Pinasaya ng Mag-Asawa ang Matandang Mahilig Mapag-Isa; Masosorpresa Sila sa Munting Handog Nito

Paalis ang bagong kasal na sina Jun at Brenda patungo sa kanilang honeymoon sa Batangas. Pasakay sila ng bus nang mapatingin ang lalaki sa kaniyang relo.

“Napaaga yata tayo, ah!” wika ni Jun.

“Oo nga, sweetheart. Isang oras pa bago makaalis ang bus,” sagot ni Brenda sa mister.

“Tara, magmeryenda muna tayo, gutom na ako, eh,” yaya ng lalaki.

“Sige, parang gusto kong humigop ng mainit na sabaw. Ayun may restawran!” tugon ng babae sabay turo sa kainan na nasa tabi ng istasyon ng bus.

Habang kumakain sila ay biglang natawag ng pansin ni Brenda ang isang matandang babaeng kustomer din sa restawran.

“Sweetheart, tingnan mo, o, nag-iisa yatang magbibiyahe ang matandang iyon,” sambit nito.

“Paano mong nalaman na sa bus din sasakay ang matanda?” tanong ni Jun.

Advertisement

“’Di mo ba nakikita ‘yung hawak niyang tiket? Ganoon din ang tiket natin. Siguradong sa bus din siya sasakay,” sagot ng misis.

“Eh, kung bibiyahe rin siya, tiyak na may kasama ‘yan, tingnan mo’t para sa dalawa ang nakahaing pagkain sa mesa niya,” sabi ng lalaki sa kausap nang mapansing bukod sa plato ng matanda ay may isa pang plato na nakapatong sa mesa nito.

Nang matapos kumain ay umupo muna sila sa bench ngunit napansin na naman ni Brenda ang matanda na umupo rin malapit sa kinauupuan nila.

“Jun, talagang nag-iisa lang siya. Kung hindi, nasaan ang kasama niya? Eh, hanggang sa matapos tayong kumain sa restawran ay wala naman akong nakitang umupo sa tabi niya,” usisa ni Brenda.

“Taong ‘to, kung anu-ano ang napapansin, pabayaan mo siya,” tugon ni Jun na napakamot na sa ulo.

Nang sumapit ang takdang oras ng kanilang pag-alis ay nagmamadaling tumayo sa kinauupuan ang mag-asawa para sumakay na sa bus patungong Calatagan, Batangas.

Pasakay na sila nang makita nilang hirap na hirap sa pagbitbit ng mga dalahin ang matandang babaeng kanina pa inuusisa ni Brenda.

“Sweetheart, ang matanda, o, parang mabigat ang mga bagahe niya!”

Advertisement

“Teka’t lalapitan ko,” sagot ng mister na agad na tinulungan ang matanda. “Lola, ako na po ang magdadala niyan,” wika pa nito.

“Ha?! Naku, salamat, hijo,” sabi ng matanda na ngumiti sa kanila.

Nasa loob na sila ng bus. Umupo ang mag-asawa sa pinakadulong bahagi. Ang matanda naman ay pumuwesto sa unahan nila.

Habang nasa biyahe ay may napansin na naman si Brenda.

“Jun, tingnan mo, bakante ang upuan sa sa kanyang tabi. Akala ko ba’y puno ang biyaheng ito ng bus?” nagtatakang tanong ng babae sa asawa.

“Oo nga, ano? Baka binayaran niya. Baka ayaw ng may ibang katabi,” tugon naman ni Jun.

Nang makarating sila sa Calatagan hanggang sa hotel kung saan sila tutuloy ay naroon din ang matanda.

“Lola, dito rin po pala kayo magche-check in?” tanong ni Brenda.

Advertisement

“Oo, hija. Kayong dalawa, dito rin ba?” balik na tanong ng matanda.

“Opo, lola. Bagong kasal po kami at dito po namin naisipang mag-honeymoon. Akin na po ang mga bagahe niyo, lola, ako na po ang magdadala hanggang sa loob ng hotel,” sabi ni Jun.

“Salamat uli, hijo,” anito.

Hindi na nakatiis si Brenda at nagtanong na…

“Lola, hindi na po kayo dapat nagbibiyahe nang nag-iisa sa edad n’yong iyan.”

“Sanay na naman ako na bumiyahe na mag-isa, hija. Nga pala, Lupe ang pangalan ko. Lola Lupe na lang ang itawag ninyo sa akin. Dapat sana’y dalawa kami… ni Mando ang aking asawa ang narito,” sagot ng matandang babae na biglang lumungkot ang mukha nang banggitin ang tungkol sa mister.

Ipinakilala rin ng dalawa ang kanilang mga sarili. Maya-maya ay si Jun naman ang nagtanong.

“E, bakit po hindi siya sumama sa inyo?”

Advertisement

Ilang minuto bago nakasagot si Lola Lupe.

“Pumanaw na siya dalawang linggo na ang nakakaraan,” mahinang tugon ng kausap. “Ngunit bago siya nalagutan ng hininga ay pinapangako niya ako na itutuloy ko ang bakasyong ito… ang binalak naming honeymoon, limampung taon na ang nakakaraan,” bunyag ni Lola Lupe sa mag-asawa.

“H-honeymoon?” halos sabay na sabi nina Brenda at Jun sa winika ng matanda.

Biglang naputol ang kanilang pag-uusap nang sunduin na sila ng staff ng hotel para samahan sila sa kani-kanilang mga kuwarto.

Makalipas ang tatlong oras ay nakaramdam na uli ng gutom ang mag-asawa. Kaya naisipan nilang lumabas ng kuwarto at pumunta sa restawran na nasa ibaba ng hotel. Hindi pa rin maalis sa isip ni Brenda ang tungkol kay Lola Lupe.

“Bigla akong na-curious sa naputol na kuwento ni Lola Lupe kanina,” sambit ng babae.

“Masyado ka yatang nadadala kay lola,” ani Jun.

“Hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko na malungkot para sa kanya. Tingnan mo’t masuwerte tayo dahil magkasama tayo ngayon sa honeymoon natin, eh si lola, nag-iisa na lang at wala na ang asawa niya,” sagot ng misis.

Advertisement

Sa pagpunta nila sa restawran ay ‘di nila inasahan na naroon din si Lola Lupe at mag-isang kumakain.

“Sweetheart, si Lola Lupe, o! Kumakain na namang mag-isa at may isa pang plato na nasa harap niya!” wika ng babae.

“Kunwari ay naroon ang asawa niya at magkasabay silang kumakain,” sagot ni Jun sa kanya.

Maya-maya ay hindi na rin nakatiis si Brenda at niyaya ang mister na lapitan ang matanda. Natuwa ito nang makita sila.

“Kayo palang mag-asawa, maupo kayo,” yaya nito.

“Salamat po, lola. Nilapitan po namin kayo kasi naputol kanina ang kuwentuhan natin,” sabi ni Brenda.

“A, iyong tungkol sa aming ‘di natuloy na honeymoon ng aking asawa? Ganito kasi iyon… nagkasakit ang aking biyenang lalaki, kaya’t sa halip na gastahin sa honeymoon ang aming naipon ay iniukol namin iyon sa pagpapagamot sa kanya. Napakabait ng biyenan kong iyon na biyudo kaya mahal na mahal namin siya ni Mando. Nang naging maayos ang lagay niya ay muli kaming nag-ipon na mag-asawa para sa naudlot naming honeymoon ngunit ang pangalawa naming ipon ay hindi rin namin nagamit,” hayag ni Lola Lupe.

“Bakit hindi niyo nagamit ang ikalawang ipon ninyo?” tanong ni Jun.

Advertisement

“Ginamit namin iyon sa pag-aaral ng aming tatlong anak. Hanggang sa hindi na kami uli naka-ipon dahil mas inuna namin ang mapagtapos sila sa kolehiyo. Sa awa naman ng Diyos ay nakatapos na silang lahat na pawang mga propesyonal na ngayon. Dahil may kanya-kanya na silang buhay ay naisip namin ni Mando na muling mag-ipon para sa pinangarap naming bakasyon na kaming dalawa lang ang magkasama ngunit dalawang linggo bago ang nakatakdang petsa ng espesyal naming araw ay inatake siya sa puso at naospital. Hindi rin siya nagtagal, ilang minuto lang ay binawian na siya ng buhay,” hayag ni Lola Lupe na hindi na napigilang maiyak.

Nangilid na rin ang luha sa mga mata ng mag-asawang Brenda at Jun sa nakakalungkot na kuwento ng matanda.

“Ngunit bago siya mawala ay pinapangako niya ako na kahit ano ang mangyari ay itutuloy ko ang honeymoon naming ito. Sasamahan daw niya ako kahit saan man siya naroroon. Tinupad ko ang aking pangako sa kanya dahil alam kong ito ang lubos na magpapasaya sa aking pinakamamahal sa asawa,” dagdag pa ni Lola Lupe.

Saglit na natahimik ang dalawa. Nang mapansin nila na tahimik din na nakatingin si Lola Lupe sa piyanista na tumutugtog ng romantikong musika sa loob ng restawran ng hotel.

Nakaisip sina Brenda at Jun ng paraan para mapasaya ang matanda. Tumayo sa pagkakaupo si Jun at niyaya itong magsayaw.

“Lola, tara, sayaw tayo!”

“Jun…”

Muling napaluha si Lola Lupe.

Advertisement

“Sige na po, lola. Isipin niyo po na si Lolo Mando ang kasayaw niyo ngayong gabi,” sabi ni Jun.

Dahan-dahang itinayo ng lalaki ang matanda at sa saliw ng romantikong musika ay isinayaw nito si Lola Lupe habang si Brenda ay nangingilid pa rin ang luha sa kasiyahan na pinagmamasdan ang dalawa.

Nang dumating ang araw ng pamamaalam sana ng mag-asawa kay Lola Lupe ay hindi na nila ito naabutan sa kuwarto nito. Ang sabi sa kanila ng staff ng hotel ay umalis na raw ang matanda at hindi na nakapagpaalam ngunit bago ito umalis ay may ipinabibigay ito sa kanila. Isang sobre ang iniabot sa kanila ng babaeng staff. Laking gulat nila nang makita ang nilalaman ng sobre. Isang liham, dalawang tiket ng eroplano at malaking halaga ng pera.

“Jun, tingnan mo ang ibinigay sa atin ni Lola Lupe!” gulat na sambit ng babae.

“Oo nga, sweetheart. Ano kaya ang nakasulat sa liham?” tanong naman ni Jun.

Binasa nila ang liham ng matanda at halos mapaiyak sila dahil ang mga ibinigay pala ni Lola Lupe ay regalo nito bilang pasasalamat sa ginawa nilang pagpapasaya rito at tanda na rin ng kanilang nabuong pagkakaibigan. Ang dalawang tiket ng eroplano ay para sa ‘Trip to Hongkong’ na may kalakip pang pocket money para mas ma-enjoy raw nila ang kanilang honeymoon. Sadyang binili ‘yon ni Lola Lupe para sa kanila. Nakalagay rin sa liham ang numero nito at address ng bahay upang kapag may oras sila ay maaari nila itong dalawin.

Labis-labis ang pasasalamat nina Brenda at Jun sa nakilala nilang kaibigan. Nangako rin sila na pagsusumikapan nilang tularan ang dakilang pagmamahalan nina Lola Lupe at Lolo Mando.