Inday TrendingInday Trending
Ang Hiling Ni Itay

Ang Hiling Ni Itay

Mataas ang posisyon ni Edgar sa trabaho. Isa siyang Manager sa isang malaking kumpanya sa Makati. Hinahangaan siya ng mga katrabaho niya di lang dahil sa sipag at husay niya sa trabaho kundi dahil mabait din siya at magandang makitungo sa lahat.

Kung anong ganda ng imahe niya bilang empleyado, siya namang laki ng pagkukulang niya bilang anak. Nag-iisang anak lamang siya ng kanyang ama na limang taon ng biyudo sa kanyang ina.

Matanda na ang lalaki at sakitin pa kaya hindi nito kaya pa ang magtrabaho. Mula ng ma-ospital ang ama noong nakaraang taon dahil sa kumplikasyon nito sa puso ay huminto na ito sa pagtatrabaho at sa bahay na lang namamalagi.

Minsan nga ay nahihiya na ito kay Edgar dahil pakiramdam nito ay wala itong silbi at pabigat. Hindi kasi ito nakaipon noon sa sarili dahil ang lahat ng perang pinagtrabahuhan nito ay inilaan sa pag-aaral ng anak, kaya kung tutuusin ay malaki ang utang na loob ni Edgar sa ama dahil iginapang ng ama ang kanyang pag-aaral hanggang sa kolehiyo kaya nagkaroon siya ngayon ng magandang trabaho.

Isang araw ay naglambing ang kanyang ama na gusto nitong magkaroon ng bagong telebisyon dahil luma na at pasira-sira na ang telebisyong ginagamit nito sa kwarto. Ang panonood na lamang kasi ng mga programa doon ang pinagkakaabalahan nito sa bahay. Wala naman itong ibang mapanooran dahil wala namang telebisyon sa kwarto niya dahil hindi naman siya mahilig manood niyon.

“Anak ibili mo naman ako ng telebisyon kahit iyong maliit lang at mumurahin. Nagloloko na kasi at pasira-pasira ang lumang telebisyon na nasa kwarto ko. Alam mo naman na iyon na lamang ang libangan ko dito sa bahay kapag wala ka at nasa opisina,” malambing na hiling ng kanyang amang si Mang Baldo.

“Aba, e titingnan ko kung may badyet pa ako para diyan, itay. Alam niyo naman na maraming gastusin ngayon dito sa bahay kasama pa doon ang gamot niyo,” sagot niya sa may panghihinayang na tono.

Kapag ang ama niya ang humihiling sa kanya ay tila ba nanghihinayang siya na gastusan ito. Kung tutuusin ay kaya naman niyang ibili ng bagong telebisyon ang ama dahil malaki naman ang kanyang sahod sa opisina.

“Ganoon ba anak? Ayos lang naman kung hindi mo ako maibibili ng bago, pwede ko pa naman pagtiyagaan ang lumang telebisyon sa loob ng kwarto ko,” malungkot nitong tugon.

Mayamaya ay nakaramdam ng pananakit ng katawan ang matanda ngunit tila walang pakialam si Edgar at tuluyang pumasok sa kanyang sariling kwarto. Sinabihan lang niya ito na uminom ng gamot.

“Inumin niyo ang gamot niyo sa tokador itay at matulog na kayo ng maaga. Kaya maraming sumasakit sa inyo ay dahil mahilig kayong magpuyat kanonood ng telebisyon,” inis niyang sabi rito.

Tahimik naman na sinunod ni Mang Baldo ang utos ng anak. Pumasok na ito ng kwarto at uminom ng gamot.

Kinaumagahan ay bigla na lamang nanikip ang dibdib ng kanyang ama. Nakaramdam siya ng sobrang pag-aalala kaya dali-dali niya itong isinugod sa ospital. Mabuti na lamang at hindi seryoso ang sakit ni Mang Baldo. Sinabi ng doktor na nakaramdam lang ng pagod ang matanda, kailangan lang nito ng pahinga. Nagulat siya dahil paano itong mapapagod, e wala naman itong ginagawa maghapon kundi manood ng telebisyon?

“Pasensya ka na anak p-pero naiinip kasi ako ng walang ginagawa kaya naglilinis ako ng bahay, ako ang naglalaba ng damit mo at nagluluto,” bunyag ng ama.

“T-teka itay, ibig sabihin ay hindi niyo ibinibigay kay Aling Leti iyong mga maruruming damit para labhan niya? At kayo rin ang nagluluto ng pagkain at naglilinis ng bahay? Binabayaran ko si Aling Lety para gawin niya ang mga iyon. Hndi niyo kailangan na gawin iyon dahil mahina na ang katawan mo itay,” sabi niya rito. Ang tinutukoy niyang Aling Lety ay ang katulong nila sa bahay na uwian din kapag sumasapit ang gabi.

“Anak, matanda na ako at sakitin pero hindi ako inutil. Kasiyahan ko na ang pagsilbihan ka,” sagot ni Mang Baldo.

Napailing na lamang siya at hindi na ito kinuwestyon pa.

Nang sumunod na araw habang naglalakad si Edgar papasok sa opisina ay may nakasalubong siyang ambulansya at pumara mismo sa may harapan niya. Kitang-kita niya nang ilabas sa isang bahay ang isang matandang lalaki na tila naghihingalo na at isinakay sa ambulansya. Nag-iiyakan pa ang mga dalaga at binata na kasama nito na sa tingin niya ay mga anak ng kaawa-awang matanda.

Hindi niya namalayan na bigla na lamang tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang kanyang ama. Pumasok sa isip niya ang eksenang iyon na ang matandang lalaki na isinasakay sa ambulansya ay ang kanyang ama. Dali-dali siyang bumalik sa kanilang bahay. Pagdating doon ay niyakap niya nang mahigpit ang matanda.

“Sorry itay at salamat po sa lahat,” sabi niya rito.

Kahit gulat na gulat at nagtataka ay niyakap rin siya ng kanyang ama at hinalikan siya sa noo na tanda na pinatatawad na siya nito.

Niyaya niya ang ama na lumabas sila at mamasyal. Kumain din sila at nanood ng sine. Tinupad rin ni Edgar ang hiling ni Mang Baldo, ibinili niya ito ng bagong telebisyon, at malaki iyon. Mas malaki sa lumang telebisyon na ginagamit nito sa kwarto.

Mula noon ay natutunan na niyang pahalagahan ang kanyang ama. Napagtanto niya na mahal na mahal niya ito at hindi pa niya kaya na mawala ito sa buhay niya.

Advertisement