Pinagtawanan ng Lalaking Ito ang Punto ng Bagong Kasamahan sa Trabaho; Isang Masakit na Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Kalokohan

Habang kumakain ng baon niyang pananghalian si Macoy ay napadaan sa kaniyang harapan ang kanilang bossing habang kasama ang isa sa mga aplikanteng in-interview nito kanina upang maging kasamahan nila sa pinagtatrabahuhang talyer.

“O, ngayon na ang araw ng pagsisimula mo, ha? Titingnan ko muna ang magiging performance mo bago kita tuluyang tanggapin sa trabaho,” dinig niya pang sabi ng kaniyang boss bago ito humarap sa kanilang mga trabahador upang ipakilala ito.

“Okay, guys! Si Fernan, bago n’yo siyang kasamahan. Kayo na ang bahalang magturo ng mga dapat niyang gawin, naiintindihan?” sabi pa nito na agad naman nilang tinanguang lahat.

Kilalang maloko sa mga bagong salta si Macoy kaya naman nang makita niya ang bago nilang kasamahan ay napangisi siya dahil may bago na naman siyang ta-target-in.

Agad na nilapitan ni Macoy si Fernan upang dito ay magpakilala. “Hi, pare. Ako nga pala si Macoy,” nangingising pagpapakilala niya na agad namang umani ng mga kantiyaw sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho dahil alam na ng mga ito ang kaniyang plano. Ganoon kasi palagi ang karakas niya sa tuwing may bagong salta.

“Ako naman se Fernan. Natotowa akong makelala kayu,” sagot naman nito na halatang-halata ang punto sa paraan ng pananalita.

Doon pa lang ay bigla nang humagalpak nang tawa si Macoy. “Bisaya ka?!” natatawa pang pangungumpirma niya na agad namang nagpangiwi sa bagong kasamahang si Fernan.

“May problima ba kong ganuon?” tugon naman nito na mayroon pa ring punto kaya imbes na sumagot ay muling humagalpak si Macoy.

Advertisement

Talagang nakaramdam na ng pagkainsulto si Fernan ngunit minabuti nitong huwag na lamang siyang pansinin pa at magsimula nang magpaturo sa trabaho. Lumapit ito sa iba nilang kasamahan at nag-umpisang maging kapaki-pakinabang habang si Macoy ay nanatiling humahagalpak at walang kakwenta-kwentang nakahawak lang sa kaniyang tiyan.

Maya-maya pa ay bumalik na rin naman si Macoy sa trabaho, ngunit hindi upang gumawa nang gumawa kundi upang asarin pang lalo si Fernan. Tinabihan niya kasi ang bagong salta at tuwing magsasalita siya ay tumatawa niyang ginagaya ang punto nito na lalong nakapagparamdam ng kabastusan kay Fernan.

“Ano ba ang problima mu, pari? Wala naman akong genagawang masama sa ’yu, a!” halatang galit nang tanong sa kaniya ni Fernan, ngunit ginaya lamang ulit ito ni Macoy.

“Galit ka na n’yan? Baket, enaanu ba keta?” tanong pa niya ulit sabay hagalpak nang tawa!

Naikuyom na ni Fernan ang kaniyang kamao dahil labis na siyang naiinsulto sa kalokohan ni Macoy. Mabuti na lamang at isa sa mga kasamahan nila ang lumapit at sinaway silang dalawa.

“Macoy, huwag ka namang ganiyan. Binabastos mo na ’yong tao, e, hindi ka naman inaano,” sabi ng lumapit na kasamahan nila ngunit nananatiling hindi nakikinig si Macoy.

“Aba, wala naman akung genagawa d’yan!” aniya pa na muling ginaya ang punto ni Fernan na noon ay kababalik lamang ulit sa kaniyang ginagawa. Tila biglang nagpantig ang tainga nito at dahil doon ay bigla nitong hinarap si Macoy at binigyan ng isang malakas na sapok!

Walang nag-aakala na gagawin ’yon ni Fernan kaya naman nagulat na lang ang lahat nang makitang bumulagta na lang sa kanilang harapan si Macoy! Hawak niya ang kaniyang nasapok na kaliwang mata na nang alisin niya ang pagkakatakip ng kaniyang palad ay nakita nilang nangingitim na pala!

Advertisement

Black eye ang inabot ni Macoy sa ginawa niyang kalokohan. Hindi nagtagal ay ipinatawag na sila ng kanilang boss upang kausapin.

“Sir, ito hong bago n’yo, bigla na lang akong sinapak kahit hindi ko naman siya inaano!” agad na panunumbong ni Macoy sa kanilang boss sa pag-aakalang kakampihan siya nito.

“Anong hindi? P-in-rovoke mo ’yong tao, Macoy! Binastos mo! Kahit ako ang ganiyanin mo’y sasapukin din kita!” naiiling namang sagot ng kanilang boss na lingid sa kaniyang kaalaman ay nasaksihan mismo ang huling parte ng kaniyang pambubuska!

“Dahil sa kalokohan mo ay tinatanggal na kita sa trabaho. Hindi ko kailangan ng mga katulad mong matitigas ang ulo, gayong mayroon naman akong katulad ni Fernan na handang magtrabaho na lang sana kaysa patulan ka, kung hindi mo lang sinagad ang kaniyang pasensya,” mahaba pang litanya ng kaniyang galit na boss na agad namang ikinagulat ni Macoy ngunit hindi naman niya magawang makapagprotesta!

May black eye na nga siya’y natanggal pa siya sa trabaho dahil sa kalokohan niya! Kay bilis talaga ng karma!