Mga Anak Ko

Hindi lamang doble o triple ang hirap na dinanas ni Linda sa kaniyang panganganak kung ‘di isang dosenang hirap.

“Ma, bakit ba kasi ang dami naming magkakapatid? Mag-aaral na ako ng high school pero may baby pa tayo. Kelan ho ba matatapos ang pag-aanak niyo?” tanong ni Jane, ang panganay ng babae na labing apat na taong gulang.

“Nagpalaygit na ako anak, kaya bunso na talaga natin si Pia. Huwag ka nang magalit sa akin, kapag nagkaasawa ka ay maiintindihan mo rin ako. Kapag kasi nagmamahalan kayo ng sobra ay kasama talaga sa sistema ang pagkakaroon ng mga anak,” pahayag naman ni Linda sa panganay.

“Ma, hindi na pagmamahal ang tawag diyan! Wala ng direksyon ang mga buhay namin, tignan mo naman halos wala na tayong makain,” baling ni Jane sa ina.

“Huwag mo na ako pagsabihan pa, alam kong panganay kita pero tandaan mo, Nanay mo pa rin ako,” wika ni Linda at saka nilabas ang suso niya at pinadede ang bunsong anak.

Sa edad na 30 anyos ay nakaisang dosenang anak na kaagad sila ng kaniyang mister na si Zaldy. Mahal na mahal niya ang lalaki, kaya kahit 15 anyos pa lamang siya noon ay nakisama na kaagad siya sa lalaki.

Pagsasaka ang kinabubuhay nilang pamilya at kahit na mahirap ay masaya naman si Linda sa piling ng kaniyang mister.

Hanggang sa tinamaan ito ng sakit na malaria na siyang ikinasawi ng buhay ng lalaki. Kaya naman sa isang idlap ay nagbago ang buhay ni Linda at mga anak nito.

Advertisement

Naglalabada, namamalantsa sa mga kapitbahay. Nag-iigib ng tubig, nagtitinda sa bayan, naglilinis ng kuko at maging ang pagbabalot ng uling ay pinasok na rin ni Linda para lamang matustusan ang pag-aaral ng mga anak.

Labing dalawa man ang mga ito ay nakayanan niyang mapagtapos ito ng hayskul nang mag-isa. Laking pasasalamat na rin niya sa mga anak na nakakatulong na sa pagtratrabaho at pinansiyal na pangangailangan nilang pamilya.

“Mga, anak, pasensya na kayo kung hanggang hayskul lamang ang tinapos niyo. Hindi ko na talaga kayo kaya pang pag-araling ng kolehiyo,” malungkot na pahayag ni Linda sa mga anak.

“Ma, ‘wag ka na mag-emote riyan. Kasi babalik naman kami paglipas ng dalawang taon. Magtratrabaho lang kami para naman din sa atin,” sagot ni Jane.

“Mag-iingat kayo roon mga anak, mamimiss ko kayo,” naluha na nang tuluyan si Linda saka niyakap ang dalawang anak na si Jane at Janeth.

Nakakuha ang dalawa ng trabaho sa abroad at kahit na mahirap mapalayo sa pamilya ay mas ginusto nilang mag-iba ng landas dahil pahirap na rin ng pahirap ang sitwasyon nila sa buhay. Lalo na kapag may nagkakasakit sa kanilang pamilya ay nababaon sila sa utang hanggang sa magpatong-patong na ito.

Nagsunod-sunod na ang alis ng mga anak ni Linda, ang lima ay napunta sa Maynila para doon magtrabaho. Ang iba naman ay nagkarron ng mga sariling pamilya hanggang sa dumating ang araw na naiwan na lamang siya mag-isa.

“Mga, anak, dumalaw naman kayo sa’kin minsan dito sa probinsya,” lambing ni Aling Linda sa kanyang bunsong anak na si Pia na ngayon ay may anak na rin.

Advertisement

“Ma, sa susunod na buwan na lang po kapag nakauwi na si Ate Jane galing ng Kuwait,” sagot naman ni Pia.

“Saka balak din po naming magkakapatid na magkasama-sama tayo ulit ngayong birthday mo,” saad pang muli nito.

Simula nang magsilakihan at nagkaroon ng trabaho ang mga anak ni Linda ay naiwan na lamang siya sa probinsya hanggang sa ngayon na tumanda at nagkasakit na sa tuhod. Hirap na ito sa pagtayo kaya kailangan na niya ng makakasama sa bahay.

“Ito na yata ang pinakamasayang araw ng buhay ko, ngayon ko lamang ulit kayo nakitang nakumpleto,” lumuluhang pahayag ni Aling Linda sa kaniyang mga anak.

Napagdesisyunan ng mga anak niyang magkaroon ng maliit na salo-salo ngayon sumapit ang ika-80 anyos na kaarawan ng ale.

“Ma, pasensya ka na ha. Alam niyo naman may mga pamilya na rin kami kaya naman hindi na rin kami makadalaw lagi sa inyo,” pahayag ni Robin, pang anim na anak ng ale.

“Sa totoo lang, dahil nandito na rin naman kayo lahat. Gusto ko sanang humiling na isama niyo na lang ako sa inyo, hindi ko na kasi kaya pa ang mag-isa,” wika ni Aling Linda.

“Naku mama, maliit lang bahay namin at masikip na rin kapag dumagdag pa kayo,” mabilis na saad ni Jane, ang panganay.

Advertisement

“Sa amin din ‘ma, tsaka nakikitira lang kami sa biyenan ko kaya hindi kita madadala roon,” sabi ni Janeth, isa pang anak ng ale.

“Wag niyo ibibigay sa akin si mama, stay in lang ako sa trabaho ko at kama lang ang meron ako dun. Sa bahay naman namin ay kasama na namin ‘yung nanay ng asawa ko kaya masikip na rin,” mabilis na baling ni Pia. Ito kasi ang bunso at baka sa kaniya na naman ibato ng responsibilidad.

“E kung dito na lang kayo tumira? Malaki naman ‘tong bahay,” nakangiting sabi ng ale.

“Ma, sorry pero hindi ako pwede nasa Maynila ang trabaho namin ng asawa ko at hindi pwedeng basta iwan ko na lang ‘yun dahil nag-aaral ang mga bata,” sagot naman ni Christine pang pitong anak ng ale.

Hangang sa narinig niya ang lahat ng mga anak at kani-kaniyang dahilan ng mga ito kung bakit hindi siya sila maaring maiwan na kasama niya.

“Ayos lang, huwag na kayong mag-away-away pa. Kaya ko pa naman ang mag-isa,” sabat naman ni Aling Linda.

“Isang dosena kayo na inalagaan ko pero kahit isa sa inyo walang may gustong mag-alaga sa’kin, baka hindi nga talaga ako naging mabuting nanay sa inyo,”

“Pero tama na rin ‘tong dito na lang ako, may mga kapitbahay naman na titingin sa akin. Ayaw kong huminto ang buhay niyo o maging pabigat sa inyo, pasensya na kayo sa sinabi ko,” dagdag pa ni Aling Linda.

Advertisement

Saglit na natahimik ang mga anak ng ale at nagtitigan ang bawat isa. Tila tinamaan sila sa narinig sa kanilang nanay at aminadong nasaktan sa binitiwang salita nito. Hindi na sila kumain at nakayuko na lamang, habang inaantay naman ni Aling Linda na may magsalita sa mga ito ngunit mukhang mag-iintay lamang siya sa wala.

Siya na ang dahan-dahan na tumayo at umalis, pumatak ang kaniyang mga luha at nakaramdam siya nang paninikip ng dibdib.

“Ma sorry,” wika ni Jane at sumunod na ang iba niyang mga kapatid at mabilis nilang niyakap ang matanda.

“Nakalimutan ka na namin dahil sa sobrang pag-aalala namin sa buhay namin. Nakalimutan namin lahat ng sakripisyo mo noong mga bata pa lang kami at kahit ngayon, hindi ka naging masamang nanay. Ikaw ang pinakadakilang mama sa buong mundo,” ani Pia.

“Hindi ko naman kailangan ng magarang buhay mga anak, ang gusto ko lang naman e ‘yung nakakasama ko kayo lalo na sa mga huling sandali ng buhay ko. Hindi naman na ako kakain ng madami at wala na rin naman akong kailangan para pagkagastusan niyo. Kung may dapat man siguro kayong pag-ipunan ay ‘yun ang libing ko. Hindi ko talaga napaglaanan ng pera ang huling yugto ng buhay ko na iyon,” naluluhang saad ng matanda.

Hindi na nagsalita pa ang mga anak niya at nagyakap-yakap na lamang silang lahat. Ngayon ay pinagplanuhan ng magkakapatid kung paano ang magiging bantay ni Aling Linda. Kung minsan ay nasa Maynila ito at tig iisang buwan ang pananatili ng matanda sa bawat anak niya. Mas gusto na rin ito ni Aling Linda para naman nakakasama niya ang lahat ng mga apo at nakikita kung anong buhay nga ba ang kinakaharap ngayon ng kaniyang mga anak.

Nang matirhan lahat ni Aling Linda ang bahay ng kaniyang mga anak ay hindi nagtagal, yumao na rin ito. Alam ng mga anak niyang kahit papano ay naging masaya ang kanilang ina kahit sa huling sandali ng buhay nito.

Bilang mga anak, darating sa buhay natin kung saan mas mananaig ang pagmamahal sa sarili, sa pangarap at kagustuhan nating umangat sa buhay pero sana, huwag nating kalimutan na habang tayo ay tumatanda ay tumatanda rin ang ating mga magulang. Huwag sana natin silang kalimutan dahil kahit sa huling hininga ng kanilang buhay ay pagiging magulang pa rin ang kanilang nasa puso at isipan.