Nachismis na ‘Nagbebenta ng Laman’ ang Sikat na Estudyanteng Ito na Isang Varsity Player sa Campus Nila; Malinis Kaya Niya ang Kaniyang Pangalan?

Nachismis na ‘Nagbebenta ng Laman’ ang Sikat na Estudyanteng Ito na Isang Varsity Player sa Campus Nila; Malinis Kaya Niya ang Kaniyang Pangalan?

FunMysteryStoriesSuccess

Nagsimula ang lahat sa isang biro, na kumalat nang kumalat bilang isang chismis, na nagdulot ng kapahamakan sa isang tao.

Maituturing na ‘crush ng bayan’ sa kanilang campus si Paul dahil bukod sa matalino na ito, guwapo, varsity player pa ito.

Kailangang-kailangan ni Paul ang pagiging kasapi ng varsity dahil sa scholarship na natatamo niya mula rito. Ang kaniyang inang si Aling Filomena ay nagtitinda ng mga damit na RTW habang ang kaniyang ama naman na si Mang Simon ay karpintero. Mahirap lamang ang buhay nila. Pito silang magkakapatid at pang-apat sa panganay si Paul.

Nabuo na sa isipan ni Paul na kailangan niyang tulungan ang kaniyang mga magulang sa pagtataguyod ng iba pa niyang mga nakababatang kapatid, dahil ang panganay at sumunod dito ay nangasipag-asawa na; ang pangatlo naman ay nakadisgrasya ng babae subalit ayaw pa ring lumagay sa tahimik.

Nagkasundo umano sila ng kaniyang nobya na huwag munang pakasal, basta’t susustentuhan ng kaniyang kapatid ang kanilang anak, bagay na normal at tama naman.

Si Paul ngayon ang aasahan ng kaniyang pamilya. Kaya naisipan niyang magnegosyo sa pamamagitan ng kaniyang munting ipon, upang mas lumago pa ito.

Tuwing hapon, nabawasan ang inilalaang pagsasanay ni Paul sa varsity. Nang minsang usisain siya ni Brando, isa sa mga kasamahan niya sa varsity na para bang may inggit sa kaniya, pabiro niyang sinabi na may sideline siya tuwing hapon hanggang gabi kaya kailangan niyang umuwi nang maaga.

“Anong sideline ‘yan?”

“Nagbebenta ako eh…”

“Anong ibinebenta mo?”

“Laman. Nagbebenta ako ng laman.”

Hindi naman akalain ni Paul na ang simpleng biro na binitiwan niya ay kakalat sa buong campus.

Kaya naman takang-taka siya kung bakit kahit saang sulok ng campus siya magpunta, tinitingnan siya ng mga kapwa niya estudyante; pakiramdam niya, siya ang pinag-uusapan sa bawat umpukan.

“Hoy Pare, talk of the town ka,” sabi sa kaniya ni Edgar, ang matalik niyang kaibigan.

“Nagtataka nga ako. Ilang araw na akong parang pinagtitinginan ng mga tao rito. Anong meron? May alam ka ba?” untag niya sa kaibigan.

“Dahil ikaw si Paul Mangalindan na star player ng men’s volleyball, oo. Para kang artista rito eh kaya kailangan, ingat-ingat ka rin at huwag padalos-dalos sa mga binibitiwan mong salita,” sabi ni Edgar.

Lalong naguluhan si Paul.

“Ha? Anong pinagsasasabi mo diyan?”

“Eh kasi… kumakalat sa buong campus na ikaw raw ay bayarang lalaki. Nagbebenta ka raw ng laman. Marami raw ang nakarinig sa sinabi mo.”

Pilit inalala ni Paul kung kailan at saan niya sinabing nagbebenta siya ng laman. Saka niya naalala na sinabi niya iyon kay Brando, ang inggiterong kasama niya sa varsity!

“Hayop talaga itong Brando na ito eh mapaggawa ng kuwento. Oo sinabi ko nga, nagbebenta ako ng laman. Tama naman ako sa sinabi ko.”

“So ibig sabihin p’re, call boy ka?”

Tawang-tawa si Paul sa ‘kaengotan’ ng kaniyang kaibigan. Hagalpak ang tawa niya.

“Sira! Laman, as in barbecue, isaw, at iba pang mga inihaw na laman at lamang-loob ng baboy at manok!”

At sinabi ni Paul na nakabili siya ng isang magandang puwesto malapit sa palengke. Tuwing gabi, malakas ang kitaan dahil mahilig naman talaga sa ihaw-ihaw ang mga tao, lalo na ang mga galing sa paaralan at trabaho.

Nakarating na umano sa pamunuan ng paaralan ang tungkol sa isyu ng pagbebenta niya ng laman, kaya nakatanggap siya ng liham mula sa Prefect of Discipline, na iniimbitahan siya para sa isang conference. Napangiti na lamang si Paul.

Sa araw ng conference, sarap na sarap ang Prefect of Discipline sa ibinebentang ‘laman’ ni Paul: paborito pala nito ang isaw ng baboy na may masarap na sawsawang suka na maraming siling maanghang.

Kaya naman isang araw, nilapitan ni Paul si Brando. Alam niyang ito ang nagpakalat ng kuwento tungkol sa kaniya. Subalit sa halip na suntukin o gawan ito nang masama, naisip niyang huwag na lamang patulan at baka matanggal pa siya sa varsity at mawala sa kaniya ang scholarship.

“Brando, halika. Hindi ba’t tinanong mo ako kung nagbebenta ba ako ng laman?” nakangising tanong ni Paul.

Hindi makatingin nang diretso sa kaniya si Brando.

“Heto, pinagdalhan kita ng mga paninda kong laman: barbecue, isaw ng manok, at isaw ng baboy. Masarap ‘yan! Daan ka sa puwesto ko minsan ‘tol kapag ‘di ka masyadong abala sa pagpapakalat ng maling chismis laban sa kapwa mo,” nakangiting sabi ni Paul.

Pahiyang-pahiya si Brando. Simula noon ay tumigil na ito sa paggawa ng mga chismis at paninira sa kaniya at sa iba pa nitong kinaiinggitan.

Kung gaano kabilis kumalat ang isyu tungkol sa pagbebenta niya umano ng laman, ganoon din kabilis nakarating sa lahat na may isawan na pala siya. Sa katunayan, karamihan sa mga nagpunta sa kaniyang puwesto ay mga kaeskwela niya.

Tuwang-tuwa si Paul na sa halip na sirain siya ng isyu o chismis, nagamit pa niya ito sa promosyon ng kaniyang negosyo.

More Stories