Nagmadaling Magpakasal ang Lalaki Dahil sa Inis Niya sa Inang Lulong sa Paglalaro ng Mahjong; Magugulat Siya sa Itinatago Nitong Sikreto

“Tsk…tsk…ito lang ang ulam? Kasusuweldo ko lamang kahapon, ah!” napapailing na sabi ni Dominic nang makita ang nakahandang pagkain sa mesa. Pritong galunggong na naman kasi ang ulam nila. Sa isip niya ay purgang-purga na siya sa galunggong at wala man lang ibang ulam.

Agad niyang hinanap ang inang si Aling Mildred sa loob ng bahay ngunit wala ito roon. Nang mapatingin siya sa labas ng bintana ay kitang-kita ang ina na enjoy na enjoy na naglalaro ng mahjong kasama ang mga kasing edad nitong kapitbahay.

“Sabi na nga ba, eh, naki-umpok na naman kina Aling Pedra na sugarol,” nakasimangot na wika ng lalaki.

Imbes na ma-stress ay dinaan na lang sa kain ni Dominic ang inis niya.

“Isang linggo na namang puro ganito ang ulam,” tamilmil niyang bulong sa isip habang naghahapunan.

Habang kumakain ay hindi niya napigilang sisihin ang sarili kung bakit palaging wala sa bahay nila ang ina.

“Kung naging bisyo ni inay ang pagsusugal ay kasalanan ko,” sabi pa niya sa sarili.

At bumalik sa alaala niya nung panahong kapapanaw pa lamang ng kanyang ama.

Advertisement

“Inay naman, sa tuwing darating ako rito sa bahay ay palagi ko kayong nadaratnang umiiyak,” aniya.

“Sobra pa rin akong nasasaktan sa pagkawala ng itay mo, anak. Mas lalo akong nalulungkot kapag wala ka rito sa bahay. Mas naalala kong wala na siya,” naluluhang sabi ni Aling Mildred.

Sa pagdungaw niya sa bintana ay nakita niya ang mga matatandang kapitbahay nila na naglalaro ng mahjong sa labas. Ang sugalang iyon ay pag-aari ni Aling Pedra. May naisip na paraan si Dominic upang kahit paano ay may pagkalibangan ang ina kapag wala siya sa bahay at nasa trabaho, para hindi ito nalulungkot.

“Ayaw na ayaw ni itay ng sugal, pero sa palagay ko’y makakatulong ito kay inay para malibang siya. Hindi rin naman kasi mahilig manood ng telebisyon o makinig ng radyo si inay. Hindi rin siya sanay gumamit ng cell phone at internet,” bulong ni Dominic sa isip.

Kinaumagahan, bago umalis ay binigyan niya ng pera ang ina.

“O, inay, pantaya niyo ‘yan sa mahjong. Maglaro kayo ng mahjong kina Aling Pedra. ‘Di po ba ay mahilig kayong mag-mahjong noon? Itinigil niyo lang nang mapangasawa niyo si itay dahil ayaw niya ng kahit anong uri ng sugal. Malilibang kayo sa paglalro niyon dahil mga kaibigan niyo naman ang mga nagsisipaglaro roon,” sambit ng lalaki.

Napilit niya ang ina na maglibang sa pamamagitan ng paglalaro ng mahjong hanggang sa nawili na si Aling Mildred na halos araw-araw na nasa sugalan ni Aling Pedra. Pagkatapos ng mga gawaing bahay ay maghapon nang nakaupo roon ang ina kabang nakikipagtsismisan sa mga amiga nitong kapitbahay. Minsan nga ay ihi lang ang pahinga.

Biglang bumalik ang gunita ni Dominic sa kasalukuyan at nagsisisi siya kung bakit hinayaan ang ina na malulong sa sugal.

Advertisement

“Ngayon ko napagtanto na may katwiran pala si itay na kamuhian ang sugal. Maling-mali ako…dahil sa pagsusugal ni inay ay wala kaming maiipon. Siya pa naman ang naghahawak ng lahat ng sinusuweldo ko. T-teka, mahjong lang kaya ang nilalaro niya? Ah… paano ko siya pahihintuin sa paglalaro niyon na hindi ko nasasaktan ang damdamin niya?” sambit pa niya sa sarili.

Nang sumapit uli ang araw ng suweldo ay agad niyang itinabi ang kalahati niyon.

“Magsusubi na ako. Kapag ibinigay ko itong lahat kay inay ay tiyak na mauubos lahat itong suweldo ko,” aniya.

Dahil suweldo ay nagawa niyang dalawin ang nobyang si Tetchie. Niyaya niya itong mag-date sila. Mabait ito at simple lang na babae. Nang maihatid na niya ang nobya sa bahay nito ay may biglang pumasok sa isip niya.

“Wala na akong mahihiling pa kay Tetchie, wife material ang nobya ko at sobrang matipid pa. Dapat siya ang nag-iingat at humahawak sa mga kinikita ko.”

Napadaan siya sa mahjongan ni Aling Pedra at nakita niya roon si Aling Mildred na tuwang-tuwa habang naglalaro. Niyaya na niya itong umuwi.

“Tara na, inay, uwi na po tayo!”

“Sige anak, tatapusin ko lang ito. Last game na, sinusuwerte kasi ako, eh!” sagot ng ina.

Advertisement

Mag-isang umuwi si Dominic sa bahay at buo na ang kanyang desisyon.

“Masakit man sa akin ang gagawin ko ngunit kailangan,” sabi niya sa sarili.

Isang araw ay nagulat ang kanyang ina nang umuwi siya na kasama ang nobyang si Tetchie.

“Ano? Mag-aasawa ka na?” walang kakurap-kurap na tanong ni Aling Mildred sa anak.

“Opo, inay. Nagmamahalan kami ni Tetchie at handa na po kami na bumuo ng pamilya. Sana po ay maunawaan niyo kami,” tugon niya.

“K-kung gayon ay wala naman akong magagawa kung talagang mahal ninyo ang isa’t isa,” wika ng ina na halatang nalungkot sa ibinalita niya.

Matapos nilang pag-usapan ang plano sa kasal nila ni Tetchie ay inihatid na niya ang nobya sa bahay nito. Pagbalik niya ay nakita naman niyang umiiyak ang ina sa kuwarto nito.

“Inay…”

Advertisement

“H-huwag mo akong intindihin, anak. Masaya ako para sa iyo. Luha lang ito ng kaligayahan,” wika ng ina na agad na pinahid ang mga luha sa mata.

“Hayaan niyo, inay, ‘pag ikinasal kami ni Tetchie ay dito pa rin naman ako titira kasama niyo. Dito kami pipirmi ni Tetchie,” sabi niya sa ina.

At ikinasal nga sina Dominic at Tetchie. Naging simple lang ang pag-iisang dibdib nila ngunit wala silang kaalam-alam na pinaghandaan ni Aling Mildred ang espesyal nilang araw. Takang-taka si Dominic dahil halos lahat ng masasarap na pagkain ay inihain ng ina para sa reception. Walang bisita na umuwing gutom kaya nang magkasarilinan ay kinausap ni Dominic ang ina.

“Inay, saan kayo kumuha ng ginastos niyo para sa mga handa na para bang may malaking piyesta?” tanong ng lalaki.

“Minsan ka lang ikakasal, anak kaya gusto kong engrande ang pagdiriwang kahit sa handaan man lang. Ang totoo’y pinaghandaan ko talaga ang araw na ito. Nang pumanaw ang ama mo’y ipinangako ko sa aking sarili na hindi tayo kakapusin sa pera,” tugon ni Aling Mildred.

Isinama ng babae ang anak at ang manugang sa kanyang kuwarto. May iniabot ito sa mag-asawa. Napamulagat ang mga bagong kasal sa nabunyag na sikreto ni Aling Mildred.

“A-ang laking pera nito, inay?!” gulat na sambit ni Dominic na nanlalaki ang mga mata nang makita ang laman ng bank book na hawak-hawak.

“Ang lahat ng iyan ay mula sa kinita mo sa iyong trabaho, anak. Kaytagal kong inipon ang perang ‘yan na aking inilagak sa bangko. Bukod sa sarili mong pera ay nakaipon din ako sa mga napapanalunan ko sa mahjong. Sarili kong pera ang ginagamit kong pantaya sa paglalaro at kahit minsan ay hindi ko ginasta ang suweldo mo para roon maliban dun sa perang ibinigay mo sa akin nung una mo akong hinikayat na maglibang sa mahjongan. Ngayon ay ibinibigay ko na ‘yan sa inyong mag-asawa,” bunyag ng ina.

Advertisement

Natigilan si Dominic sa ipinagtapat ng ina. Mali pala ang akala niya rito. Pinagsisisihan niya na pinag-isipan ito ng ‘di tama. ‘Di niya napigilang maluha sabay yakap nang mahigpit kay Aling Mildred.

“Itabi niyo na po ‘yan, inay. Matagal niyo po ‘yang inipon, para sa inyo ‘yan. Huwag niyo kaming alalahanin ng aking asawa, magsisimula kami nang panibago,” hayag niya sa ina.

“Oo nga, inay. Pareho naman po kaming may trabaho ni Dominic. Itago niyo na lang po ang ipon niyo,” sabad ni Tetchie.

“Para sa inyo talaga ito, mga anak. Mabuti na ‘yong mayroon kayong magagamit na pangsimula ng inyong pamilya. ‘Yan ang handog ko sa inyong kasal. Ako naman ay hindi nangangailangan ng ganyang halaga, mas kailangan ninyo ito kaya tanggapin niyo na. At isa pa, simula bukas ay hindi na ako maglalaro ng mahjong dahil may kasama na ako rito sa bahay, ang aking manugang. Hindi na ako maiinip dito lalo na kapag nagkaroon na ako ng mga apo,” sabi pa ni Aling Mildred.

Walang katumbas ang kasiyahang nadama ng mag-asawang Dominic at Tetchie sa sinabing iyon ni Aling Mildred. Pati ang kanyang manugang ay napayakap na rin sa kanya.

Mula noon ay itinigil na ni Aling Mildred ang paglalaro ng mahjong at pumirmi na lang sa bahay kasama ang mabait niyang manugang. ‘Di nagtagal ay nagsilang ito ng kambal na babae kaya mas lalo na siyang naging abala dahil sa pag-aalaga ng kanyang mga apo.