Simula’t sapol ay hindi na talaga magkasundo si Che at ang kaniyang biyenan. Lagi na lamang siyang pinag-iinitan nito. Kesyo hindi nga daw siya asawa ng anak nitong si Garry, dahil hindi pa naman sila kasal. Ipagpasalamat daw niya dahil may anak sila, iyon lang ang nagdudugtong sa kanilang dalawa ni Garry.
Naiinis man ay pinipigilan niya ang kaniyang sarili. Lalaki ang anak nito kaya obligasyon dapat nito ang ipakasal sila. Hindi iyong sasabihin pa sa kaniya ng kaniyang biyenan na hilaw na asawa lamang siya, dahil kasal lamang sila ng anak nito sa banig.
“Garry, iyang nanay mo ah? Pagsabihan mo naman, masyado niyang minamaliit ang pagkatao ko. Dapat nga mahiya siya dahil hindi mo ako pinakasalan, bagkus inanakan mo lang ako. Kung tutuusin obligasyon niyang gastosan ang kasal natin dahil lalaki ka. Tapos makakarinig pa ako ng kung ano-ano sa nanay mo,” reklamo niya sa asawa.
“Hayaan mo na lang si mama, Che. Alam mo naman na mainitin na ulo niyan kasi may edad na. Huwag mo na lang patulan,” kalmadong wika ni Garry.
Ganun lang lagi ang sagot nito kapag nagrereklamo siya tungkol sa ina nito. Kailan niya kaya makakasundo ang kaniyang biyenang hilaw? Minsan napapagod na rin siya sa bawat parinig at dabog nito kapag nand’yan siya. Kapag hindi ito nakuntento sa pagpaparinig, dinadabugan siya nito na para bang sinasabing lumayas na siya sa pamamahay nito.
Isang araw habang pagod na pagod si Che galing sa trabaho. Nasa labas pa lang siya ng bahay ay rinig na rinig na niya ang iyak ng kaniyang anak na si Cyrell, kaya ngalingali siyang tumakbo upang makita kung ano ang ginawa ng kaniyang biyenan sa anak. Pinapalo pala nito si Cyrell kaya iyak ng iyak ang bata.
“Ma! Ano ba ‘yan?” patakbo niya itong nilapitan upang pigilan ang muling paglapat ng pamalo nito sa kaniyang apat na taong gulang na anak. “Ano po ba ang kasalanan ni Cyrell, bakit kailangang paluin niyo siya ng ganun?” tanong niya rito habang karga-karga ang anak na umiiyak.
“Kulang sa disiplina ang anak mo, Che! Kaya dinidisiplina ko lang. Sabagay ikaw nga na ina walang disiplina sa sarili, ang anak mo pa kaya?” nang-iinsultong wika ni Lolita.
Biglang nag-init ang kaniyang tainga sa narinig. “Sabagay ang galing niyo ngang dumisiplina kaya hanggang ngayon ang anak niyong si Garry napaka-mama’s boy pa rin. Kaya kahit may asawa na siya nandito pa rin kami nakatira sa poder niyo dahil ayaw niyang mahiwalay sa palda mo!
Kung ganiyan ka naman mag-disiplina ma na halos p*tayin mo na ang anak ko. Huwag niyo na lang pong disiplinahin ang anak ko, tutal hindi niyo naman siya anak. Anak ko si Cyrell, mas dapat niyo po yatang disiplinahin ang anak niyong si Garry,” nanggigigil niyang sagot sa beyanan.
Mariing itinuro ng kaniyang mama ang huwag sasagot sa biyenan, dahil mas malakas daw ang karmang hatid nila. Pero punong-puno na siya at parang sasabog na ang dibdib niya sa galit kapag hindi pa niya inilabas ang galit sa dibdib.
“Lumayas ka sa pamamahay ko Che! Wala kang kwentang babae! Buhay señorita ka lang rito kahit ang paghuhugas ng pinggan at pagpunas sa mesa ay hindi mo magawa. Hindi ko alam kung ano ang nakita ng anak ko sa’yo!” galit na sigaw sa kaniya ni Lolita.
“Talagang aalis na ako! Hindi niyo na ako kailangang palayasin dahil kusa na akong aalis sa poder mo! Hindi ko na kailangang ipaliwanag kung bakit hindi ako nakakapaghugas ng pinggan. Malamang nagtatrabaho ako para sa’min ng anak at asawa ko. Dahil kulang pa ang kinikita ni Garry para sa inyo!” galit na rin niyang sagot.
“Hindi mo asawa ang anak ko!” balik sigaw nito.
“Eh di hindi! Sa’yo na ang anak mo. Binabalik ko na sa’yo!” sigaw niya at saka nilampasan ang nanggagalaiting biyenan.
Walang pagdadalawang isip na agad niyang inempake ang mga gamit. Pursigido na siyang umalis at sa pagkakataong ito ay hindi na siya magpapabilog pa kay Garry. Babalik siya sa pamilya niya dahil alam niyang hindi niya kakayanin kapag siya lang mag-isa.
Kinagabihan ay sinundan naman siya ni Garry.
“Umuwi na tayo Che,” pakiusap nito na mariin niyang tinanggihan.
“Ayoko nang tumira sa bahay ng mama mo Garry, kung gusto mo doon. Maghiwalay na lang tayo, suportahan mo na lang pinansiyal ang anak mo. Sobra na kasi ang mama mo. Hindi ko na kaya ang ugali niya, hindi kami magkasundo ni mama mo. Kahit anong gawin ko, galit na galit siya sa’kin kahit wala naman akong ginagawa,” humihikbing wika ni Che. Masakit rin sa kaniya ang makipaghiwalay kay Garry dahil mahal na mahal niya ito. Pero ayaw na niyang makisama pa sa pamilya nito, lalong-lalo na sa mama nitong hindi niya mawari kung matapobre o ayaw lang talaga sa kaniya.
“Ano bang gusto mong gawin ko?” tanong ni Garry.
“Bumukod tayo. Kung ayaw mo talaga kaming mawala ng anak mo. Bumukod tayo. Iyong tayo lang, wala ang pamilya mo at wala rin ang pamilya ko. Ang hirap makisama Garry, kailanman hindi ako naging komportable sa bahay niyo. Kaya gusto kong bumukod tayo, ‘di ba ganun naman ang pamilya? Kailangan nating humiwalay sa kanila Garry at tumayo sa sarili nating mga paa at pagsisikap,” pinal na desisyon ni Che.
Hinalikan ni Garry ang kamay niya tsaka tumango. “Dapat noon ko pa ginawa ‘to. Noong unang sumbong mo pa lang sa ginagawa ni mama sa’yo. Patawarin mo ako kung naging duwag akong bumukod. Pangako, bukas na bukas maghahanap ako ng bahay para sa’ting tatlo ni Cyrell,” nangangakong wika ni Garry.
Kinabukasan nga ay naghanap ito ng pansamantalang mauupahan nilang tatlo. Nag file ito ng housing loan upang may sarili na silang bahay at hindi na nila kailangang mangupahan pa. Mula noon ay naging tahimik na ang buhay ni Che. Wala ng nagdadabog at nagagalit sa kaniya. Kumportable na rin siyang gumalaw sa sarili nilang tahanan. Mas masarap sa pakiramdam iyong walang nagbabantay sa bawat galaw mo dahil mas payapa ang iyong kalooban.
Nagpaplano na rin silang magpakasal at hindi naman siya naging bastos sa mama ni Garry, bilang paggalang dahil ina ito ng taong kaniyang mahal ay kinakausap niya ang biyenan. Hindi niya kailangang magtanim ng galit dito. Iniisip na lang ni Che na magulang niya na rin ang babae dahil ina ito ni Garry.
Makakamit mo ang tunay na kapayapaan kapag wala kang anumang galit sa iyong puso.