit kayo galit na galit sa akin. Hindi ba dapat ay matuwa ka pa dahil nagsisikap akong maging maayos ang buhay ko? Na magkaroon ako ng magandang kinabukasan? Bakit kahit anong gawin ko ay hindi mo ako kayang mahalin? Napakasakit, ‘ma, na ikaw na magulang ko ay ayaw sa akin!” pagtangis naman ni Jade. 

“Dahil gawa ka lang ng isang pagkakamali at simula nang dumating ka sa buhay ko ay sunod-sunod na kamalasan na rin ang dumating sa akin. Kung mawawala ka sa landas ko ay baka swertehin na rin ako! Tutal malaki ka na at kaya mo na ang sarili mo, umalis ka na para naman kahit paano ay maranasan namin ni Celso at Lyka na mabuhay nang isang tunay na pamilya!” dagdag pa ng ina. 

Advertisement

Labis ang lungkot at sama ng loob ni Jade sa ginawang pananaboy sa kaniya ng sariling ina. Nang gabi ding iyon ay umalis na siya sa bahay na iyon. Naghanap siya ng matutuluyan.

Ipinangako niya sa kaniyang sarili na isang araw ay magbabalik siya at abot na niya ang lahat ng kaniyang mga pangarap.

Pinagsabay ni Jade ang pag-aaral sa kolehiyo at ang pagtatrabaho. Hindi niya inalintana ang pagod at hirap. Basta ang tanging hangad niya lamang ay makatapos.

Ngunit mas maraming pagsubok pa ang pagdadaanan ni Jade. Sa kalagitnaan kasi ng kaniyang pag-aaral ay natanggalan siya ng iskolarsyip dahil pinag-initan siya ng kaniyang guro dahil madalas siyang mahuli sa klase. 

Pansamantala sanang titigil si Jade sa pag-aaral nang biglang isang lalaki ang nagpakilala sa kaniya. 

“Ako ang ama mo, Jade. Matagal na kitang hinahanap. Patawarin mo ako kung iniwan ko kayo noon. Bata pa kasi ako noon at hindi pa tuwid at malinaw ang aking pag-iisip. Natakot ako sa mabigat na responsibilidad. Pero narito na ako ngayon. Hayaan mo akong makabawi. Ako na ang bahala sa iyo,” saad ng amang si Jim. 

Natapos ang matagal na pangungulila ni Jade dahil lamang sa isang yakap ng ama. Sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Jade kung paano magkaroon ng isang tunay na magulang. 

Pinag-aral at ibinigay ni Jim ang lahat ng pangangailangan ng anak hanggang sa tuluyan na itong nakapagtapos ng pag-aaral. Naging isang magaling na rin itong arkitekto sa ibang bansa.

Advertisement

Sa paglipas ng panahon ay nangungulila pa rin si Jade sa pagmamahal ng kaniyang ina.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Jade na naaksidente raw si Celso at dahil dito ay naghirap ang kanilang pamilya. Nabalitaan niyang namamalimos na lang daw kung kani-kanino ang kaniyang ina upang mabuhay. Samantala, ang nag-iisang anak naman na si Lyka ay sumama sa isang @dik. Naibenta rin nito ang kanilang bahay at lupa, at sa kasamaang palad ay nakakulong ngayon sa bilangguan. 

Agad na hinanap ni Jade ang kaniyang ina. Natagpuan niya ito sa lansangan na kalunos-lunos ang itsura.

“Miss, baka p’wedeng makahingi lang ng kahit kaunting pangkain namin ng asawa ko. Nabaldado kasi siya at hindi na makapagtrabaho pa. Parang awa mo na, kahit magkano lang!” pagtangis ng ginang. 

“’Ma, ako po ito, si Jade. Narito na po ako ngayon kaya huwag na po kayong mag-alala. Ako na po ang bahala sa inyo ni Tito Celso,” umiiyak na sambit naman ni Jade. 

Sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Jade ang yakap ng kaniyang ina.

“Patawarin mo ako, anak! Patawarin mo si mama! Kay tagal kitang hinahanap. Akala ko ay hindi mo na ako babalikan pa! Patawarin mo ako!” patuloy sa pagtangis si Ditas.

Dahil sa pagmamahal ni Jade sa ina ay tinulungan niya itong makabangong muli. Ikinuha niya ito ng matutuluyan kasama ang asawang si Celso. Binigyan din niya ito ng pangkabuhayan nang sa gayon ay hindi na ito mamalimos pa sa lansangan.

Advertisement

Buwan-buwan rin ay nagpapadala itong si Jade sa kaniyang ina para sa pang pagamot ni Celso at pangtustos nilang mag-asawa.

Labis labis ang pasasalamat ni Ditas sa kabutihan ng kaniyang anak.

“Kahit na hindi maganda ang turing ko sa’yo ay kabutihan pa rin ang ibinalik mo sa akin. Paano mo nakakayanan, anak na hindi magalit sa akin?” tanong ni Ditas sa dalaga.

“Simple lang, ‘ma, dahil ikaw po ang nanay ko. At labis ang pasasalamat ko dahil isinilang n’yo ako sa mundong ito. Sapat na dahilan na po iyon para mahalin ko kayo nang lubusan,” tugon naman ni Jade. 

Mula noon ay naging maganda na ang pagsasama nila Ditas at Jade. Nahihiya man sa anak ay pilit na bumabawi itong si Ditas para sa mga taong nasayang dahil hindi maganda ang trato niya sa kaniyang panganay na anak.