Pinahihirapan ng Bisor na ito ang Kanilang Tauhan; Makakahanap Siya ng Katapat Kalaunan

“Magpanggabi ka ulit sa isang linggo, ha? Nagpaalam si Danillo, magpapang-umaga raw siya ulit.”

Napakunot ang noo ni Jhony sa narinig na sinabi ni Sir Joel, ang bisor nilang beki sa pinagtatrabahuhan niyang mini-grocery store. Magdadalawang linggo na kasi siyang panggabi dahil palagi nitong pinagbibigyan si Danillo na magpapalit-palit ng kaniyang shift sa trabaho. Palagi na lang siya ang sumasalo ng hirap sa dahil ito ang palaging pinapaboran ng kanilang bisor.

“Sir, baka naman po p’wedeng huwag n’yo nang pagbigyan si Danillo ngayon? Ilang linggo na ho akong panggabi. Alam n’yo naman po na may mga bata akong inaalagaan, hindi ho ba?” halos manlumong pakiusap naman niya sa kanilang bisor.

Buhat kasi nang mawala ang kaniyang mga magulang sa magkasunod na taon dahil sa kaniya-kaniya nilang sakit ay sa kaniya na naiwan ang lahat ng responsibilidad sa mga kapatid niyang noon ay mga bata pa. Kailangan pa rin nila ng kalinga niya, dahil siya na ngayon ang tumatayong ama at ina ng mga ito. Ngunit hindi alam ni Jhony kung bakit tila hindi ito naiintindihan ng kanilang bisor.

“Aba, bakit Jhony? Nagrereklamo ka ba?” nakataas pa ang isang kilay na tanong nito sa kaniya.

“Hindi naman ho sa gano’n, sir, kaya lang po—”

Ngunit bago pa niya maituloy ang kaniyang sasabihin ay napahinto na siya sa pagsasalita nang pahintuin siya nito gamit ang kaniyang kamay. “Huwag ka nang mangatuwiran pa. Kung ayaw mong sumunod sa patakaran ko, huling araw mo na ngayon sa trabaho!” sabi pa nito na hindi na siya hinayaan pang sumagot at tinalikuran na lamang siya.

Napailing na lamang si Jhony. Makailang beses na siyang pinagbantaang tatanggalin nito sa trabaho sa tuwing magsasabi siya ng kaniyang hinaing, kaya naman sa huli ay wala pa rin siyang magawa. Hindi niya kayang mawalan ngayon ng pagkakakitaan dahil kawawa ang kaniyang mga kapatid.

Advertisement

Kinabukasan, bagsak ang balikat na pumasok na lang si Jhony sa trabaho. Panggabi na naman siya kaya muli na naman niyang ibinilin sa kanilang mga kapitbahay na tingnan-tingnan ng mga ito ang kaniyang mga kapatid habang wala siya. Isang linggong puyatan na naman ang bubunuin niya kahit halos bumagsak na ang kaniyang katawan.

Nang magsisimula na siyang magtrabaho ay namataan siya ng kanilang bagong branch manager na naisipang dumalaw nang gabing iyon sa kanilang tindahan. Madalas kasi ay umaga lang itong dumadalaw kaya nagulat si Jhony nang makita ito.

“Jhony? Bakit ilang linggo ka na yatang panggabi? Baka naman magkasakit ka sa kakapuyat mo n’yan? Hindi ba dapat ay weekly kayo kung magpalitan ng shift?” takang tanong nito kaya naman noon ay nakakita ng pagkakataong magsumbong si Jhony.

“Sir, kasi po, palagi pong nakikiusap kay Sir Joel si Danillo na siya lagi ang pang-umaga at ako naman ang panggabi. Kapag nagrereklamo po ako, pinagbabantaan akong tatanggalin, e,” reklamo niya pa na agad namang ikinainit ng ulo ng kanilang manager.

“Ano?!” bulalas nito. “Hindi ba niya alam na bawal ’yan?! Hayaan mo at magsasagawa ako ng imbestigasyon tungkol sa bagay na ’yan!”

Ngingisi-ngisi sa tuwa si Jhony nang sabihin iyon ng kanilang manager. Bahala na kung ano ang kalalabasan ng pagsusumbong niya rito. Ang mahalaga ay hindi naging tikom ang bibig niya. Dapat lang naman talagang ilaban niya ang kaniyang karapatan bilang empleyado.

Isang linggo pa ang lumipas at muling dumalaw sa kanilang store ang kanilang manager at naabutang hanggang ngayon ay panggabi pa rin ang masipag na si Jhony. Ngunit ngayon ay halos mangayayat na ang binata. Bagsak na ang kaniyang katawan sa halos isang buwang pagiging panggabi dahil kulang na kulang siya sa tulog.

Napailing ang manager at nilapitan siya. “Pumunta ka sa opisina bukas, Jhony. Nagbunga na ang imbestigasyon ko tungkol sa kalokohang ginagawa ni Joel sa inyo,” sabi nito na kinabukasan ay agad namang tinalima ni Jhony.

Advertisement

Doon ay sinabi ng kanilang manager na ginagawa pala ni Joel ang lahat ng iyon upang manatili silang magka-shift ni Danillo, na siya niyang kalaguyo! Iyon pala ay palaging gumagawa ng milagro ang mga ito sa kanilang store na siyang direktang dahilan para tanggalin ang mga ito sa trabaho!

Bukod sa pagkawala ng trabaho ay kahihiyan ang natamo ng magkalaguyong Joel at Danillo, habang si Jhony naman ay na-promote bilang shift leader nilang mga crew dahil sa ipinakita niyang kasipagan sa trabaho.