Sumapit na naman ang buwan ng Setyembre. Damang dama sa buong siyudad ang malamig na simoy ng hangin na naging dahilan kaya mas lalong kinipkip ng isang binata sa kanyang dibdib ang suot niyang lumang sweater na regalo pa sa kanya ng kanyang kasintahan, matagal na panahon na ang nakalipas.
Habang nakaupo sa bench na malapit sa sidewalk, hinagod niya ang kanyang kulot na buhok habang pinanunuod niya ang mabilis na paglalakad ng bawat taong dumadaan sa sidewalk ng highway – ang mag-inang mukhang hindi magkasundo dahil matindi ang simangot sa mukha ng anak na nauunang maglakad sa nanay, ang magkaibigang walang humpay ang paghagalpak ng tawa habang kumakain ng ice cream, at ang magkasintahang magkahawak kamay habang panay ang bulungan at pawang may ngiti sa kanilang mga labi.
Iginala niya ang kanyang paningin sa pagbabaka sakaling makakita siya ng isang pamilyar na mukha at hindi siya nabigo.
Isang bata ang lumapit sa kanya, at mukhang sinusubukan nitong makipaglaro sa kanya dahil pilit nitong iniaabot ang isang balingkinitang manika na naka-pink na damit at may kolorete sa mukha.
Ang bata, na sa palagay niya ay mga nasa limang taong gulang, ay napaka-cute tignan sa suot nitong puting bestida na may pulang polka dots. Ang kulot nitong buhok ay buhaghag na buhaghag, na marahil ay dahil sa malakas na pag-ihip ng hangin. Kusang napahagikhik ang bata nang tanggapin ng binata ang inaabot na manyika sa kanya.
“Anong pangalan mo?” tanong ng lalaki.
“Sophia po, kayo po, ano pong pangalan mo?” bibong sagot ng bata na mukhang matatas na ang pananalita.
Sinagot naman ito ng lalaki. “Nasaan ang nanay at tatay mo?” sabi ng lalaki. “Nasa malayo po nagtatrabaho si Papa kasi kailangan daw niyang mag-work para may pambili ako ng milk sabi ni Mama. Hindi ko pa nga po siya nakikita eh. Si Mama naman po ay bumili ng bulaklak,” pagku-kwento ng bata.
Kahit napakunot noo sa mga sinabi ng bata, ipinagsawalang bahala niya ito at nangggigil na pabirong kinurot ng lalaki ang bata, kaya napanguso ito, na mas lalo lamang ikinatawa ng binata dahil mas lalo itong nagmukhang cute sa kanyang paningin.
Madami pang kinuwento ang bata, kagaya ng limang taon na daw ito ngunit may isang bagay na bumabagabag sa kanya habang tila nababatubalaning nakatitig sa bata – sigurado siya na ito ang unang beses na nakita niya ang bata ngunit bakit pamilyar na pamilyar sa kanya ang mukha nito?
Posible ba na nakita niya na ito noon, at hindi niya lang naalala dahil hindi sila nagkaroon ng interaksyon? Kung ganun, bakit tumatak sa kanya nang ganoon katindi ang itsura ng bata? Saan niya ito nakita noon? Naputol lang ang malalim niyang iniisip nang marinig niya ang marahang sigaw ng isang boses na hinding hindi niya makakalimutan.
“Sophie, anak, nasaan ka na?” sigaw ng isang babae sa di kalayuan.
“Samantha…” bulong ng lalaki. “Alam niyo po ang pangalan ng mama ko?” tanong ng batang babae.
Mama? Naisip ng lalaki. Posible kayang…? Nakumpirma niya ang kanyang hinala nang sa wakas ay makita niya ang nagmamay-ari ng boses na tumatawag sa batang kanina lang ay masayang nakikipag-kwentuhan sa kanya.
“Anak, saan ka na naman ba nagpunta? Sinabi ko sayong wag ka lalayo sa akin, hindi ba?” marahan ngunit madiing sita ng babae sa anak na si Sophia.
“Sorry po, Mama, nakikipaglaro lang naman ako kay Kuya Arman…” nakayukong paliwanag ng bata.
Bahagyang natigilan ang ina nang marinig ang pangalan na binanggit ng anak. “Hindi ba sinabi ko sayo na wag ka makikipag-usap sa mga hindi mo kakilala?” muling sita niya sa anak.
“Mabait po siya Mama, alam niya nga po ang pangalan mo eh…” sagot naman ng anak.
Tuluyan nang nanlambot at napaupo si Samantha sa bench kung saan niya nakita ang anak na nakaupo. Nilapag din niya ang bulaklak na binili upang ilagak sa bench na tambayan nila noon ng namayapang ama ni Sophia na si Arman.
Tila yata nakausap ng kanyang anak ang namayapa niyang kasintahan? Nandito pa din ba si Arman dahil nais nito masilayan ang kanilang anak?
Sa halip na takot ay pangungulila at di masukat na kalungkutan ang naramdaman ni Samantha para sa kasintahan.
Malapit na silang ikasal noon, at buntis siya kay Sophia nang masawi ang kasintahan sa isang aksidente. Hinding hindi niya malilimutan ang huling ngiti ni Arman habang patawid ito papunta sa kanya nang banggain ito ng rumaragasang truck na agad nitong ikinasawi. Nasaksihan ng kanyang mga mata ang nangyari sa kanyang pinakamamahal kaya inabot siya ng halos anim na taon bago tuluyang maka-recover sa trauma at makabalik sa pinangyarihan ng aksidente.
Mukhang naghihintay pa rin sa kanya ang kasintahan. Sa isiping iyon ay tuluyan nang bumagsak ang luhang pinipigilan ni Samantha.
“Arman, kung naririnig mo man ako, gusto kong tuluyan ka nang magpahinga. Lumaking napakaganda at napakabait ng anak nating si Sophia. Kung nandito ka ay alam kong sasabihin mong kamukhang kamukha ko siya. Patawarin mo ako kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na bumalik dito upang mag-alay ng bulaklak at panalangin para sa iyo, hindi ko naman alam na hihintayin mo kami dito.
Hindi kami pababayaan ng mga magulang mo kaya hindi mo na kami dapat alalahanin pa. Pumaroon ka na sa dapat mong paroonan. Mahal na mahal ka namin, at hinding hindi ka naming makakalimutan,” mahabang litanya ni Samantha, na ngayon ay may munti nang ngiti sa kanyang mga labi kahit mugto ang mga mata.
Si Arman na humalo na sa madilim na parte ng sidewalk ay tahimik na lumuha – sa oras na iyon, napaluha siya sa galak dahil alam niyang nasa mabuting kalagayan ang pinakamamahal niyang mag-ina.
Mukhang ito na ang huling Setyembre niya sa bench na ito, dahil sa wakas, matatahimik na siya.