Tutok si Toto noon sa pagse-serve sa mangilan-ngilan niyang suki sa pagmamay-ari niyang gotohan. Simula kasi nang magkaroon ng ibaʼt ibang mas magagandang lugawan sa kanilang subdibisyon ay talagang tumumal na ang kaniyang panindang goto. Wala naman siyang puhunan para magtinda ng ibaʼt ibang uri ng lugaw kayaʼt tinitiyaga niya na lamang na itinda iyon.
Tanaw mula sa nakabukas na bintana ng kaniyang puwesto ang kubong nakatayo sa tapat ng kanilang tindahan na animo kung magkakaroon ng bagyo ay magigiba na. Naiilawan lamang iyon ng gasera, dahil wala namang kuriyente ang kubu-kubuhang iyon na tinitirhan ng isang pamilya.
“Nakakaawa naman ang pamilyang nakikitira diyan, ano? Mga walang makain. Saan kaya galing ang mga ʼyan?” narinig niyang tanong ng isa sa kaniyang mga kostumer sa kasama nito.
“Ewan ko riyan. Nakita ko na lang ang mga ʼyan diyan, isang araw, e. Ang sabi noʼng iba, mga nasunugan daw ʼyan,” sagot naman ng kausap nito.
Napailing na lang si Toto nang makaramdam ng awa sa nasabing pamilya, kaya naman minabuti niyang magsandok ng paninda niyang goto sa isang malaking mangkok.
“Saan mo dadalhin ʼyan, Boss?” tanong ng isa sa kaniyang mga helper nang makitang lalabas siya ng tindahan, dala ang umuusok pa niyang goto.
“Doon sa pamilyang nakatira sa may kubo. Nakakaawa naman, e. Kanina, naririnig kong umiiyak ʼyong bata sa loob. Mukhang nagugutom na,” seryosong sagot naman niya sa kaniyang helper na si Louie.
“Eh, boss, alam naman nʼyong nalulugi na itong gotohan dahil mangilan-ngilan na lang ang kostumer natin, ʼtapos gusto pa ninyong ipamigay nang libre ʼyang paninda natin?” protesta pa ni Louie na napapakamot sa ulo, “Luging-lugi na tayo niyan, Boss!” dagdag pa nito.
“Huwag kang mag-alala. Sagot ko ito. Abaʼy hindi ka ba naaawa sa mga ʼyon? Ikaw kaya ang gutumin ko riyan? Tingnan ko lang kung hindi ka magngingiyaw kapag kumalam na ang sikmura mo,” Nakangiting idinaan na lamang ni Toto sa biro ang pangaral niya sa kaniyang helper. “Sige na. Asikasuhin mo na lang ang mga kostumer natin at baka lumamig pa ito.”
“Naku, maraming salamat po, ser!” Halos mangilid ang luha sa mga mata ng malabutoʼt balat nang katawan ng ina ng pamilyang nakatira sa kubong pinuntahan ni Toto para abutan ang mga ito ng pagkain.
“Wala hong anuman, ate. Kain na kayo at baka lumamig pa iyan. Mas masarap kainin ang goto kapag mainit-init pa. Kasya na ba iyan sa pamilya ninyo?” may pag-aalalang sinilip pa ni Toto ang kalagayan ng mga ito sa loob ng kubo. Ni wala silang matinong higaan doon, dahil halos mabuwal na ngang talaga ang kubo. Delikado para sa mga batang kasama ng mga ito.
“Diyos ko po. Paano kayo nakatutulog sa lugar na ʼyan?” Natampal pa ni Toto ang sariling noo. “Tumayo ho muna kayo riyan at may io-offer akong bagong matutuluyan sa inyo. Mayroon kasi akong maliit na stock room sa likod ng tindahan ko, pero sa palagay koʼy kasya kayong mag-anak doon. Wala namang nakalagay doon, dahil wala na akong stock ng paninda,” buong pusong saad pa ni Toto sa pamilya na sobra-sobrang pasasalamat naman ang isinukli sa kaniya.
Pinakain, pinasilong at binigyan ng bagong pag-asa ni Toto ang pamilyang iyon nang walang hinihinging kapalit, kahit pa siyaʼy halos walang-wala na… isang napakabuting gawi na agad na nag-viral sa social media.
Nang gabing iyon pala ay mayroong vlogger na kasalukuyan at eksaktong kumakain noon sa gotohan ni Toto. Isa itong sikat na food critique na mayroong milyon-milyong followers at kumikita na ng libu-libo sa pamamagitan ng kaniyang mga videos. Kinunan pala nito ng video ang makabagbag damdaming pagtulong ni Toto sa naturang nasunugang pamilya na agad namang humakot ng papuri sa mga netizen!
Agad na dinagsang muli ng mga kostumer ang gotohan ni Toto na nagbukas pa ng ibaʼt ibang oportunidad para sa pamilyang kaniyang tinulungan. Marami ang nag-abot ng tulong, hindi lang sa pamilyang nasunugan kundi pati na rin mismo kay Toto na noon ay naipa-renovate pa ang kaniyang gotohan. Nakapagdagdag na rin siya ng ibaʼt iba pang paninda, ʼtulad ng pares, mami, canton at pansit at kung anu-ano pang maaaring idagdag sa uri ng mga pagkaing eksakto sa kaniyang tindahan.
“Ser, salamat ho sa inyong ipinakitang kabutihan sa amin. Tunay kayong huwaran. Sana, dumami pa ang kagaya nʼyo.”
Binigyan din ng trabaho ni Toto ang ama ng pamilyang kaniyang tinulungan upang ipandagdag sa tulong niya sa mga ito. Sa ngayon ay hindi na lamang basta stock room ang tinutuluyan ng mga ito, dahil ipinaayos pa ni Toto ang bahaging iyon ng kaniyang gotohan upang mas lumawak at mas magmukhang tahanan kung saan maaaring mag-umpisang muli ang naturang pamilya.
Samantala, proud na proud naman ang mga kaanak ni Toto sa kaniyang nagawa. Marami sa kaniyang mga kapit-bahay ang na-inspire at naengganyo ring gayahin ang kaniyang kabutihan.