Patira at Pakain na nga Siya ng Kaniyang Kaibigan ay Nagawa Niya pa Itong Siraan; Ubos ang Kaniyang Kayabangan sa Gagawin Nitong Hakbang

“O, Rein, ito muna ang gamitin mong kwarto, ha? Pasensya ka na at maliit lang ito. Ito lang kasi ang available dahil dito rin tumutuloy ang kapatid ng asawa ko.” Binuksan ni Hilda ang pintuan sa isang lumang silid nila sa bahay para sa kaibigan niyang si Rein. Paano ay naglayas kasi ito sa kanila kaya ngayon ay wala siyang ibang matutuluyan.

“Naku, ayos lang. Ako nga ang nahihiya dahil wala pa rin akong trabaho ngayon. Naghahanap pa kasi ako,” sagot naman niya kay Hilda kahit na ang totoo ay nakaramdam siya ng matinding pagkadismaya nang makita niyang maliit lang ang kwartong ipapagamit nito sa kaniya. Maganda naman ito, kaya lang ay ’di hamak na mas maliit ito kumpara sa iba pang silid sa naturang bahay.

“Huwag mong isipin ’yon, Rein. Para saan pa at naging magkaibigan tayo, hindi ba?” nakangiti namang sagot ni Hilda. “O siya, sige na at magpahinga ka na muna. May drawer naman d’yan na maaari mong paglagyan ng mga gamit. May mga bed sheet, kumot at unan na ring nakahanda, pati na mga gamit sa paliligo para kapag gusto mong maligo ay may magagamit ka. Feel at home, ha? Huwag kang mahiyang kumain kapag nagutom ka. Baba ka lang at may pagkain naman sa ref,” dagdag pa ni hilda na noon ay tinanguan lang ni Rein.

Matapos niyang maisara ang pintuan ay agad niyang pinakawalan ang kaniyang ngiwing kanina pa gustong umalpas sa kaniyang mga labi. Pagkatapos ay bumulong pa siyang parang bubuyog. “Ang yaman-yaman, pero napakakuripot! Tinipid ako!” naiinis na ani Rein sa sarili. “Kung may iba lang talaga akong choice ay hindi ako rito matutulog sa bulok na kwartong ito!” sabi pa niya at pinaghahampas ang unan na nasa kama.

Matapos ’yon ay isinalampak ni Rein ang kaniyang sarili sa malambot na higaan at kinuha ang kaniyang telepono upang tawagan ang iba pa niyang kaibigan upang ipagkalat na binigyan siya ni Hilda ng isang bulok na silid! Kung anu-ano pa ang sinabi niya sa mga ito bago siya nagpasiyang maligo at bumaba sa kusina upang kumain.

Masarap naman ang inilutong menudo ni Hilda bilang ulam nila ngayong gabi, ngunit dahil masama ang loob ni Rein tungkol sa kwartong ipinahiram sa kaniya nito ay may nasabi pa rin siya sa luto nito.

“Ang tabang!” walang utang na loob pang aniya sa kaniyang sarili.

Matapos kumain ay umakyat nang muli si Rein sa kaniyang silid at doon ay gumamit na lang siya nang gumamit ng cellphone, tutal ay may pakonswelo namang libreng wifi kina Hilda. Mabuti na lang, dahil kung hindi ay baka talagang mainis na siya sa kaibigan niyang ito!

Advertisement

Mula noon, kada may mapapansin siyang hindi maganda sa mga kilos nina Hilda sa bahay na ’yon ay agad niyang itsinitsismis sa iba pa nilang mga kabarkada. Paninira dito, paninira doon ang ginawa ni Rein para lang ibsan ang kaniyang nararamdamang inis, samantalang patira na siya ay pakain pa siya nito!

Isang gabi ay dinalaw siya ni Hilda sa kaniyang kwarto at kinumusta. “Rein, may alam akong p’wedeng pag-apply-an, baka gusto mo. Hindi ba at naghahanap ka ng trabaho?” sabi pa nito.

Maayos naman ang pagkakasabi ni Hilda ngunit minasama pa rin ito ni Rein. Pakiramda niya ay inaarya na siya nito dahil pabigat na siya sa kanila!

“Naku, sige, susubukan kong apply-an ’yon. Salamat, Hilda!” kunwari’y aniya sa kaibigan. Maya-maya ay lumabas na rin ito sa kaniyang silid.

Hindi nakapagpigil si Rein. Dali-dali na naman niyang tinawagan ang iba pa nilang kaibigan upang siraang muli si Hilda sa mga ito. Napakarami niyang sinabing masasamang bagay sa kanila tungkol sa kaibigang kumukupkop sa kaniya ngayon.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay napadaang muli si Hilda sa tapat ng kaniyang kwarto dahil naiwanan nito ang pitaka nito sa kaniyang silid, kaya’t narinig nito ang lahat ng kaniyang masasamang sinabi!

Nagpupuyos sa galit si Hilda nang malaman ang lahat ng paninirang ginagawa sa kaniya ni Rein. Dali-dali niya itong pinalayas at ipinaalam niya rin sa iba pa nilang kaibigan ang katotohanang ginawa ni Rein sa kaniya!

Walang matutuluyan si Rein, dahil ngayon ay wala na ni isang kaibigan pa ang gustong tumanggap sa isang reklamador na katulad niya—na bukod sa maarte na’t reklamador ay tamad pa! Nang subukan naman niyang bumalik sa kanila ay pinarusahan din siya ng kaniyang ina dahil sa kaniyang ginawang kalokohan. Inalis nito ang lahat ng pribilehiyong natatamo niya at inilipat sa isang luma at maliit na bodega ang kaniyang kwarto upang magtanda siya! Sising-sisi tuloy si Rein sa kaniyang mga ginawa.