Labis na kalungkutan ang naramdaman ni Sheila nang malaman na paalis na muli ang kanyang kasintahang si Franz patungong Amerika upang ipagpatuloy ang pag-aaral nito doon. Sa tuwing umaalis kasi noon ang binata ay para dumalaw lamang sa pamilya nitong na nasa ibang bansa ay labis itong namimiss ng dalaga. Ngayong tuluyan na itong maninirahan sa Amerika at ayaw na niyang magpakalugmok muli sa kalungkutan.
“Bakit ka naman nakikipaghiwalay sa akin, Sheila?” malungkot na sambit ni Franz sa nobya. “Kaunting tiis lang naman at kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral doon at nagkatrabaho ay pakakasalan kita at magsasama na tayo sa Amerika. Ayaw mo ba ng ganoon?” tanong niya sa dalaga. “Mabilis lang naman lumipas ang mga araw, Sheila. Bukas o makalawa hindi mo namamalayan ay narito na akong muli sa piling mo,” sambit pa ng binata.
“Nakapagdesisyon na ako, Franz,” mariing sambit ng dalaga. “Ayoko nang malungkot sa tuwing aalis ka at maiiwan ako dito. Hindi ko alam kung babalik ka pa ba, kung ano ang gingawa mo o baka may makilala kang iba doon at ipagpalit ako. Ayoko nang mapraning kaya pinapalaya na kita, Franz,” saad pa ni Sheila.
“Wala ka bang tiwala sa akin? Tatawagan kita araw-araw kung ‘yun ang gusto mo. Mag-iiwan ako ng mensahe sa’yo kung nasaan ako o kung ano ang ginagawa ko at sino ang kasama ko. Tapat ako sa’yo, Sheila, kaya h’wag mo naman gawin ito sa akin,” giit ng binata.
“Palayain mo na rin ako, Franz. Ayoko na. Ayaw mo ba niyan? Binibigyan na kita ng kalayaan na gawin ang lahat ng gusto mo,” saad pa ng dalaga.
“Pero ayokong mawala ka sa akin, Sheila. Mahal na mahal kita,” naluluhang wika ni Franz. Ngunit buo na ang desisyon ni Sheila. Kahit lubusan ang lungkot na nadarama at mabigat ang mga paa ay tumuloy na si Franz sa Amerika.
Ngunit kahit na alam niyang hiwalay na sila ng dalaga ay hindi pa rin sinukuan ng binata na suyuin si Sheila. Malayo man ay pilit siyang gumagawa ng paraan upang iparamdamdam sa dating nobya ang kanyang pagmamahal.
Isang tawag ang natanggap niya sa dalaga.
“Maraming salamat sa bulaklak na pinadala mo, Franz. Pero tulad ng sinabi ko sa’yo ay wala na tayo. Kaya kung maaari lamang ay tigilan mo na rin ako,” saad ni Sheila.
“Ayoko lang naman na makalimutan mo ako, Sheila. Kasi hanggang ngayon umaasa pa rin ako na sana ay bumalik ka na sa akin. Hindi naman ako nambababae dito,” tugon ni Franz.
Ngunit kahit ano pa ang gawin ng binata ay hindi na magbabago pa ang isip ni Sheila.
“Hindi ko na kayang malungkot pa muli, Franz, nang dahil lang sa malayo ka. Hindi mo kasi ako maiintindihan kasi ikaw ang umalis at hindi ikaw ang naiwan. Hindi ikaw ang aasa at hindi ikaw ang maghihintay,” tugon ng dalaga.
“Hindi rin naman madali sa akin na iwan ka, Sheila. Para rin naman sa kinabukasan natin itong ginagawa ko,” wika niya.
“Hindi ko na alam, Franz. Bahala na…” wika naman ni Sheila sabay baba ng telepono. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon ang binata upang muling magpaliwanag.
Isang taon ang lumipas at nakaipon si Franz ng pamasahe pauwi sa Pilipinas. Mula sa Airport ay agad siyang nagtungo sa eskwelahan ni Sheila upang surpresahin ito. Ngunit tila siya ang nasurpresa sa kaniyang nadatnan. Sa hindi kalayuan kasi kung saan nakaparada ang kaniyang gamit na sasakyan ay natanaw niya si Sheila na may kasamang isang lalaki. Mahigpit ang hawak nito sa dalaga at tila may pamumuwersa. Sa tingin ni Franz ay sinasaktan na ng lalaki si Sheila kaya dali-dali niya itong nilapitan.
“Brad, baka pwede mong bitawan si Sheila, nasasaktan na siya, oh!” kumpronta niya sa lalaki. Laking gulat naman ni Sheila na makita ang dating nobyo.
“Sino ka ba, ha? H’wag kang makileam sa away namin ng girlfriend ko!” sambit ng lalaki.
“Nobya mo si Sheila? Hindi ba mas dapat ay inaalagaan mo siya. Hindi mo siya dapat hinihiya sa harap ng maraming tao at higit sa lahat ay hindi mo siya dapat sinasaktan!” tugon naman ni Franz.
“Pakielamero ka masyado, ha!” saad ng lalaki habang akmang sasapakin si Franz. Ngunit agad naman silang inawat si Sheila.
“Tama na ‘yan!” sigaw ng dalaga. “Bakit ka ba nandito, Franz? Umuwi ka na. Pabayaan mo na ako,” sambit ni Sheila sa dating nobyo.
“Bakit mo hinahayaan na saktan ka nitong gag*ng ‘to, Sheila? Kung hahanap ka naman ng ipapalit sa akin ay sana ‘yung inaalagaan ka. Hindi ka nakatikim sa akin ng ganyan kahit kailan,” tugon naman ni Franz kay Sheila.
“Pabayaan mo na ako kay Gio, Franz. Hindi na tayo. Si Gio ang laging nandiyan nung mga panahon na kailangan ko nang makakasama habang ikaw naman ay nasa malayo. Kaya parang awa mo na, umalis ka na at h’wag mo na kaming pakielaman pa,” pakiusap ng dalaga.
Wala nang nagawa pa si Franz kundi umalis ng sandaling iyon. Ngunit hindi doon matatapos ang paghabol niya sa dalaga. Kinagabihan ay inabangan ni Franz si Sheila sa kanto ng kanilang eskinita. Akma naman sapagkat mag-isa lamang itong umuwi.
“Sheila, gusto lang kitang makausap. Parang awa mo na,” aniya.
“Wala na tayong dapat pag-usapan, Franz. Masaya na ako ay Gio. Pabayaan mo na ako,” sambit ni Sheila habang nagmamadali sa paglakad. Pilit naman siyang hinahabol ni Franz.
“Kahit h’wag ka nang bumalik sa akin, Sheila, basta humiwalay ka na lang sa lalaking ‘yon. H’wag mo nang intayin na may gawin pa siyang masama sa’yo bago ka matauhan. Kung mahal ka non ay hindi ka niya dapat sinasaktan,” aniya
“Franz, tama na. Si Gio na ang mahal ko. Nagkataong nagseselos lang siya sa isa sa mga kaklase ko,” paliwanag naman ni Sheila. “Hindi niya sinasadyang saktan ako, Franz. Mahal ako ni Gio. Kaya kung pwede lang ay hayaan mo na ako,” pakiusap ni Sheila. “Umuwi ka na, Franz. Wala ka nang aasahan sa akin,” dagdag pa niya.
Kahit na patuloy siyang ipinagtatabuyan ni Sheila ay pilit pa rin niyang inilalapit ang kaniyang sarili. Sa tuwing naaabutan niyang sinasaktan si Sheila ng kasintahan nito ay agad siyang nariyan upang sumaklolo. Kahit nasaan at kahit anong oras pa basta kailanganin siya ni Sheila ay handa siyang umagapay.
Dahil na rin sa pinapakita ni Franz sa dalaga ay nanumbalik ang pagtingin sa kaniya ni Sheila. Hindi niya maiwasan na makita ang lubusang pagkakaiba ni Gio sa dating kasintahan. Handa siyang ilagay sa pedestal ni Franz ngunit puro pananakit at pagdududa naman ang inaabot niya kay Gio. Dahil dito ay napagtanto niya ang kaniyang kamalian kaya agad niyang winakasan ang kanyang relasyon sa kasalukuyang nobyo upang magbalik na kay Franz.
Naisip niya na ipagtapat na kay Franz ang kaniyang nararamdaman. Gusto sana niyang makipagbalikan sa binata at handa na siyang maghintay kahit gaano katagal.
“Franz, bago ka bumalik ng Amerika pwede ba tayong magkita? May gusto sana akong sabihin sa’yo,” wika ni Sheila sa dating nobyo na nasa kabilang linya ng telepono. “May isang malapit na kapehan dito sa eskwelahan, hihintayin kita doon mamayang alas siyete ng gabi pagkatapos ng klase ko,” saad niya. Agad naman pinaunlakan ng binata ang kanyang paanyaya.
Malakas masyado ang ulan ng gabing iyon. Hindi na sana itutuloy pa ni Sheila ang pakikipagkita sa binata ngunit iginiit ni Franz na pupunta siya kahit anong mangyari upang makita ang dalaga. Matiyagang nag-antay si Sheila sa kanilang tagpuan. Maya-maya ay nakatanggap ng tawag ang dalaga mula sa numero ng binata.
“Franz, malapit ka na?” agad niyang sambit pagkasagot ng telepono. Ngunit isang tinig ng babae ang tumugon sa kaniya.
“Kamag-anak po ba kayo ng may-ari nitong telepono? Pwede ho ba kayong pumunta dito sa ospital? Ite-text ko po sa inyo ang ang pangalan ng ospital at address. May masama po kasing nangyari dun sa lalaki,” wika ng babae.
Hindi na siya nagdalawang isip pa at agad nagtungo si Sheila sa ospital. Doon ay bumungad sa kaniya ang halos wala nang buhay na si Franz.
“A-ano ho ang nangyari sa kaniya,” nangangatal niyang wika. “Anong nangyari kay Franz?”
“Naaksidente po siya habang nagmamaneho. Ayon po sa mga saksi ay mabilis ang pagpapatakbo niya sa kanyang sasakyan na tila nagmamadali. Dahil sa dulas ng daan ay nawalan siya ng preno at tumama sa isang nasa unahan niyang trak. Halos mawasak ang kotse niya sa tindi ng pagkabangga,” sambit ng isang nars.
Hindi makapaniwala si Sheila sa kaniyang nakikita. Duguan si Franz at nag-aagaw buhay.
“Franz, parang awa mo na h’wag kang bumitaw! Lumaban ka, Franz! H’wag mo akong iwan!” halos malatid ang litid ni Sheila sa pagsigaw. “Lumaban ka, Franz, parang awa mo na!” paulit-ulit niyang sambit.
Sa puntong iyon ay hindi malaman ni Sheila ang kaniyang mararamdaman. Tila isang panaginip kung kaniyang ituring ang kaniyang natatanaw. Ni sa hinagap ay hindi niya akalain na maaaring mangyari ito sa kaniyang minamahal. Mataimtim na nanalangin ang dalaga. Hiniling niya na sana ay madugtungan pa ang buhay ni Franz sa gayon ay maitama ni Sheila ang lahat ng kaniyang pagkakamali.
Tila isang himala ang nangyari at dumilat si Franz. Hindi man ito makapagsalita ay pilit niyang hinahawakan ang kamay ng dalaga.
“Lumaban ka, Franz, pakiusap. Lumaban ka!” sambit muli ni Sheila sa binata. “Mahal kita, Franz. Mahal na mahal. Handa na akong harapin ang lahat kasama ka. Kakayanin ko na kahit malayo ka, basta h’wag mo lang akong iwan ng ganito, Franz!” pagmamakaawa ni Sheila.
Dahil maraming kailangang isagawa ang mga doktor kay Franz ay kinailangan ng lumabas ni Sheila. Kahit balisa ay pamatimtim syang nagdasal para sa kaligtasan ng minamahal. Walang patid ang paghiling niya sa Diyos na sana ay maging mabuti na ang kalagayan ng binata.
Paglabas ng mga doktor ay agad niya itong nilapitan.
“Dok, kumusta po si Franz? Ano na po ang lagay niya?” natataranta niyang sambit.
“Marami at malalim ang mga sugat na natamo ni Franz. Ginawa namin lahat ng aming makakaya. Tila isang mirakulo na nabuhay siya,” tugon ng doktor. “Stable naman na ang kalagayan niya ngayon. Maari ka nang makahinga ng maluwag,” aniya. “Ikaw ba si Sheila?” tanong muli ng doktor. “Habang nagsasagawa kasi kami ng operasyon sa walang tigil niyang binabanggit ang iyong pangalan. Tila sa iyo siya kumuha ng lakas ng loob upang lumaban. Kitang kita namin ang lubusang pagmamahal niya sa’yo sapagkat ayaw ka niyang iwan,” pagtatapos ng doktor.
Naluha naman si Sheila sa kaniyang narinig sapagkat kahit na nasa bingit na ng kamatayan ang kasintahan ay siya pa rin pala ang inaalala nito.
Makalipas ang dalawang araw ay nagising na rin ang binata. Una niyang nasilayan ang mukha ng kaniyang minamahal. Lubusan ang kaligayahan ang naramdaman ng dalawa. Sa wakas ay naipagtapat na rin ni Sheila ang tunay niyang damdamin kay Franz.
“Akala ko ay tuluyan ka nang mawawala sa akin, Franz,” wika ni Sheila.
“Puwede ba ‘yon? Alam mo namang gagawin ko ang lahat makabalik lang sa’yo,” tugon naman ni Franz.
Habang naghihintay si Franz sa kanyang mga magulang na umuwi mula sa ibang bansa upang siya ay sunduin ay ang dalaga ang lubusang nag-alaga sa kaniya. Hindi niya iniwan ang binata hanggang bumuti ang lagay nito.
Sa pagbalik ni Franz sa Amerika ay baon niya ang pagmamahal ni Sheila na handang maghintay sa kanya kahit gaano pa katagal. Kahit na magkalayo at lubusan ang pagka-miss sa isat-isa ay pinanghawakan na lamang nila ang kanilang pag-ibig hanggang sa muli nilang pagkikita.