Maingay ang harap ng simbahan.
Abala ang lahat. Maraming deboto ang naririto tuwing linggo. Pami-pamilya. Sa harap ng simbahan ay ang nakahilerang mga tindahan. Iba iba ang tinda. May pagkain, kakanin at mga laruan.
Mayroon ring “gamot” daw sa mga may sakit.
“Angelica,” ani ni Maring.
Nilingon niya ang kanyang tiyahin na nakahalukipkip at may kasamang isang may katandaang babae.
“Kliyente.” sabi nito. Tumango siya at ngumiti ng magaan.
“Magandang umaga, Madam!” ngiti niya dito.
Sumenyas siya sa kanyang Tiya Maring. Lumabas ito at iniwan siya sa harap ng bolang kristal.
“Ano hong sadya natin?” tanong niya sa kliyente. At pinasadahan ng daliri ang mga baraha sa mesa.
“Magpapahula sana ako. Yung anak ko kasi pupunta ng ibang bansa, sa tingin mo ba anong mangyayari sa kanya doon?” seryoso nitong tanong.
Ngumiti siya.
“Ah! Akin na ang palad mo. Tignan natin.” aniya.
Sumunod naman ang ginang sa kanya. Hinawakan niya ang palad nito at bahagyang pinisil pisil. Gumawa siya ng mga ekspresyon kunyari at binitiwan ito.
“Babae ba ang anak mo o lalaki?”
“Babae.”
Tumango siya at hinawakan ang bolang kristal. Umilaw ilaw ito. Syempre at de-kuryente. Bahagya siyang pumikit pikit upang maging makatotohanan.
“Nakikita ko, nakasulat sa mga tala. Magiging maganda…ang buhay ng anak mo.” Marami pa siyang nasabi ngunit mukhang natuwa ang kliyente.
Sa huli ay umalis ito ng may ngiti sa labi matapos mag-abot ng pera sa kanya. Pumasok ang kanyang tiya na malaki ang ngisi.
“Magkano binigay, Ge?”
Ngumisi siya ng malaki. “Ayos ‘to, Tita. Tiba-tiba.” aniya at pinakita ang dalawang isang libo.
“Ayos. Hati tayo.” tumawa ang kanyang tiyahin.
Ganito ang buhay nilang mag-tiya sa nakalipas na ilang taon. Sila na lamang dalawa ang magkasangga sa buhay.
Nabubuhay sila sa pagpapanggap niya na manghuhula. Hindi ganon kahirap magpanggap. Kaunting arte lamang ay makukuha na niya ang loob ng kliyente basta’t maganda ang kanyang sinasabi.
Minsan ay nakokonsensiya siya ngunit kapag iniisip niya ang mga gabing wala silang makain mag-tiya ay lumalakas ang kanyang loob.
“Angelica.” napatingin siya sa isang pamilyar na lalaki.
Kilala itong ad*k at matinik na snatcher. “Badong” ang tawag ng karamihan rito, ngunit alam niyang hindi iyon ang tunay nitong pangalan.
“Bakit?”
“Pautang naman ng isang libo.” halos matawa siya sa sinabi nito.
“Mukha ba akong may pera,ba? Wala! Mahina ang negosyo.” aniya.
Tinignan niya ng maigi ang lalaki. Mukhang bagong tira pa lamang nito ng dr*ga. Umiling iling siya, hindi na talaga nagbago.
“Sige na, Angge! Parang di ka naman kaibigan!” sabi pa nito sabay hablot ng kanyang pitaka at tumakbo paalis.
Mabilis siyang napatayo. Hindi maaari. Tumakbo siya at hinabol ito. May nabangga siyang isang deboto. Ngunit tumakbo siya ng matulin at hindi ito pinansin.
“Hoy!” aniya.
Mabilis ang takbo ni Badong. Mas lalo niyang binilisan ang takbo.
“Hoy! Ibalik mo ‘yan!” sigaw niya.
Tatakbo pa sana siya ngunit nasilaw siya sa paparating na liwanag. Huli na para umiwas. Nanlaki ang kanyang mata.
Mababangga siya!
Alam niya ngunit hindi siya makagalaw.
Napaupo na lamang siya at napapikit. Inaantay ang paparating niyang k*matayan.
Ngunit ilang minuto ang lumipas at walang nangyari. Dahan-dahan siyang tumingala at tinignan ang paligid.
Walang tao. Walang sasakyan.
“Angge, Anong nangyari sayo? Ba’t bigla kang nawala?” Nagulat siya sa kanyang tiyahin. Napahawak siya dito sa nanginginig niyang mga kamay. “Tita…”
“Anong nangyari sayo? Tara na, may kliyente.” sabi nito sa kanya.
Tumango siya at tumayo mula sa pagkakasalampak. Ngunit nakita niya ang pitaka sa kanyang kamay.
Gulat na gulat siya. Anong nangyari? Hindi ba’t kinuha ito ni Badong?
Litong lito siya habang pabalik kasama ang kanyang tiyahin.
“Bakit ka ba kasi nandon?” tanong ulit ng Tiya.
Iling lamang ang kanyang sagot. Maging siya ay hindi alam.
“O heto, Si Ginang Cruz. May gustong malaman.” sabi nito.
Ngumiti siya sa kliyente at nakipagkamay. Napapikit siya at nakuryente ng makita ang kakaibang imahe sa kanyang isipan.
Isang duguang ginang. May umuusok na sasakyan sa gilid nito at humihingi ito ng tulong.
Napabitiw siya sa kamay nito sa gulat. Nawala ang ngiti nito sa kanya maging ang kanyang Tita ay nagulat sa kanyang reaksyon.
“Bakit? Anong nakita mo?” tanong nito sa kanya.
“May dugo. Tapos may sasakyan. Tapos n*matay ka…”
“Ha?” gulat ang tanong nito.
Umiling siya. Hindi alam ang sinasabi ngunit parang may kusa ang kanyang bibig.
“Wala naman akong sasakyan! Niloloko mo ba ako ha?” tanong nito ngayon.
Umiling siya sa kalituhan.
“Hay nako! Imposible ‘yang sinasabi mo! Wala namang akong sasakyan. Kaya ba’t ako m*mamatay?”
Iniwan siya nito ng galit. Agad siyang dinaluhan ng kanyang tita na nalilito sa kanya.
“Anong nangyari, Ge? Sayang ang pera.” bakas ang panghihinayang dito.
“Pasensya na po ‘ta. Hindi ko po alam. Uuwi na po muna ako at magpapahinga. Medyo masakit ang ulo ko.” Pagdadahilan na lamang niya.
Pinayagan naman siya nito.
Matapos ang isang linggo, ay naibalita ang pagpanaw ng isang ginang na agad niyang nakilala. Car accident.
Nanghina siya at napagtanto ang nangyayari. Kaya niyang makita ang k*matayan ng mga tao. Hindi na ito pagkukunwari.
Sinabi niya ito sa kanyang Tita. Hindi niya gusto ang kakayahan. Nakatatakot ang bawat imahe na kanyang nakikita.
“Bakit mo ba tinatakbuhan? Mas maganda nga iyon para matulungan mo sila.” Sabi ng kanyang Tita.
Umiling siya rito.
“Ayoko po. Sinong maniniwala sa akin? Sinong may gusto na malaman ang pagpanaw nila?” tanong niya pa dito.
Masuyong hinagod ng kanyang tiya ang kanyang buhok.
“Ako. Lagi akong maniniwala sayo, Angge.”
Simula noon, ay bumalik na siya sa pagtatrabaho sa harap ng simbahan. Mas magaan ngayon. Bukod sa natutulungan niya ang kanyang tiya sa pinansiyal na aspeto ay natutulungan niya rin ang mga taong naniniwala sa kakayahan niya.
Hindi niya na kailangan pang manloko ng kahit na sino.