Pinagdadamot ng Mag-Asawa ang Poso sa Matandang Nakikiigib; Mapapatunganga Sila sa Swerteng Dadapo sa Matanda

Alas tres pa lang ng madaling araw ay kailangan nang bumangon ng matandang si Mang Tasyo. Bago kasi pumutok ang araw ay kailangan nakaigib na siya sa poso ng kapitbahay na mag-asawang sina Lilia at Miroy.

Simula kasi nang mabili ng mag-asawa ang bahay ay hindi na siya malayang maka-igib sa posong iyon. Mahalaga pa naman kay Mang Tasyo ang tubig lalo na at may malubhang sakit ang kaniyang asawa.

Ngunit noong araw na iyon ay hindi nakabangon ng madaling araw si Mang Tasyo dahil sa sama ng pakiramdam. Alas syete na siyang nakapunta sa kapitbahay para makapag-igib.

“Mang Tasyo, ano po ang ginagawa n’yo rito? Hindi ba sinabihan na po namin kayo na sa madaling araw na kayo mag-igib dahil baka mamaya ay makita kayo ng ilang kapitbahay at simulan na naman ang makiigib sa poso namin?!” sita ni Lilia sa matanda. 

“Pasensya na, Lilia, masama kasi ang pakiramdam ko. Pagkatapos ko kasi sa koprahan ay napuyat din ako sa kakabantay ng asawa ko dahil biglang nilagnat,” paliwanag naman ng ni Mang Tasyo. 

“Wala ho kaming pakialam sa mga pinagdadaanan ninyong mag-asawa sa buhay! Basta ang usapan natin ay sa madaling araw kayo mag-iigib. Saka isa pa, nakakaabala kayo sa amin dito!” muling sambit ng ginang.

“Pasensya na talaga, Lilia. Hayaan mo at huling beses na itong mag-iigib ako ng ganitong oras. Pakisabi na rin sa asawa mo na pasensya na at maraming salamat dahil hinahayaan n’yo akong mag-igib,” pagpapakumbaba muli ng matanda.

Kahit na nagkakanda kuba na ay hindi pa rin tumigil sa pag-iigib si Mang Tasyo. Kailangan niyang dalhin ang malinis na tubig mula sa bahay ng mag-asawa patungo naman sa kanilang bahay. Malayu-layong lakarin din ito.

Advertisement

Nang makatapos sa pag-iigib ay inasikaso nang muli ni Mang Tasyo ang kaniyang asawa. Nagsaing at nagpakulo na ng talbos ng kamote na magiging ulam nilang mag-asawa noong araw na iyon.

Nilinisan din niya ang bahay at saka niya pinunasan ang katawan ng asawa nang mapalitan din niya ng damit. Saka niya ito pinakain.

“Mahal, pasensya na at talbos ng kamote na naman ang ulam natin. Hindi pa rin kasi ako nakakabayad sa utang natin sa koprahan. Hindi pa rin ako mapautang ng amo ko kaya hindi tuloy kita maipagamot sa doktor,” saad ni Tasyo sa asawang si Perla.

“Ayos lang sa akin, Tasyo. Huwag ka nang mag-alala. Tanggap ko na rin namang hindi na ako magtatagal. Ayaw na rin kitang pahirapan pa. Kaya huwag ka nang mangutang pa at ayaw kong iwan ka ng problema,” tugon ng matandang ginang.

“Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan, Perla. Alam mo namang kapag ikaw ay nawala, lalo akong mahihirapan. Ikaw ang buhay ko, Perla. Ikaw ang kaligayahan ko. Kaya gagawin ko ang lahat para lang maipagamot ka,” dagdag pa ni Mang Tasyo.

Matapos na siguraduhin ni Mang Tasyo na malinis na at nakakain na ang asawa ay nagtungo na ito sa koprahan. Kahit na masama rin ang kaniyang pakiramdam ay tila wala siyang karapatan para magpahinga.

Kinagabihan, pag-uwi ni Mang Tasyo ay dali-dali ulit siyang naghanda ng makakain para sa kaniyang asawa. Sa pagkakataong iyon ay nakahingi siya ng ulam na isda sa kaniyang kasamahan.

“Ikaw na ang kumain nito at magtatalbos ng kamote na lang ako, Perla. Kailangan mo ito para lumakas ka naman,” saad ni Mang Tasyo.

Advertisement

“Maghati na tayo, Tasyo, dahil hindi naman araw-araw ay nakakakain tayo ng masarap. Para bukas din ay magkaroon ka ng lakas,” wika naman ni Perla.

Kinabukasan, gumising muli si Mang Tasyo ng alas tres para lang mag-igib. Pagdating niya sa bahay ng mag-asawa ay binakuran na ang poso. Dahil ayaw na mang-abala pa ni Mang Tasyo ay umuwi na lamang siya at saka bumalik sa bahay ng mag-asawa nang alas sais ng umaga.

“Akala ko ba ay p’wede akong mag-igib kung madaling araw? Nagtungo ako dito ngunit binakuran n’yo naman ang poso. Parang awa n’yo na. Wala na akong makukunan ng malinis na tubig. Lubhang malayo pa ang susunod na poso dito. Hindi na ito kakayanin ng katawan ko,” pagmamakaawa ng matanda.

“Kung gusto n’yo talagang mag-igib ay kailangan niyo nang magbayad sa amin. Aba’y hindi biro ang abala na ginagawa n’yo. Dalawang piso sa kada isang balde ang kailangan n’yong ibayad. Kung wala kayong perang pambayad ay wala kayong karapatang mag-igib!” mariing sambit naman ni Miroy.

“Parang awa n’yo na, Miroy at Lilia. Nakikiusap naman ako sa inyo. May sakit ang asawa ko at halos wala na nga akong kinikita sa koprahan. Pa-igibin ninyo naman ako kahit dalawang balde lang para sa asawa ko,” pagsusumamo ni Mang Tasyo. 

“Isang balde lang at hindi na kayo p’wedeng makiigib pa kung wala kayong pambayad! Kung ayaw mo ay simulan mo nang maghukay sa gilid ng bahay mo nang makakuha ka ng sarili mong tubig!” giit muli ni Miroy. 

Habang nag-iigib si Mang Tasyo ay iniisip na niya kung paanong pagkakasyahin ang isang balde sa buong araw. 

Binitbit ni Mang Tasyo ang baldeng kaniyang dala pauwi. Ngunit sa kasamaang palad, nang malapit na siya sa kanilang bahay ay natapilok siya at natapon ang lahat ng kaniyang inigib.

Advertisement

Naluha na lang si Mang Tasyo.

“Ang hirap talagang maging mahirap!” tangis ng matanda. 

Dahil sa inis ay kinuha niya ang pala at nagsimulang maghukay. Nagbabakasakaling makakita siya ng bukal at magkaroon na sila ng sariling tubig. Kahit walang kasiguraduhan ay nagpatuloy sa paghuhukay ang matanda. Kahit batid niyang wala rin naman siyang ilalagay na poso. Basta sa pagkakataong iyon ay nais lamang niyang makatagpo ng tubig sa kaniyang bakuran.

Nang makita ng mag-asawang Lilia at Miroy ang ginagawang paghuhukay ng matanda ay pinagtawanan pa nila ito imbes na kaawaan.

“Akala mo naman ay gano’n lang kadaling magkaroon ng balon para magkaroon ng tubig!” natatawang saad ni Miroy.

Hindi ito inintindi ni Mang Tasyo at nagpatuloy sa paghuhukay hanggang sa tila may natamaan siyang isang malaking bato. Naiinis siya dahil hindi niya maipagpatuloy ang paghuhukay. Ngunit sinikap ng matanda na tanggalin ito. Hanggang sa tumambad sa kaniya ang isang lumang kahon na kahoy.

Ang akala noong una ni Mang Tasyo ay isa itong libingan. Ngunit nang buksan niya ang kahon ay labis siyang nagulat nang tumambad naman sa kaniya ang mga gintong pera at alahas! Nanginginig si Mang Tasyo habang tangan ang mga kayamanang nahukay niya. 

“Mahabaging Diyos, tunay kaya ang mga ito? Kung tunay ang lahat ng ito ay ito na ang tatapos ng lahat ng aking problema. Maipapagamot ko na ang asawa ko at maipapagawa ko na rin ang bahay nang magkaroon na kaming sariling linya ng tubig!” wika ng matanda.

Advertisement

Agad na dinala ni Mang Tasyo ang ibang alahas sa sanglaan upang ipasuri kung tunay ngang ginto ang mga alahas. Hindi nga nagkamali si Mang Tasyo, tunay na ginto ang lahat ng ito.

Ibinenta ni Mang Tasyo ang ilang ginto at saka siya nagpagawa ng bahay. Nagpahukay muli siya nang sa gayon ay magkaroon na silang mag-asawa ng sariling pagkukunan ng tubig.

Mabilis na kumalat sa kanilang nayon ang swerteng dumapo kay Mang Tasyo. Gulat na gulat ang mag-asawang Lilia at Miroy dahil biglang umangat sa buhay ang matanda. 

Hindi sila makapaniwala na may matagal nang kayamanang nakabaon sa bakuran ni Mang Tasyo.

Dahil sa kayamanan na iyon ay nakaranas na ng maganda at maginhawa si Mang Tasyo at ang kaniyang asawa. Naipagamot na rin niya si Perla at patuloy na ang pag-ayos ng pakiramdam nito.

Isa pa, nagkaroon na ng sariling linya ng tubig ang bahay nina Mang Tasyo at Aling Perla kaya hindi na maghihirap pa ang dalawang matanda.

Nagpalagay si Mang Tasyo ng poso sa labas ng kanilang bahay nang sa gayon ay makatulong siya sa mga kapitbahay na wala ring sariling linya ng tubig tulad n’ya noon.