Nagpabuntis ang Dalaga Upang Pilitin ang Lalaking Mahal na Siya’y Pakasalan; Prangkang Payo ng Abuela ang Gigising sa Kaniya

“Farah, anak, pwede ka bang makausap ni lola, saglit?” nakangiting kausap ni Artemia sa apong si Farah.

“Oo naman po, lola,” masiglang tugon ng dalaga.

Masyadong abala sa bahay dahil sa pamamanhikan ng nobyo nitong si Karding. Kaya halos hindi makausap ni Artemia nang kasinsinan ang apo. Kaya nagpapasalamat siya ngayong wala na itong ginagawa.

“Sigurado ka na ba d’yan sa desisyon mong pagpapakasal kay Karding?” tanong ni Artemia sa apo.

Nagtataka man ang mukha ni Farah ay tumango ito sa tanong ng abuela.

“Gusto ko lamang iyong klaruhin sa’yo, apo, huwag mo sanang masamain ang tanong ko,” paliwanag niya. “Alam mo kasi, masyado ka pang bata para magpakasal agad sa nobyo mong halos wala pa yata kayong tatlong buwan na magkakilala,” aniya saka tiningnan ang gawi ng lalaking pakakasalan ng apo.

Hindi taga-rito si Karding, lumaki ito sa syudad ng Cagayan De Oro, may mga kamag-anak lamang ito sa lugar nila, sa Zamboang Del Sur. Ang kaniyang narinig na sabi-sabi ay tinapon ito ng ama dito sa probinsya ng Molave dahil sa pagiging pasaway nito doon. Baka sakaling magtino kapag nasa poder na ng abuela’t abuelo nito.

Nakita naman niyang naging masipag si Karding dahil katuwang naman ito ng dalawang matanda sa pangongopra, at sa kung ano-anong gawain sa bukid, ngunit hindi pa rin siya sigurado sa totoong ugali ng lalaki. At nakikita niya sa mga mata at kilos nitong wala itong kahit na anong nararamdamang pag-ibig sa apo niya. Siguro’y mali siya sa bagay na iyon, pero sana man lang ay pinaabot ng dalawa ng isang taon ang relasyon bago nagdesisyong magpakasal.

Advertisement

Matamis na ngumiti si Farah, saka hinawakan ang nangungulubot na kamay ng abuela.

“Naiintindihan ko po ang pag-aalala niyo, lola,” anito sa inangat ang kamay sa mukha nitong animo’y layang dahon. “Mahal ko po si Karding, lola. At nakikita kong iyon din ang nararamdaman niya para sa’kin. Hindi siya papayag na ikasal sa’kin kung wala siyang nararamdamang pagmamahal,” ani Farah.

Oo, mahal ni Farah si Karding. Nakikita iyon ni Artemia, sa mga mata ng apo ang labis na pagmamahal sa lalaki, ngunit hindi si Karding.

Manipis na ngumiti si Artemia saka hinawakan ang palad ng apo. “Hindi mo lubos na makikilala ang isang lalaki, apo, hangga’t hindi kayo nagkakasama sa iisang bubong,” kaniyang tugon. “Hindi ko naman pinipigilan ang kagustuhan ninyong pagpapakasal, apo. Pero kung pakakasalan mo siya dahil buntis ka na’y pag-isipan mo ulit ang naging desisyon mo. Kahit wala si Karding ay kaya naming palakihin ang anak mo.”

“L-lola, mahal ko po si Karding” malamyos na tugon ni Farah.

“Farah, apo, pakakatandaan mo na hindi kailanman maitatali ng isang tao ang taong mahal niya sa pamamagitan ng kasal o kahit sa pagbubuntis,” malungkot niyang wika.

Iyon ang iniisip na dahilan ni Artemia kaya masyadong minadali ng dalawa ang pagpapakasal. At ang pagbubuntis naman nito ang dahilan kaya napilitan si Karding na pakasalan si Farah.

“Hindi isang kadena ang wikang kasal upang maitali mo ang tao sa’yo at wala itong kasiguraduhan kung habang buhay na nga ba talaga kayong magsasama. Ang kasal ay isang sagradong seremonya, apo, at para ito sa dalawang taong tunay na nagmamahalan. Dapat taglay niyong dalawa ang tunay na pagmamahal sa isa’t-isa, pagmamalasakit, respeto, tiwala at malawak na pang-unawa. Hindi sa kasalang ito magtatapos ang istorya ng buhay niyo, apo. Marami pa kayong pagdadaanang problema. Kung may kapit kayo sa Diyos at tunay na matapat ang pagmamahal niyo sa isa’t-isa, siguradong hanggang wakas kayong magsasama,” mahaba niyang paliwanag.

Advertisement

“Bakit niyo po iyan nasabi, lola?”

“Dahil hindi ako sigurado sa nararamdaman ni Karding sa’yo, Farah,” prangka niyang sagot. “Animo’y napipilitan lamang siya sa seremonyang ito, dahil nabuntis ka niya.”

Malungkot na yumuko si Farah. Alam nitong wala itong maitatago na lihim sa abuela.

“Pero mahal ko po kasi talaga si Karding, lola,” mangiyak-ngiyak na wika nito.

“Huwag mo siyang ikulong sa pagmamahal mo, apo. Dahil ikaw lang rin ang mahihirapan sa pilit niyang pag-ibig, na animo’y isang prutas na pinilit pahinugin.”

Matapos nilang mag-usap na dalawa ay nagdesisyon na rin si Artemia na pumanhik na sa sariling silid upang magpahinga at matulog. Kinabukasan ay nagulantang siya sa galit na boses ng kaniyang anak na si Alfonso, ang ama ni Farah, dahil sa pag-atras ng anak sa kasal nila ni Karding.

Magkahalong emosyon ang namayani sa puso ni Artemia. Siguro ay pinag-isipan nang maigi ng kaniyang apo ang sinabi niya rito. Agad naman niyang pinagtanggol si Farah sa anak. Tama lamang ang desisyon ni Farah, kung talagang mahal ito ni Karding ay hindi ito papayag sa naging desisyon ng apo.

Ngunit tila nahugutan ng malaking tinik ang lalaki sa pag-atras ni Farah, dahil nagpasalamat pa ito’t nangakong hindi pababayaan ang anak nito kay Farah. Nangako si Karding na palaging magbibigay ng suporta para sa bata.

Advertisement

Lahat ng gastusin ay sinagot ng pamilya ni Karding, mula sa pagpapacheck-up hanggang sa makapanganak si Farah ay nakasuporta ang mga ito. Paminsan-minsan rin ay hinihiram ng pamilya ni Karding ang bata, na maluwag namang pinapahiram ng partido ni Farah sa ama nito.

Hindi man nangyari ang gusto ni Farah na itali si Karding sa kaniya sa pamamagitan ng sapilitang kasal, naging masaya pa rin dahil hindi nito kailanman pinabayaan ang anak nila— mas mahal pa nga nito ang anak kaysa sa kahit ano pa man.

Hindi isang kadena ang kasal. Huwag itong gamitin para sa sariling kapakinabangan.