Umalis sa Puder ng Kaniyang mga Magulang ang Dalagang Ito; Ayaw Niya Kasing sa Kanila Mapunta ang Lahat ng Kaniyang Sweldo

“O, Jasmine, unang sahod natin ngayon. Ano’ng balak mong gawin?” tanong ng isa sa mga kasamahan ni Jasmine sa kaniya matapos nilang mag-withdraw sa kani-kaniyang ATM card para sa unang sweldo nila bilang mga IT consultant sa isang kompanya.

“Naku, balak kong bumili ng mga bagong damit at bags na magagamit kong pang-aura! Pagkatapos ay bibili rin ako ng mga bagong makeup. May sale pa naman ngayon sa mall,” bakas ang sabik na sabi pa ni Jasmine sa mga kaibigan.

“Naks! Sana lahat, makakabili ng ganiyan. Ako kasi, kailangan kong padalhan sina mama at papa sa probinsya. Malapit na naman kasi ang pasukan. Balak kong tumulong muna sa gastusin para naman kahit paano ay makagaan-gaan sa kanila. Magtitira lang ako ng budget para ngayong buwan,” sagot naman ng kaibigan niyang si Miranda.

Biglang humagalpak nang tawa si Jasmine sa sinabi nito. “Daig mo pa ang may anak kung mamroblema ka. Ako nga, umalis ako sa puder ng parents ko simula nang magkatrabaho ako para naman hindi sa kanila mapunta ang mga sasahurin ko. Alam mo, hindi naman kasi natin obligasyon na buhayin ang mga magulang natin, e!” sabi pa ni Jasmine sa kaibigan na agad namang ikinangiwi ni Miranda.

Sa isip-isip ni Miranda ay napakaramot naman ng katrabaho niyang ito sa sariling pamilya, ngunit minabuti na lamang niyang huwag iyong isatinig upang hindi ’yon pagmulan ng kanilang hindi pagkakaunawaan.

Maya-maya pa ay isang tawag ang natanggap ni Jasmine mula sa ina nito. Kundi pa nga pilitin ni Miranda na sagutin ’yon ay bababaan pa nito ng telepono ang kaniyang ina!

“Hello, ’Ma? Bakit?” Pabalang ang tinig ni Jasmine sa ina.

“Hello, Miss Jasmine Pineda? Kayo po ba ang anak ni Aling Lourdes Pineda? Nasa ospital po kasi siya ngayon dahil naaksidente siya,” balita naman ng taong nasa kabilang linya na agad namang ikinabigla ni Jasmine!

Advertisement

“Ano?!” bulalas niya. “Saang ospital siya dinala?!”

Matapos sabihin ng tumawag kay Jasmine kung nasaan ang kaniyang ina ay agad siyang lumarga kasama si Miranda upang puntahan ito. Bakas kay Jasmine ang pag-aalala ngunit halata rin ang pag-aalinlangan nito sa mukha. Iniisip kasi nito na baka mapagastos siya kapag pinuntahan niya ang kaniyang ina. Alam pa naman niyang walang trabaho ngayon ang kaniyang papa.

“Jasmine, anak!” Biglang sumigla ang mukha ni Aling Lourdes nang mamataang papalapit na siya. Ngayon na lang kasi niya ulit ito makikita.

“Ano ba’ng nangyari sa ’yo, ’Ma?! Hindi kasi kayo nag-iingat, e! Gastos na naman ’yan!” sabi pa ni Jasmine sa ina na unti-unting nagpaalis sa kasabikan sa mukha nito. “Baka ako pa ang gagastos n’yan, ha? Por que alam n’yong kasasahod ko lang ganiyan na ang ginawa n’yo!” galit na dagdag pa niya na ni hindi man lang pinansin muna ang mga galos ng kaniyang ina sa katawan nito na dulot ng nangyaring aksidente sa kaniya.

“Pasensya ka na, anak, pero huwag kang mag-alala dahil bayad naman na ang bill ko rito sa ospital,” sagot naman ng kaniyang ina na halata ang pagiging dismayado.

“Mabuti naman ho kung gano’n!” Tila nakahinga nang maluwag si Jasmine, habang si Miranda naman na noon ay nakatingin lang ay napapailing sa kaniyang paraan ng pananalita. “Ano ba kasi ang dahilan at naaksidente kayo?”

“Inasikaso ko kasi ang pagkuha ng pera ng papa mo para sa pagre-retire niya. Pagkatapos ay agad akong dumiretso sa pag-aayos ng trust fund na iiwan namin para sa ’yo, anak, kung sakaling mawawala na kami sa mundo,” sagot ni Aling Lourdes sa tanong ng anak.

Biglang napipi si Jasmine sa narinig. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya muling nakaapuhap ng sasabihin. “T-trust fund ho?” tanong niya sa ina na agad naman nitong tinanguan nang nakangiti.

Advertisement

“May gusto rin sana akong ipaalam sa ’yo, anak. Huwag ka sanang magdadamdam na ngayon ko lang ito sasabihin sa ’yo, dahil ni minsan naman ay hindi ka namin itinuring na iba… kahit na ang totoo ay hindi naman kami ang tunay mong mga magulang.”

Nabigla si Jasmine sa kaniyang narinig at mga nalaman. Ngunit imbes na makaramdam ng inis ay tila bigla siyang tinubuan ng hiya! Pinagdamutan niya ang mga taong ibinigay ang lahat sa kaniya gayong hindi naman pala nila siya kadugo at ngayon lamang niya napagtanto na mali pala ang kaniyang ginawa!

Sa sobrang kahihiyang nararamdaman ay bigla niyang dinamba ng yakap ang kaniyang ina. Humagulhol siyang humingi ng tawad sa ipinakita niyang pagiging makasarili. Simula nang araw na iyon ay nangako siyang hindi na muling uulitin pa ang pagiging ganoon at magbabago siya upang masuklian ang pagmamahal na ipinakita ng mga taong nagpalaki sa kaniya.