Hindi Sinasadyang Magawan ng Kasalanan ng Binata ang Batang Lalaki; Anong Pambawi Kaya ang Hihingin Nito sa Kaniya?

Hindi Sinasadyang Magawan ng Kasalanan ng Binata ang Batang Lalaki; Anong Pambawi Kaya ang Hihingin Nito sa Kaniya?

InspiringKarmaStories

Naiinis sa sarili na naglalakad pauwi si Christian. Naiinis siya sa kaniyang trabaho, sa kaniyang mga kasama na wala nang ibang ginawa kung ‘di ang bantayan siya at sitahin ang mga ginagawa niya. Kung may malilipatan lamang siya’y gusto na niyang umalis sa pinagtatrabahuan.

Nakita niya ang nakabuyangyang at walang laman na lata sa kalye, upang maibsan man lang kahit kaunti ang inis na naramdaman ay malakas niya itong sinipa at sa hindi sinasadya’y may tinamaang bata dahil sa kaniyang ginawa.

Malakas itong napa-aray at napaluhod sa sahig dahil sa malakas na pagtama sa katawan nito ng lata.

“Hala! Pasensya ka na, otoy!” natataranta niyang wika.

Sinuri niya kung saan ito tinamaan at nakita niyang sa may tuhod tumama ang latang kanyang sinipa. Binuhat niya ito at pinaupo sa may bakanteng upuan upang tingnan kungbanong kailangan niyang gawin upang mawala ang sakit na nararamdaman nito.

“Sorry, sorry talaga. Gagamutin na lang ni kuya, ang masakit,” mangiyak-ngiyak niyang wika nang makita ang pamamasa ng tumamang lata sa balat nito.

Hindi umimik ang batang lalaki, nanatili lamang itong nakatitig sa mukha niyang kulang na lang ay umiyak.

Habang ginagamot ni Christian ang batang lalaking nagawan niya ng masama ay bigla na lamang nitong hinawakan ang kaniyang mukha at dahan-dahang ngumiti. Nagulat naman si Christian sa tinuran nito. Sa ganitong sitwasyon ay wala siya sa wisyo na ngumiti. Kotang-kota na siya sa kamalasan ngayong araw, tapos nakagawa pa siya ng kasalanan sa inosenteng batang ito.

“Okay na po ako, kuya,” nakangiting wika nito. “Nawala na po ang sakit, ‘di kagaya kanina,” anito, saka tumayo ng tuwid upang patunayang wala na nga ang sakit.

“Totoo ba? Hindi na talaga masakit?” aniya. Naniniguro kung totoo ba ang sinasabi ng batang lalaki.

“Opo,” maiksing sagot nito. “Dahil nagawan mo ako ng kasalanan, kuya, dapat lang na bumawi ka sa’kin, ilibre mo ako ng isang burger,” anito.

Nanlaki ang mata ni Christian sa sanabi ng batang lalaki. Daig pa niya ang nabudol sa batang ito. Pero ano nga ba ang magagawa niya, nagawan niya ito ng kasalanan, kaysa umiyak ito at lumala pa ang konsensyang naramdaman niya’y inaya na lamang niya itong kumain sa pinakamalapit na kainang madadaanan nila.

Nalaman niyang pareho lang pala ang uuwian nila, magkaiba lang daang papunta sa bahay nila, kaya napagkasunduan nilang dalawa na sabay na lamang na umuwi, ihahatid na lamang niya ito para siguradong ligtas ito. Nalaman niya ring ito si Jessie, siyam na taong gulang. Kalalabas lang nito sa eskwela, naglalakad pauwi nang matamaan niya ito ng lata.

Nang nasa loob na ng kainan ay hinayaan niya itong pumili ng gusto nitong pagkain. Pambawi sa nagawa’y nararapat lamang na pakainin niya ito ng masarap. Maganang kumain si Jessie, kaya nahawa siya rito. Nang matapos kumain ay may iniabot itong lollipop sa kaniya, muli’y nagpaangat ng kaniyang kilay.

“Bigay ko na ‘to sa’yo, Kuya Christian,” anito sabay abot sa kaniya ng lollipop. “Binili ko ‘yan kanina sa labas ng school namin, sabi kasi ng bunso ko kapatid, bilhan ko raw siya ng candy pagkauwi ko galing school. Dalawa naman ang binili ko para sa kaniya, kaya sa’yo na lang itong isa.”

“Naku! Huwag na, Jessie, ibigay mo na lang ‘yan sa kapatid mo, mas kailangan niya iyan,” aniya.

Muling sumilay ang matamis na ngiti sa inosenteng mukha ni Jessie saka ipinilit ang isang pirasong lollipop sa kanya. Kaya wala siyang magawa kung ‘di tanggapin ito.

“Sa tingin ko’y mas kailangan mo iyan, kuya,” anito. “Sabi sa’kin ni Jane, kapag daw may nakita akong taong hindi maganda ang mood, o mukhang galit sa mundo, bigyan ko raw sila ng candy para kahit papaano maibsan ang galit nila, dahil sa tamis ng candy. At sa palagay ko, Kuya Christian, kaninang sinipa mo ang walang laman na lata ay galit ka sa mundo, kaya mas kailangan mo iyan,” paliwanag nito.

“Sino si Jane?” taka niyang tanong.

“‘Yong bunso kong kapatid na nagpapabili ng lollipop na iyan,” sagot naman nito.

Wala sa loob na napangiti si Christian sa nalaman. Si Jessie ay siyam na taong gulang pa lamang, kaya malamang mas bata sa kaniya ang Jane na tinutukoy nito at sa naririnig niyang sinasabi nito’y pakiramdam niya’y marami pa pala siyang hindi alam sa mundo.

“Salamat at pasensya ka na kanina, Jessie, ah. Hindi ko talaga sinasadyang matamaan ka ng sinipa kong lata kanina, pero salamat sa lollipop na ito,” nakangiti na niyang wika.

Totoong ngiti na. Habang nakakausap niya si Jessie, dahan-dahang nawawala ang inis na naramdaman niya kanina sa mundo.

“Walang anuman, bili ka na lang ng maraming candies para sa susunod na bad trip ka, may mangunguya ka. ‘Di hamak na mas marami kang pera kaysa sa’kin,” anito.

Natawa naman siya nang malakas sa sinabi ni Jessie. Pinagtagpo nga siguro sila ng panahon upang kahit papaano’y gumaan ang bigat na naramdaman niya.

“Sige, bibilhan din kita ng maraming candy para hindi mo na kailangang bawasan ang baon mo sa pinapabili ni Jane,” aniya.

Malapad naman itong ngumiti saka umapir sa kaniya. “Ayos ‘yon, kuya!” anito.

Hindi kailanman naisip ni Christian na pwede pala siyang magkaroon ng matalik na kaibigang sobrang bata sa edad niya. Hindi lang iyon ang naging huli nilang pagkikita. Dahil mula noong araw na iyon, araw-araw niyang inaabangan si Jessie tuwing uwian upang sabay na silang umuwi. Masaya kasi itong kausap at nawawala ang problema niya sa opisina kapag nakakasama’t nakakausap ang batang lalaki.

More Stories