Bunso sa tatlong magkakapatid itong si Tope ng mag-asawang sina Mang Marcelino at Aling Dionisia, pawang mga magsasaka. Salat man sa buhay ay napakataas ng pangarap ng binata na maging isang arkitekto upang makatulong sa kaniyang pamilya. Sa katunayan nga ay lagi niyang tangan ang papel kung saan niya iginuhit ang disenyo ng itatayo niyang bahay kung sakaling matupad niya ang kaniyang minimithi. Nang malaman naman ito ng kaniyang mga mapagtaas na kapitbahay ang naging tampulan siya ng tukso.
“Nako, Tope, at nag-aaksaya ka lang sa pangarap mong ‘yan. Paano kang magiging isang arkitekto e ni pambili ng lapis ay wala kayo,” pangungutya ni Aling Cora, isa sa mga kapitbahay ni Tope nang makita ang bata na papauwi sa kanilang bahay.
“Oo nga, Tope. Hindi mo ba alam na malaking pera ang kailangan mo para maging isang arkitekto? Ni hindi nga kayo makabili man lang ng sarili ninyong telebisyon. Sa amin pa kayo nakikinood,” wika naman ng isa pang kapitbahay.
“Nako, Tope, kung magiging arkitekto ka ay unahin mong bayaran ang utang na de lata akin ng nanay mo!” tugon naman ng isa pang babae.
Hindi maintindihan ni Tope kung bakit ganoon na lamang kung maliitin sila ng mga ito. Ngunit hindi mapipigilan ng kanilang pangungutya ang mataas na pangarap ng binata. Habang naglalakad siya ay natanaw niya ang kanilang barung-barong. Gawa lamang ang mga ito sa pawid. Kung bumabagyo ay kailangan nilang tiisiin ang hapsan ng hangis sa kanilang bahay at ulan na tumutulo mula sa kanilang bubungan.
“Pinapangako ko na magiging arkitekto ako at itatayo ko ang pinapangarap na bahay ng mga magulang ko,” aniya sa sarili.
“Tope, ano pa ang ginawa mo riyan sa labas at pumarito ka na. Kanina pa handa ang tanghalian,” tawag sa kaniya ng kaniyang ina mula sa loob ng bahay. Patakbong umuwi si Tope upang mananghalian.
“Kumusta ang pag-aaral mo. Ilang buwan na lang pala anak at matatapos ka na ng hayskul. Naisip mo na ba kung ano ang nais mong kuhaing kurso sa iyong kolehiyo?” tanong ng ina habang naghahanda sa hapag-kainan.
“Gusto ko po pa rin pong maging arkitekto, nay,” tugon niya.
“Alam mo namang anak na hindi natin kaya ng iyong ama na pag-aralin ka sa ganoong kamahal na kurso. Hindi sasapat ang naipon namin ng tatay mo. Kaya nga lagi kong sinasabi sa’yo na baka maaari ay umisip ka ng ibang kurso. Hayaan mo anak at pag nakatapos ka at nagkaroon ng trabaho ay maari kang bumalik sa pag-aaral at tuparin mo ang iyong pangarap,” saad ni Aling Dionisia.
“Ginagalingan ko po ang pag-aaral ko, nay, sa gayon po ay makuha ko ang scholarship na iniaalok ni mayor sa mga mag-aaral na magkakamit ng parangal sa kanilang pagtatapos. Kung makukuha ko po iyon ay wala na po tayong gagastusin pa para sa kolehiyo ko,” sambit naman ni Tope.
“Ayokong maging balakid sa mga pangarap mo, anak, at naniniwala akong kaya mo. Ngunit kung hindi ka man papalarin ay ipinangangako kong igagapang namin ng ama mo ang iyong pagkokolehiyo tulad ng ginagawa namin sa iyong mga kapatid. Ngunit kailangan mo ring buksan ang isipan mo na tila imposibleng maipasok ka namin sa kurso sa nais mo,” wika ng ina.
Sa kabila ng narinig ay hindi pa rin natinag si Tope sa pag-abot ng kaniyang pangarap. Nagtapos nga siya ng may pinakamataas na karangalan at dahil doon ay sa kaniya ipinagkaloob ng kanilang mayor ang scholarship. Dahil sa kaniyang talino ay nakapasok sa isang unibersidad si Tope. May tulong man galing sa kanilang alkalde ay hindi lingid sa kaalaman ni Tope na marami pa ring gastusin ang naghihintay sa kaniya.
Lalo pa at nang tamaan ng isang karamdaman ang kaniyang ina. Dahil sa pagod sa pagsasaka ay humina ang mga baga ni Aling Dionisia. Napilitang huminto na ang kaniyang dalawang kapatid upang tumulong sa pagsasaka sa kanilang ama.
Dahil ayaw pa ni Tope na makadagdag sa mga kanilang gastusin ay nagawa niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang isang waiter sa isang restawran.
“Bakit hindi ka na lamang kasi tumigil sa pag-aaral mo at tulungan mo ang ama mo sapagsasaka,” wika ni Aling Cora. “May sakit na nga ang nanay mo at gusto mo pang mas gastusan ka ng pamilya mo kesa ipanggamot ng nanay mo,” dagdag pa ng mahaderang matanda. “Wala namang patutunguhan iyang pangangarap mo na ‘yan, Tope, ang kailangan ng pamilya mo ay kumayod ka nang sa gayon ay may makain kayo,” aniya.
“Aling Cora, kailangan ko hong magtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay mas matulungan ko sila. Kapag ako ay ganap ng isang arkitekto ay kahit hindi na kailangan pang magsaka ng pamilya ko,” tugon ni Tope. Ngunit tinawan lamang siya ng mga nakarinig sa kaniya maging ang kapitbahay nilang si Aling Cora.
“Sige, Tope, hihintayin ko na maging arkitekto ka,” tatawa-tawang saad ni Aling Cora. “Iyan ay kung buhay pa ako, ah. Sapagkat kahit yata tubuan na ako ng ugat rito ay hindi mo matutupad ang pangarap mong ‘yan. H’wag masyadong mataas ang pangarap mo, baka mamaya ay sa sahig ka pulutin,” patuloy sa pangungutiya ang matanda.
Imbis na panghinaan ng loob ay lalong ginalingan ni Tope sa pag-aaral at sa trabaho. Bukod sa pagiging waiter ay tumatanggap rin siya ng iba pang gawain upang makatulong sa pagtustos sa kaniyang pag-aaral at kung may nalalabi ay para naman sa kaniyang pamilya. Minsan din ay tumutulong siyang magsaka sa kaniyang ama at mga kapatid. Tiniis ni Tope ang hirap at pagod na pagsabayin ang lahat ng ito.
Hindi nagtagal ay tuluyan nang nakatapos si Tope at naging isang arkitekto. Ngunit kahit ganoon na ang kaniyang estado ay hindi pa rin siya tinitigilan ng mga mapanghusgang kapitbahay. Habang patungong sakahan ang binata ay hindi na naman siya nakaiwas sa mga mapangutiyang bibig ng mga ito.
“Arkitekto ka na nga, Tope. Asan na ang ipinagmamalaki mong ipapatayo mo ang inyong bahay? E magpahanggang ngayon ay walang kumukuha sa iyo upang magdisenyo ng kahit ano. Kita mo nga at sa sakahan ka rin patungo!” wika ni Aling Cora. “Taas ng pangarap nito ni hindi nga kayo makabayad ng mga utang ninyo!” at nakipagtawanan na ang matanda sa iba pang kapitbahay.
Habang binabagtas niya ang pilapil patungong sakahan ay hindi maiwasan ni Tope ang malungkot sa mga sinabi sa kaniya ng ale. Tila tinamaan siya sa parteng kahit na ganap na siyang arkitekto ay sa sakahan pa rin ang kaniyang tuloy. Ngunit ng masilayan niya ang mukha ng kaniyang ama ay agad napawi ang kaniyang lumbay.
“E, ano kung sa sakahan ako patungo. Marangal na trabaho naman ito. Darating din ang swerte sa akin. At sinisigurado kong handa ako sa pagdating ng araw na ‘yon,” wika niya sa sarili.
Maya-maya ay tumunog ang kaniyang telepono. Isang tawag mula sa isang kilalang kumpanya ang kaniyang natanggap. Inaanyayahan siya upang maging bahagi ng isang proyekto sa kanilang itatayong istraktura. Labis na kagalakan ang naramdaman ni Tope. Sa wakas ay maipamamalas na niya ang kaniyang natatagong galing. Agad niyang pinaunlakan ang paanyaya at tulad ng kaniyang sinabi ay lubusan niyang ginalingan ang trabaho.
Hindi nagtagal ay sunud-sunod na ang kaniyang mga naging proyekto. Nakatulong na siya sa kaniyang pamilya at unti-unti na rin niyang ipinagawa ang kanilang bahay. Ilang taon pa ang nakalipas at hindi niya inakala na maipapatayo na rin niya ang bahay na kaniyang idinesenyo noong siya ay bata pa lamang. Ang bahay nila dati na gawa sa pawid at gawa na sa bato ngayon. Hindi makapaniwala ang kanilang mga kapitbahay na sa wakas ay natupad na ni Tope ang kaniyang pangarap.
Naiahon ni Tope ang kaniyang pamilya sa hirap. Dahil sa kaniyang galing ay natanggap siya sa isang kilalang kumpanya sa ibang bansa. Mula noon ay hindi na dumanas pa ang kanilang pamily ang anumang kahirapan. Pinabalik na rin niya ang kaniyang mga nakatatandang kapatid sa pag-aaral sa pangarap na sila man ay makapagtapos rin. Hindi na nagsaka pa ang ama ni Tope at ang kaniyang ina naman ay tuluyan na ring gumaling.
Naging masaklap man ang buhay sa kanilang pamilya dahil sa kahirapan, ngunit hindi ito naging hadlang upang tuparin niya ang kaniyang mga pangarap. Hindi niya pinanghinaan ng loob at buong tapang niyang hinarap ang lahat ng pagsubok hanggang sa tuluyan niyang maabot ang rurok ng tagumpay.