Pinaparatangang “Gold Digger” ang Babae Dahil Mayaman at Galante ang Kaniyang Nobyo; Ito Kaya ang Dahilan ng Kanilang Paghihiwalay?

“Uy, Ceska, kumusta naman maging boyfriend ang kapatid kong mayaman?”

Hindi malaman ni Ceska ang sasabihin o gagawin sa pagbati sa kaniya ng kapatid ng kaniyang kasintahan na si Olga. Hindi sinasadyang nagkrus ang kanilang mga landas sa isang mall. Bagama’t nakangiti ito sa kaniya, hindi niya gusto ang tabas ng pananalita nito.

“M-Maayos naman maging boyfriend ang kapatid mo, Olga. Hindi naman dahil sa mayaman siya,” tipid na tugon naman ni Ceska.

Napangiti naman si Olga.

“Oo naman. Ganoon naman talaga si Kristoff. Ibibigay niya ang lahat para sa babaeng mamahalin niya. Kaya masuwerte ka,” sabi ni Olga. “Oh siya, it was nice seeing you again, mauna na ako sa iyo!”

portrait of a wealthy indian woman outside a luxury mall - fashion asian woman stock pictures, royalty-free photos & images

Simula nang maging kasintahan ni Ceska si Kristoff, isang mayamang binata at nagmula sa mayaman at kilalang pamilya, hindi na siya tinantanan ng kung ano-anong mga intriga. Kesyo isa raw siyang gold digger, isang oportunista, nakabingwit ng matabang isda.

Ma-post kasi sa social media ang kaniyang kasintahan. Kapag may ibinibigay itong regalo sa kaniya, laging ang caption ay “I just bought something for my girl…” na talaga namang nakapagpapataas ng kilay sa mga nakakikilala sa kanila. Lumalabas tuloy na isa siyang “Bilmoko Queen.”

Bagay na wala namang katotohanan dahil hindi naman niya hinihingi o hinihiling kay Kristoff ang mga materyal na bagay na ibinibigay nito sa kaniya. Sa katunayan, sinabi na niya rito ang tungkol sa mga iniisyu sa kaniya ng mga tao.

Advertisement

“Don’t mind them, babe. Hindi naman totoo eh. Masaya ako kapag naibibigay ko sa iyo ang mga bagay na makakapagpasaya sa iyo. Hayaan mo sila, inggit lang sila sa ating dalawa,” ang lagi nitong sinasabi upang kahit paano, mawala na ang kaniyang mga alalahanin.

“Pero sana naman huwag mo nang i-post sa social media kapag may ibinibigay ka sa akin, hindi naman importante iyon. Baka sabihin kasi ng mga tao, ginagamit lang kita para magkaroon ako ng mga mamahaling bagay na ibinibigay mo sa akin,” hirit pa ni Ceska.

Humarap sa kaniya si Kristoff. Ipinatong ang dalawang kamay sa kaniyang mga balikat. Tinitigan siya nang tuwid sa kaniyang mga mata.

“Para sa akin, hindi mahalaga ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, ang pagmamahalan natin.”

Ayos na sana para kay Ceska ang mga binitiwang salita ni Kristoff, subalit napapansin niyang kapag siya naman ang nagbibigay ng regalo rito, ni hindi man lamang ito ipino-post sa social media nito, na para bang ikinahihiya. Gusto rin sanang mai-post ni Ceska ang mga iyon, para makita ng mga intrigera, at nang hindi siya pag-isipan nang masama, na laging si Kristoff na lamang ang bigay nang bigay sa kanilang relasyon.

young woman whispering into other womans ear - asian woman talking hearsay stock pictures, royalty-free photos & images

Subalit iba ang nakararating kay Ceska. Mula mismo sa kanilang mga kakilala, lagi raw ibinibida ni Kristoff sa kaniyang mga kaibigan, na namumulubi na raw ito kakabigay sa mga kapritso niya.

“Ceska, ginagamit ka lang ni Kristoff para ipakita sa dati niyang nobya na masaya at naka-move on na siya sa kaniya. Kaya panay post siya sa social media ng mga bagay na ibinibigay niya sa iyo,” matapat na pag-amin ng isa sa mga kaibigan nila.

Agad namang kinompronta ni Ceska si Kristoff tungkol sa kaniyang natuklasan.

Advertisement

“Totoo ba ang nakarating sa aking balita na ikaw pa mismo ang nagsasabing ako pa mismo ang humihirit ng mga materyal na bagay na ibinibigay mo sa akin? At nalaman ko rin na ginagamit mo lang ako para pagselosin at pasakitan ang dati mong nobya?”

Hindi nakasagot si Kristoff.

“Sumagot ka… magsalita ka!” naiiyak sa gigil na giit ni Ceska kay Kristoff.

“Aaminin ko sa iyo, totoo iyon. Noon. Pero habang nagkakasama na tayo, habang nakikilala na kita, mas natututuhan na kitang mahalin nang totoo, Ceska. Nakita ko na isa kang mabuting babae, at hindi mo ko mamahalin dahil lang sa pera, o dahil sa mga bagay na kaya kong ibigay sa iyo.”

“Totoo ba ‘yan?” nangingilid ang luhang tanong ni Kristoff.

“Oo, totoong-totoo. Ikaw ang gusto kong makasama habambuhay.”

At naidaos na nga ang isang simpleng engagement party, at hindi naglaon, nauwi sa kasalan.

bride and groom smiling, looking away, close up - asian lovers stock pictures, royalty-free photos & images

Humingi ng tawad kay Ceska ang kapatid ni Kristoff na si Olga para sa lahat ng mga salitang nasabi niya tungkol sa dalaga.

Advertisement

Samantala, napag-alaman naman ni Ceska na ang kakilalang nagbuko sa kaniya sa dating rason ni Kristoff kung bakit siya niligawan, ay lihim na may pagtingin pala kay Kristoff.

Masayang-masayang nagsama sa simpleng pamumuhay sina Ceska at Kristoff, at kapag nagkaroon na sila ng mga anak, palalakihin din nilang simple ngunit busog sa pagmamahal ang mga ito.