Hindi Naniniwala ang Ginoo sa ‘Di Magandang Nararamdaman ng Asawa sa Biniling Bahay; Bandang Huli’y Kilabot ang Kaniyang Dadanasin

Hindi na makapaghintay si Danilo na ipakita sa kaniyang mag-ina ang binili niyang bahay sa probinsya. Permanente na kasi siyang madedestino sa lugar na ito kaya minabuti niyang bumili na ng bahay para sa kaniyang mag-anak. 

Malawak ang lupang kinatitirikan ng bagong tahanan ng mag-anak. Napapalibutan ang hardin ng maraming halaman. May katandaan man ang bahay ay maganda pa rin naman ang pagkakatindig nito.

Ngunit pagkakita pa lamang ng misis ni Danilo na si Almira ay iba na agad ang pakiramdam nito.

“Sigurado ka bang dito mo kami ititira ng anak mo, Danilo? Parang hindi kasi maganda ang kutob ko sa bahay na ito,” saad ng ginang.

“Ano ba naman ‘yang mga sinasabi mo, Almira? Nang binili ko ang bahay na ito ay kayong dalawa ni Brian ang iniisip ko. Bakit parang hindi ka pa masaya?” sambit naman ni Danilo. 

“Masaya naman ako, Danilo. Pero bago mo ba binili ang bahay na ito ay nagtanong ka sa mga kapitbahay? Baka mamaya ay may mga hindi magagandang nangyari dito noon. Ano ba ang istorya ng bahay na ito? Nasaan ang dating may-ari?” patuloy sa pagtatanong ang misis. 

“Ang sabi kasi sa akin ay ipinamana lang raw ang bahay na ito. Nasa ibang bansa na kasi ang may-ari kaya hindi na naasikaso pa kaya binenta na lang. Wala naman akong ibang nararamdaman sa bahay na ito. Sa katunayan nga ay noong makita ko ang bahay na ito’y ikaw agad ang inisip ko. Hindi ba, matagal mo nang sinasabi sa akin na gusto mo ng hardin at malaking kusina? Kaya ito na ang pinili ko,” saad pa ni Danilo. 

“Hindi ko maunawaan, Danilo, basta iba talaga ang pakiramdam ko. Siguro dahil lang ito sa naiisip kong luma na ang bahay na ito at nasa probinsya pa. Pero hayaan mo, tutulungan kitang pagandahin ang bahay na ito para mas komportable tayo,” dagdag pa ng ginang.

Advertisement

Sa paglipas ng araw ay naging maayos naman ang pagtira ng pamilya ni Danilo sa naturang bahay.

Ngunit makalipas ang isang linggo ay tila may nararamdaman nang kakaiba si Almira. 

Isang araw habang naghuhugas ng pinggan si Almira ay tila may dumaan sa kaniyang likuran.

“Danilo? Brian?” sambit ng ginang.

Ngunit sigurado si Almira na nag-iisa lamang siya sa bahay dahil nasa trabaho ang kaniyang asawa at ang kaniyang anak naman ay nasa eskwela.

Patuloy ang kaniyang pagtingin sa buong bahay nang makita niya ang isang aninong tila pumasok ng silid.

“Danilo, narito ka na ba? Akala ko ba ay mamaya pa ang uwi mo?” tanong muli ng ginang. 

Ngunit pagpasok niya sa silid ay wala namang tao.

Advertisement

Pagdating ng gabi, nang makauwi na ang mister ay sinabi agad ni Almira ang kaniyang karanasan noong araw na iyon.“Kung anu-ano na naman ang pinapasok mo sa isip mo, Almira. Baka naman nalilipasan ka kasi ng gutom kaya kung anu-ano ang nakikita mo,” saad naman ni Danilo.

“Alam mo ba narinig kong nagkukwentuhan ang ilang kapitbahay. Ang sabi nila ay may mga bagay nga raw na hindi maipaliwanag ang nangyayari dito sa bahay na ito. Kaya nga raw napilitang mangibang bansa ‘yung may-ari. Ang sabi nila ay madamot daw kasi ang matandang nakatira dito dati. Baka ayaw niyang may ibang nakatira dito,” pahayag muli ng ginang. 

“Nagpapapaniwala ka sa mga ‘yan! Naiinggit lang ang mga taong iyan dahil nabili ko ang bahay na ito agad. Marami kasing nais na bumili nito pero naunahan ko sila. Tigilan mo na ang pag-iisip ng hindi maganda dahil ‘yan ang magpapasok ng masamang espiritu dito sa pamamahay natin!” naiinis nang sambit ni Danilo.

Kinagabihan ay nagtataka si Danilo sapagkat sa kanilang silid matutulog ang anak na si Brian.

“Natatakot po ako sa silid ko, daddy. Para po kasing may naglalaro tuwing madaling araw. May naririnig din po kasi akong parang naglalakad palagi,” natatakot na sambit ng bata.

“Tingnan mo, Almira, kung anu-ano na rin ang pinapasok mo sa isip nitong anak natin kaya kung anu-ano na rin ang sinasabi. Ginagawa mo siyang matatakutin dahil sa mga sinasabi mong hindi maganda. Ikaw naman, Brian, kalalaki mong bata ka, bakit ka naduduwag? Pitong taong gulang ka na. Dapat ay doon ka na sa silid mo natutulog. Hala, bumalik ka sa silid mo at matulog ka na roon!” giit ni Danilo. 

Ngunit nagpupumilit si Brian na matulog sa tabi ng kaniyang ina.

Wala nang nagawa pa si Danilo.

Advertisement

Kinabukasan ay sa silid muli ng mag-asawa natulog ang kanilang anak na si Brian.

“Duwag kang bata ka! Ilang beses kong sasabihin sa iyo na hindi totoo ang mga multo! Bumalik ka sa silid mo at doon ka matulog,” galit na sambit ng ama.

Inaya na ni Almira si Brian sa silid nito. Ayaw kasi niyang pagsalitaan pa ang anak ng kaniyang asawa ng masasakit na salita. 

“Hindi muna ako aalis sa tabi mo hanggang hindi ka nakakatulog. Huwag kang mag-alala dahil nandito lang ako, anak. Matulog ka na,” saad ng ina.

Dahil pakiramdam ni Brian na ligtas siya sapagkat nariyan na ang ina ay nakatulog na rin ang bata. Dahan-dahang umalis si Almira at bumalik naman ng kanilang silid.

“Huwag mo namang ipamukha sa anak mo na natatakot siya, Danilo. Kailangan mong ipaunawa at iparamdam sa kaniya na narito tayo kaya hindi niya kailangang matakot,” saad ni Almira sa asawa.

“Ikaw kasi ang nagpapasok ng takot sa isip ng batang iyan. Kapag ipinagpatuloy mo pa ‘yan, Almira, lalaking duwag ang anak mo at hindi naduduwag ang mga tunay na lalaki!” sambit naman ni Danilo. 

“Hindi mo naman masisisi ang bata dahil natatakot siyang talaga. Wala ka kasi dito palagi kaya mo nasasabi ‘yan, e! Iba talaga ang pakiramdam ko sa bahay na ito,” pahayag muli ng ginang.

Advertisement

“Itigil na natin ang usapan na ito, Almira. Hindi totoo ang mga multo, tapos! Tumigil ka na sapagkat tayo naman ang mag-aaway!” saad pa ng mister.

TInalikuran na ni Danilo ang misis at natulog na siya.

Pagdating ng madaling araw ay nagising si Danilo sa pag-iyak ng kaniyang anak.

Pilit na ginigising ni Danilo ang kaniyang misis ngunit mahimbing na itong natutulog. Kaya bumangon na ang ginoo upang puntahan ang kaniyang anak.

Natagpuan niya ang anak sa isang sulok ng kama nito, nakaupo at nakayuko habang umiiyak.

“Ano na naman ba ito, Brian? Maaga pa ang pasok ko bukas! Bakit ka ba iyak nang iyak?” naiinis na sambit ni Danilo. 

Ngunit hindi sumasagot si Brian at patuloy pa rin ito sa pag-iyak.

Kinalma ni Danilo ang kaniyang sarili at nilapitan ang anak. Niyakap niya ito at saka muli niyang tinanong.

Advertisement

“Ano ba ang dahilan, anak? Bakit ka umiiyak? Natatakot ka ba?” saad muli ng ginoo.

“Daddy, natatakot po ako. May multo po sa ilalim ng kama ko. Alam ko pong may multo sa ilalim ng kama ko!” patuloy sa pagtangis ang anak.

Patuloy ang pagdinig ni Danilo sa iyak ni Brian.

“Anak, tumahan ka na dahil walang multo sa ilalim ng kama mo. Hindi totoo ang mga multo, anak. Bumalik ka na sa pagtulog,” muling sambit ng ginoo.

“Meron talaga, daddy! May multo sa ilalim ng kama ko!” giit ng bata.

“Sige, titingnan ko ang ilalim ng kama mo para hindi ka na matakot, anak. Kapag napatunayan ko ba sa iyo na walang multo ay matutulog ka nang muli?”

Tumango naman si Brian habang patuloy sa pag-iyak. Dahan-dahang sinilip ni Danilo ang ilalim ng kama at laging gulat niya nang makita ang anak na naroon din at umiiyak!

“Daddy, natatakot po ako. May multo po na nasa kama ko. Tulungan n’yo po ako! Paalisin n’yo po siya!” saad ng batang nasa ilalim ng kama.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ni Danilo dahil dalawang Brian ang kaniyang nakikita. Paglingon ni Danilo sa batang nakaupo sa kama ay nakita niyang nanlilisik ang mga mata nito at nagkulay pula!

Agad niyang hinila ang anak sa ilalim ng kama at saka tumakbo patungo sa silid kung nasaan ang asawang si Almira. 

“Bumangon ka na iyan, Almira, at lilisanin na natin ang bahay na ito! Naniniwala na ako sa lahat ng sinasabi n’yo ni Brian. Mamaya ko na ipapaliwanag ang lahat basta tumayo ka na riyan at lilisanin na natin ang bahay na ito!” natatarantang sambit ni Danilo. 

Sa wakas ay naniwala na rin si Danilo sa mga sinasabi sa kaniya ng kaniyang mag-ina.

Nagpasya ang mag-asawa na ipagawa na ang bahay at pabendisyunan itong muli nang sa gayon ay mawala na ang mga masasamang espiritung namamahay rito. 

Mula noon ay wala nang gumambala pa sa mag-anak. May natitira mang pangamba sa mag-anak na muli silang gamabalain ng mga ligaw na espiritu ay pananalig na lamang sa Diyos ang kanilang pananggalang.