Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim ni Mang Berto

Ang Lihim ni Mang Berto

Si Faye at ang kaniyang tatay na si Mang Berto na lamang ang magkasangga sa buhay. Iniwan sila ng kaniyang ina noong nasa elementarya pa lamang siya at simula noon ay si Mang Berto na ang nagsilbing ama at ina sa kaniya.

Maliit lamang at kung minsan ay kulang na kulang ang kinikita ni Mang Berto sa pagkakarpintero ngunit iginapang nito ang pag-aaral ng anak hanggang sa makapagtapos ito ng kolehiyo at makahanap ng magandang trabaho.

Sa ngayon ay isa ng manager ng isang sikat na fast food chain si Faye at wala siyang ibang nais sa buhay kung hindi ang mabigyan ng mas maayos na buhay ang kaniyang amang nagkakaedad na kaya naman kahit na madami ang nanliligaw kaniya ay hindi niya pinapansin ang mga ito. Kahit pa si Angelo, ang lalaking nagpapatibok ng kaniyang puso niya.

Akala ni Faye ay magiging mas maayos ang buhay nilang mag-ama ngunit muli silang sinubok ng tadhana nang ma-diagnose na may kidney failure ang kaniyang ama. Nakuha daw nito ang sakit sa madalas nitong pag-inom. Hindi naman din niya napigilan ang ama noon dahil alam niya na ito lang ang tangi nitong pinagkakaabalahan kung hindi ito nagtatrabaho.

Naaalala pa ni Faye ang napag-usapan nila ng doktor na sumuri sa kaniyang ama.

“Faye, ang pinakamabuting gawin ay mag-undergo ng dialysis ang tatay mo. Reresetahan ko na din siya ng mga gamot. Pero tatapatin kita. Hindi ko magagarantiya ang tuluyang paggaling ng tatay mo. Malala na ang sakit niya. Ang kaya na lang nating gawin ay pahabain ng kaunti ang buhay niya,” sabi ni Dr. Mercado.

“Dok, magkano ho kaya ang kakailanganin ng tatay ko para sa mga medikasyon na sinasabi niyo?” tanong ni Faye. “Iyung mga gamot ay hindi bababa sa isandaang piso kada piraso. ‘Yung dialysis naman ay nasa apat na libo per session na tatlong beses sa isang linggo,” sagot ng doktor.

Napahagulgol na lamang si Faye. Hindi ito ang buhay na pinangarap niya para sa ama. Nagsisimula pa nga lang siya sa pagbibigay ng magandang buhay sa tatay niya pero mukhang kukunin na agad ito sa kaniya. Wala siyang hindi gagawin para gumaling ang tatay niya.

Mas sinipagan ni Faye ang pagtatrabaho. Maliban sa pagiging manager ay pinasok niya na din ang online selling kung saan nagbebenta siya ng iba’t ibang produkto gaya ng pabango, damit, mga pampaganda at madami pang iba.

Mas lalo siyang nawalan ng panahon para sa sarili. Kung noon ay nae-entertain niya pa kahit papaano si Angelo ngayon ay wala na talaga siyang panahon para sa ibang bagay.

Kinuha din niya si Aling Cynthia na kapitbahay nila bilang tagapag-alaga ng ama sa tuwing may raket siya. Si Aling Cynthia din ang sumasama sa ama tuwing magpapa-dialysis ito. Bihira na lamang niya makausap ang ama. Hindi kagaya ng dati na gabi-gabi silang nagba-bonding habang nanonood ng TV at nagkakape.

Isang gabi ay nagulat si Faye nang madatnang gising pa ang tatay niya at nakaupo sa sala pagkauwi niya. Agad-agad siyang lumapit sa ama upang magmano.

“O, tay, bakit gising ka pa? ‘Di ba sabi ng doktor, eh, maaga ka dapat matulog dahil makakasama sa’yo ang pagpupuyat?” marahang sita ni Faye sa ama. “Anak, hindi na kasi tayo nagkakakuwentuhan at miss na miss na kita,” malungkot na sabi ni Mang Berto.

“Ang tatay talaga.” niyakap ni Faye nang mahigpit ang ama para itago ang pagtulo ng luha na kanina niya pa pilit na pinipigilan.

“Anak…” marahang sabi ng ama.

“Ayokong nahihirapan ka ng dahil sa akin. Alam ko naman na ginagawa mo ang lahat ng ‘to para gumaling ako. Pero kung hanggang dito na lang, eh, wala naman tayong magagawa. Masaya ako na ikaw ang naging anak ko at nagpapasalamat ako na tinutulungan mo akong gumaling, anak. Ngayong may trabaho ka na at kayang-kaya mo nang mabuhay mag-isa ay masaya na akong lilisan sa mundong ito,” marahang sabi ni Mang Berto.

Tuluyan nang humagulgol si Faye sa balikat ng ama. “Hindi, tay. Gagaling ka. Hindi ko pa kaya ng wala ka.” Tila paslit na iyak ni Faye sa ama.

“Ang anak ko talaga.” masuyong hinagod ni Mang Berto ang likod ng anak na tila batang pinapatahan nito sa pag-iyak.

Kinabukasan ay maagang nagising si Faye para ipaghanda ng almusal ang ama. Naghahain na siya nang dumating si Aling Cynthia.

“Aling Cynthia, kumusta naman ho? Hindi ho ba nagpapasaway ang tatay at sinusunod ang lahat ng sinasabi ng doktor?” tanong kaagad ni Faye sa nag-aalaga sa ama.

Tila nag-isip pa si Aling Cynthia na siyang ipinagtaka ni Faye. “Okay naman. Hindi naman pasaway ang ama mo.” Nakahinga ng maluwag si Faye at nagpasalamat kay Aling Cynthia.

“Naghanda na po ako ng makakain ninyo ni tatay. Kayo na po ang bahala at kailangan ko na ding pumasok sa trabaho,” bilin ng dalaga.

“Faye…” tawag ni Aling Cynthia nang palabas na ng pinto ang dalaga.

“Ano ho yun?” tanong ni Faye. Tinignan niya nang mataman ang matanda dahil tila may gusto itong sabihin sa kaniya.

“Ah, wala. Mag-ingat ka sa pagpasok,” sabi ni Aling Cynthia. Nagkibit-balikat na lamang si Faye sa ikinilos ng matanda.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang araw habang kasalukuyang kumakain ng tanghalian si Faye sa opisina ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Aling Cynthia. Akala niya ay unti-unti nang bumubuti ang lagay ng ama kaya nagimbal siya nang ibinalita nito na wala na daw ang kaniyang ama.

Umiiyak siyang sumakay ng taxi at nagpahatid sa bahay. Doon ay naabutan niya ang wala ng buhay na ama at ang umiiyak na si Aling Cynthia.

“Sorry, Faye. Sorry. Sana sinabi ko sa’yo,” umiiyak na sambit ni Aling Cynthia.

“Ang ano ho?” umiiyak at naguguluhang tanong ng dalaga habang yakap-yakap ang ama.

Inabot ni Aling Cynthia ang isang sulat. Nang binuklat ito ni Faye ay nakita niya ang sulat kamay ng kaniyang ama. Ganun na lamang ang pagtangis ng dalaga habang binabasa ang huling liham ng ama para sa kaniya.

Faye,

Pasensiya ka na at inilihim ko sa’yo. Ang totoo ay narinig ko ang sinabi ng doktor na hindi na ako magtatagal kaya naman ayoko nang sayangin ang mga pinaghirapan mo para sa wala.

Hindi ko na binili ang mga mamahaling gamot at hindi na ako nagpa-dialysis.

Anak, huwag ka sanang magtampo at sana maintindihan mo na hindi ko kailangan ng mas mahabang buhay kung ang kapalit naman nun ay ang pagdurusa ng pinakamamahal kong anak. Ayokong maging pabigat sa’yo sa mga huling sandali ng buhay ko kaya naman inipon ko ang lahat ng pera na ibinigay mo para sa pagpapagamot ko at inilagay ko sa sobre na nasa damitan na nanay mo.

Gamitin mo ‘yun para sa sarili mo. Siguro para sa pagpapakasal niyo nung lalaking gusto mo. Si Angelo ba ‘yun? Akala mo hindi ko napansin, ano?

Anak, tandaan mo na nakabantay ako lagi sa’yo at proud na proud ako sa lahat ng nagawa mo para sa akin at sa mga bagay na gagawin mo pa.

Mahal na mahal kita, anak, at hanggang sa muli nating pagkikita.

Tatay

Walang patid ang pagluha ni Faye habang kipkip ang liham sa kaniyang dibdib. Hanggang sa kahuli-hulingang hininga ng tatay niya ay siya pa din ang iniisip nito. Ngayong wala na ang kaniyang ama, bagama’t mahirap, ay pipilitin niyang mamuhay ng matatag at may ngiti sa mga labi alang-alang sa kaniyang ama na walang ibang hangarin kung ‘di ang kaniyang kaligayahan.

Advertisement