Sa Sobrang Kaplastikan ay Malulusaw raw ang Babae Kapag Naarawan; Mahilig kasi Siyang Manira nang Palihim sa Nakakaangat sa Kaniya

“At ang itinanghal nating employee of the month ay si… Pola!”

Unti-unting rumihistro ang mapait na ngiti sa mukha ni Delia nang marinig na ibang pangalan ang binanggit ng kanilang general manager sa pag-a-announce nito kung sino sa kanila ang itinanghal na employee of the month.

“Uy, congrats, ha? Ikaw naman ang employee of the month ngayon!” ani Delia sa katrabahong si Pola bago siya bumeso rito.

“Salamat, ha?” masaya namang tugon ng kaniyang katrabaho sa pinagtatrabahuhan nilang insurance company, kahit ang totoo ay kanina pa nagngingitngit ang kaniyang loob dahil naungusan siya ng katrabahong ito.

Hindi siya masaya at iyon ang totoo, ngunit kaiba sa kaniyang tunay na nararamdaman ang kaniyang ikinikilos. Dismayado siya ngunit pinipilit niyang ngumiti nang matamis sa harapan ng kaniyang mga katrabaho kahit na unti-unti ay nakakabuo na siya ng masamang plano sa kaniyang isip para sa panibago niyang kakompitensyang si Pola.

Ito kasi ang mas maraming naibentang insurance ngayong buwan at hula ni Delia ay dahil iyon sa pagpapadagdag ni Pola ng dibdib. Napangiwi na naman siya nang maalala ang kaisipang iyon kaya naman nang matapos ang kanilang shift ay dali-dali siyang umuwi sa kanilang bahay.

Dating-gawi. Muli na naman niyang hahanapan ng baho ang kaniyang kakompitensya upang maibalik sa kaniya ang magandang titulo sa trabaho! Plano niyang siraan si Pola sa lahat upang muli ay siya na naman ang maging angat sa lahat.

Ngunit sadyang malinis si Pola. Wala itong gaanong kalokohan kaya nahirapan si Delia na gawan ito ng masamang imahe sa publiko at sa kanilang mga boss. Ang tanging nakikita lamang niyang maaaring pagsimulan nito ng pagkasira ay ang pagpapadagdag nito ng dibdib at pagpo-post ng mga seksing larawan sa social media na bagaman hindi naman gaanong bulgar ay madali namang gawan ng paraan.

Advertisement

Nagsimulang magtipa ng masasamang salita si Delia sa kaniyang laptop. Inisa-isa niya roon ang mga paninirang puri niya kay Pola. Marami siyang ginawang kwento at katulad na roon ang pag-iimbento niyang ginagamit ni Pola ang kaniyang katawan para lang makabenta ng insurance!

Agad na kumalat sa kanilang kompanya ang tungkol sa balitang iyon at dahil doon ay tuwang-tuwa naman si Delia… ngunit agad din iyong napawi nang bigla na lang magpatawag ng meeting ang kanilang boss upang klaruhing hindi totoo ang lahat ng kumakalat na balita tungkol kay Pola dahil karamihan sa mga naging kliyente ng babae at pawang mga kababaihan din na may magandang reputasyon at pangalan!

“Sisiguraduhin naming iimbestigahan namin ang tungkol sa issue na ’to upang tuluyan na nating mahanap ang taong madalas na manira sa ating mga employee of the month,” sabi pa ng kanilang boss na nagpakabog naman nang husto sa puso ni Delia.

Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay matagal na palang sinimulan ng kanilang management ang imbestigasyon tungkol sa naturang pangyayari at hinihintay na lamang na gumawa ulit siya ng masamang hakbang upang mahuli.

Nang hapong iyon ay dali-daling umuwi si Delia sa kanilang bahay upang burahin ang tungkol sa kaniyang mga paninirang post sa social media gamit ang kaniyang dummy account, ngunit bumagsak ang balikat niya nang maabutang naroon na ang kaniyang boss, kasama ang mga pulis at hawak na ng mga ito ang ebidensya laban sa kaniya!

“Mahaharap ka ngayon sa patong-patong na kaso ng paninirang puri, Delia. Hindi ko akalaing gagawin mo ito para lang sa isang titulong matagal mo naman nang nakakamit! Nagsisisi ako na pinagkatiwalaan ka ng aming kompanya, kahit na ang totoo ay isa ka palang traydor!” sabi pa ng kaniyang boss bago siya inimbita ng mga kasama nitong pulis sa pulisya upang kuhanan ng statement.

Halos hindi na makatanggi si Delia dahil hawak na ng mga ito ang matibay na ebidensya laban sa kaniya. Dahil doon ay agad na umakyat ang kaso sa korte na siyang naging dahilan upang lalo siyang malugmok sa kahihiyan dahil ngayon ay siya naman ang trending sa mga tsismosa!

Sising-sisi naman si Delia kung bakit nagawa niyang manira ng kapwa para lang sa isang walang kakwenta-kwentang dahilan. Talagang wala palang idudulot na maganda ang inggit sa katawan, lalo na kung ito ang paiiralin at sasamahan pa ng masamang gawain.

Advertisement

Ngunit huli na ang lahat para magsisi pa siya dahil nanalo na sa kaso ang kaniyang mga siniraan. Ngayon ay himas rehas ang kaniyang aabutin nang ilang taon!