Inday TrendingInday Trending
Wrong Timing Ka Naman Kasi, Mang Jojo!

Wrong Timing Ka Naman Kasi, Mang Jojo!

Hindi maintindihan ni Carmen, isang ginang, kung bakit palagi na lamang wrong timing ang nagdedeliber sa kanila ng kanilang inuing tubig. Natitiyempo kaso na kung hindi siya abala sa mga gawain ay nasa kasarapan naman siya ng kaniyang pagkain.

“Hay nako, Nando, hindi ko alam kung nananadiya talaga ‘yang si Mang Jojo. Akalain mo at nasa kalagitanaan ako ng pananghalian ay biglang kakatok ng malakas diyan sa gate. Kahit na sabihan ko sya na huwag sa ganoong oras magpunta ay ganoon pa rin ang kaniyanga ginagawa,” wika niya sa kaniyang mister.

“May edad na rin kasi ‘yang si Mang Jojo, kaya hayaan mo na,” sambit naman ng kaniyang mister.

“Tulad ngayon, ang sinabi ko sa kaniya ay ngayong oras niya dalhin sapagkat bakante ako sa mga gawain, ngunit tignan mo kung anong oras na. Hanggang ngayon ay wala pa siya,” naiinis na sambi ng ginang. “O siya, maghahanda na nga ako at mahuhuli na ako sa pagsundo ng anak mo,” dadag ng ginang. “Kung darating siya mamaya ay ikaw na ang bahala,” aniya

Dahil sa tagal ng paghihintay ay napilitan nang mag-ayos itong si Carmen upang sunduin ang kaniyang anak sa paaralan. Habang abala naman sa pagkukumpuni sa ilalim ng kanilang sasakyan ang kaniyang asawa at siya naman ay nagkukumahog sa pagmamadali at saka dumating itong si Mang Jojo upang ideliber ang ilang galon ng kanilang inuming tubig.

“Tao po!” sigaw ni Mang Jojo sabay katok sa kanilang gate. “Carmen, narito na ang order ninyong tubig,” muli niyang sigaw. Nang marinig niya ang katok sa gate ay nagmamadali si Carmen na lumabas ng banyo.

“Nando, ikaw na nga ang umabot ng mga galon,” wika niya sa asawa habang nagmamadali sa paggagayak.

Agad namang huminto si Nando sa kaniyang ginagawa. Dahan-dahan niyang inilabas ang kaniyang sarili mula sa ilalim ng sasakyan at madaling nagtungo sa kanilang tarangkahan.

Binuksan niya ang gate at tinulungan si Mang Jojo na ipasok ang mga galon ng inuming tubig. Hindi pa man sila tapos sa gawain ay nagmamadaling umalis si Carmen patungong ekwelahan.

Pagkauwi ng ginang ay agad na sinalubong siya ng kaniyang asawa.

“Tama ka nga sa sinasabi mo, Carmen. Alam mo bang kuhang-kuha ko na ang pwesto ko kanina sa ilalim ng sasakyan upang maayos ko ang nasirang parte at saka pa ako napilitang umalis at kuhain ang mga galon,” inis na sabi ng lalaki.

“Sabi ko sa’yo, eh. Napansin ko talaga ‘yan.” wika naman ng ginang.

Nang sumunod na araw naman ay nagtatanghalian ang mag-anak. Masaya nilang pinagsasaluhan ang nilutong pagkain ni Carmen habang sila ay nanonood ng telebisyon.

“Ang sinabi ko kay Mang Jojo ay ideliber ang tubig mamayang hapon. Baka pumunta ako kila kumareng Sita upang kuhain ang ipinathi kong damit nitong anak natin. Ikaw na muna ang bahala, ah,” bilin ni Carmen sa kaniyang asawa.

Sa kasarapan ng kanilang pagkain ay muling dumating itong si Mang Jojo.

“Ang sabi ko sa kaniya ay mamayang hapon na,” wika ni Carmen. Walang nagawa ang ginang kundi ihinto ang kaniyang pagkain at puntahan si Mang Jojo sa kanilang gate.

“Ang sabi ko ho sa inyo ay mamaya ninyo na pong hapon dalhin ang mga tubig,” paninita ni Carmen. “Kumakain po kami ng tanghalian ngayon. Kailangan ko pa pong itigil ang pagkain ko para lang po kunin ang mga galon na ito,” dagdag pa niya.

“Ay ganoon ba? Pasensiya ka na, Carmen,” nakangiting wika ni Mang Jojo.

Pagkabayad ni Carmen ay agad na siyang bumalik sa hapagkainan upang ipagpatuloy ang pagkain. Ngunit tapos na ang kaniyang mag-ama sa kanilang tanghalian.

“O hindi ba parang nananadya,” aniya. “Kukuha na ako talaga ng ibang magdedeliber sa atin ng tubig, Nando. Naiinis na talag ako diyan kay Mang Jojo!” sambit muli ni Carmen sa kaniyang asawa.

Kinahapunan ay nagtungo nga si Carmen sa kaniyang kumareng si Sita. Sa inis ay hindi niya naiwasang ikwento ito sa kaniyang kaibigan.

“Mantakin mo palaging tanghali kung kailan abala kami o hindi naman kaya ay kumakain saka niya ihahatid ang mga galon. Madalas kong sabihin sa kaniya na sa hapon na lang niya dalhin sapagkat mas maraming oras na bakante ako. Ngunit kay tigas ng kaniyang ulo,” yamot ng ginang. “Ito nga at naghahanap ako ng papalit diyan kay Mang Jojo. Hindi ko na makayanan pa ang mga maling pagkakataon ng kaniyang pagpunta sa bahay.

“Natanong mo na ba siya, mare, kung bakit? Baka naman may dahilan kung bakit ganoon siya. Pero kung kailangan mo nga ng kapalit ay irerekomenda ko sa iyo ang nag dedeliber naman ng inuming tubig namin,” tugon naman ni Sita.

“Sige nga. Bukas ay sasabihan ko na rin ‘yang si Mang Jojo na hindi na kami sa kaniya kukuha ng tubig,” aniya.

Kinabukasan habang abala sa paghahain ng tanghalian si Carmen ay muling kumatok ng gate itong si Mang Jojo. Naiinis namang huminto si Carmen sa kaniyang ginagawa at nagtungo sa lalaki.

“Mang Jojo, sa susunod ho ay hindi na kami kukuha ngtubig sa inyo. Kahit anong sabi ko kasi na sa hapon ninyo ideliber ang tubig ay ganitong oras pa rin ninyo dinadala,” sambit ni Camen.

“Pasensiya ka na sa akin, Carmen. Pero h’wag naman. Sayang din kasi ang kinikita ko sa mga order ninyo,” tugon naman ni Mang Jojo. “Pasensiya ka na kung sa ganitong oras ako palaging nagpupunta. Alam mo kasi, Carmen, may malubhang sakit ang aking asawa at kailangan niya ako upang magbantay sa kaniya.

Hirap kasi siya sa pagkilos. Bakante naman ng ganitong oras ang aking anak na nagtatrabaho bilang isang guro sa isang malapit na eskwelahan. Umuuwi siya panandalian sa bahay upang magtanghalian kaya may kapalitan ako sa pagtingin sa asawa ko. Sa tuwing naroon na siya ay saka ko naman inihahatid ang mga galon. Sayang din kasi at pandagdag din ang kita ko rito sa mga gastusin namin sa bahay lalo na sa pagpapagamot ng aking asawa,” wika niya. “Kaya pasenya ka na, Carmen, kung madalas ay maabala kita,” dagdag pa ng matanda.

Naawa si Carmen sa paliwanag sa kaniya ni Mang Jojo. Hindi niya akalain kasi na kaya pala hindi ito matupad ang oras na gusto ni Carmen sapagkat may mabigat pala itong responsibilidad sa kaniyang asawa. Lubusang hiya ang kaniyang naramdaman.

“Patawad po, Mang Jojo, hindi ko po alam na ganon pala ang dinaranas ninyo sa kasalukuyan. Sana ho ay mas maaga ninyong sinabi sa akin para naman po nalaman ko kaagad,” saad ng ginang. “Hayaan ninyo po at hindi na po ako lilipat ng iba, sa inyo pa rin po ako kukuha ng inumung tubig namin. Saka makakapunta po kayo rito kahit anong oras ninyo gusto. Para na rin kahit sa maliit na paraan ay makatulong ako sa pamilya ninyo,” dagdag pa niya.

Ikinatuwa naman ni Mang Jojo ang kaniyang narinig. Mula noon ay hindi na ikinainis pa ni Carmen ang maling tiyempo ng pagdating ng matanda upang maghatid ng inuming tubig sa kanilang tahanan.

Advertisement