Kolehiyalang Taga Bundok

Anim na taon sa elementarya at anim na taon sa mataas na paaralan. Idagdag pa ang apat na taon sa kolehiyo. Sa kabuuan, labing anim na taon ang dapat igugol ni Elmina sa pagpasok sa paaralan para sa minimithing pangarap.

Ito ang huling taon niya sa kolehiyo at pang labing anim na taong pagpasok niya bilang mag-aaral.

Maraming mata ang sa kaniya’y nanghuhusga, mga nagtataasang kilay na pakiwari baʼy hindi siya nababagay na maging mag-aaral.

“Sino ba namang hindi magugulat kung ang isang tulad kong galing sa bundok ay makakapasok sa kolehiyo?” ito ang laging nasa isip ng dalagang si Elmina. Ganoon pa man, kibit balikat nalang siya sa mga naririnig.

“I can’t believe it, buti pinapasok siya rito!” may panunuyang parinig ng isang kapwa niya mag-aaral na sa tingin ni Elmina ay nasa first year college pa lang.

“I agree, girl. She’s so, uh, kadiri?” pakiki-ayon naman ng kasama nito.

Araw-araw ay nakakarinig siya ng panghuhusga, dahil sa kaniyang hitsura. Kulot na kulot kasi ang kaniyang buhok at maitim ang kaniyang balat. Karaniwan lang, para sa isang tunay na Ita.

“Okay lang ‘yan, Elmina. Laban!” pagkausap ni Elmina sa sarili. Ito ang ginagawa niya sa tuwing halos maiyak na siya dahil sa sinasabi ng iba, pinapalakas ang sarili.

Advertisement

Nagpatuloy siya sa paglalakad sa hallway patungo sa una niyang subject. Isang AB-English student si Elmina na ang nais tahakin ay ang pagiging isang manunulat. Pangarap niya kasi iyon noon pa man.

Nang marating ni Elmina ang classroom ay agad siyang naupo sa tabi ng kaibigang si Zairah, ang nag-iisang kaibigan niya sa eskuwelahang ito. Magkasundo sila at ito ang tumutulong sa kaniya simula nang pumasok siya bilang isang kolehiyala.

Tunay na napakahirap para sa tulad niya na makibagay dahil nga hindi karaniwan sa mga ito ang makakita ng katulad niya.

“Hindi ka late ngayon,” bulong ni Zairah sa kaibigan. Nginitian lang naman ito ni Elmina.

Marami ang nai-discuss ang kanilang professor at lahat ng iyon ay kaniyang isinulat upang magsilbi niyang reviewer. Hindi rin kasi sasapat ang pera niya kung sakaling ipapa-photo copy niya ito.

Mabilis lumipas ang oras at alas kwatro na naman. Hudyat na tatahakin na naman niya ang mahaba-habang lakarin. Kung pag-aaral lang ay hindi problema kay Elmina ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana dahil kailangan niya pang lakarin ang mabatong daan at tatawid pa ng ilog upang marating ang liblib na lugar kung saan siya nakatira. Nasa bayan pa kasi ang paaralan nilang iyon, habang siya naman ay nakatira pa sa isang liblib na baryo.

Sa kanilang lugar ay tanging siya lang ang pumapasok. Maraming bata ngunit hindi na makapag-aral dahil sa kakapusan sa pera.

Bukod sa pagiging manunulat ay guro ang isang pangarap na gusto niyang makamit upang makatulong sa mga kababaryo.

Advertisement

Pagdating niya sa kanilang lugar ay agad siyang sinalubong ng mga batang taga-roon. Alam nilang matututo na naman sila dahil nariyan ang ate Elmina nila.

Nagsiupo ang mga ito sa sakong inilatag nila habang may maliit na pisarang binili si Elmina upang sa gayon ay maituro niya ng ayos ang aralin.

“Ang vowel na tinatawag ay A, E, I, O, U. Ngayon, ano ang vowel sa salitang maganda?” masiglang tanong niya lalo na’t aktibo ang mga bata sa pakikinig.

Halos lahat ay nakataas ang kamay at masayang-masaya si Elmina dahil alam niyang may natututunan ang mga bata.

“Linda,” pagtawag niya sa anak ni Mang Isko.

“A po, Ate. Tatlong A ang mayroon sa salitang maganda,” puno ng kumpiyansang sagot ni Linda.

“Tama. Sa ngayon iyan muna mga bata, kumain at matulog na kayo pagkatapos, ha?” Iniligpit na ni Elmina ang gamit niya at saka umuwi sa tahanan.

Nagmano si Elmina sa ina at ama nang makauwi. Sabay-sabay silang kumain at nagpalipas ng kaunting minuto bago humiga sa higaan.

Advertisement

Hindi makatulog si Elmina. Ilang linggo na lang kasi ay makapagtatapos na siya at makapagtatrabaho. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Elmina.

“Malapit na, Elmina. Kaya mo ‘yan,” pagpapalakas loob niya sa sarili.

Naisip niya lang na kung hindi niya sana tinulungan ang isang lalaki matapos itong maligaw at mapagdiskitahan ng kung sino ay hindi siya makapag-aaral. Inalok siya nitong pag-aralin at tumira sa kanilang bahay na sinang-ayunan naman niya. “Huwag tanggihan ang oportunidad,” iyan ang palagi niyang paalala sa sarili.

Sa kasawiang palad, namatay ito noong second year college siya kaya kailangan niyang tulungan ang sarili upang matapos niya ang sinimulan.

Naghanap siya ng iba’t ibang scholarship at hindi siya nabigo. Ito ang ginagamit niyang allowance at sinisiguro niyang hindi niya mapababayaan ang pag-aaral. Sa katotohanan, running for summa cum laude si Elmina at ang kaibigan nitong si Zairah naman, bilang cum laude.

Lumipas ang linggo at tapos na ang paghihintay ni Elmina. Nagtapos siyang suma cum laude habang cum laude si Zairah.

Suot ang toga ay umakyat siya sa stage para sa kaniyang pananalita.

“Magandang umaga sa inyong lahat na narito at sumasaksi sa pagdaraos ng aming pagtatapos. Lugod po akong nagpapasalamat sa lahat ng guro, sa walang sawang pagbibigay kaalaman at pag-intindi sa amin. Sa bawat magulang na narito, dahil hindi niyo kami iniwan sa laban upang marating namin ang aming mithiin at higit sa lahat, salamat sa aking ina at ama. Maraming salamat po. Sa aking mga kapwa magsisipagtapos, ito ang isa sa pinakamasayang araw natin. Binabati ko ang lahat dahil napagtagumpayan nating marating ang huling taon natin bilang mag-aaral. Muli, isang maligayang pagtatapos.” Nagsitayuan ang lahat sa kahanga-hangang pagsasalita ni Elmina. Bagaman may tumulong luha ay alam niyang napakasaya niya.

Advertisement

Pumunta siya sa magulang niya at parehas na niyakap.

“Graduate na po ako, Inay, Itay,” huling saad niya sa tinuturing niyang ina at ama. “Graduate na po ang kolehiyalang taga bundok!”