Inday TrendingInday Trending
Nilapitan ng Dalaga ang Batang sa Gilid ng Kalye Nag-Aaral; Pinaupo Pala Ito ng Ina Roon at Pinaghintay

Nilapitan ng Dalaga ang Batang sa Gilid ng Kalye Nag-Aaral; Pinaupo Pala Ito ng Ina Roon at Pinaghintay

Galing si Andrea sa paggo-grocery nang makita ang batang lalaking nakaupo sa may gutter sa gilid ng daan sa parking area ng mall at gumagawa ng mga asignatura nito. Salubong ang kilay na tiningnan ito at nang hindi makatiis ay nilapitan niya ang batang lalaki upang usisain kung bakit ito roon nag-aaral.

“Boy, bakit diyan ka gumagawa ng asignatura mo? Hindi ka ba nahihirapan d’yan?” usisa ni Andrea.

Sa batang tahimik na nakaupo sa may gutter, nagsusulat at nag-aaral. Nasaan ba ang mga magulang ng batang ito? Bakit hinayaan lamang ng mga itong tumambay ang kawawang bata sa labas ng mall at hindi man lang binigyan ng magandang pwesto upang mas kumportableng makapag-aral?

“Ayos lang naman po ako rito, ate. Hindi naman po ako nahihirapan, basta ang mahalaga’y masagutan ko ang mga ito, para mamaya sa pag-uwi namin ni mama ay magpapahinga na lang ako,” anang bata.

“Nasaan ba ang mama mo, boy?” tanong niya ulit rito.

“Nandoon po sa loob, nagtatrabaho po,” anito, sabay turo sa malaking mall. “Bawal daw po kasi ang bata sa loob kaya pinaupo na lang muna ako ni mama rito,” dugtong pa nito.

Pero bawal ang mga bata ngayon sa labas lalo na’t delikado ang panahon. Ito ang isa sa pinagtatakhan niya’y nagpapaawa sa kalagayan ng batang lalaki.

“Pero bawal ka rin naman rito sa labas dahil ang bata mo pa,” aniya.

Malungkot na ngumiti ang batang lalaki saka nakikiusap na tumingala sa kaniya.

“Ayaw naman po akong iwanan ni mama sa bahay na mag-isa, ate, kaya mas pinili na lamang niyang dalhin ako kahit iwanan na lamang niya ako rito sa may parking. Paminsan-minsan naman po ay pinupuntahan niya ako rito para kumustahin. May upuan naman po ako pero sobrang haba kasi kaya inilagay ko na lang doon, mas kumporatable akong nakaupo rito sa may semento. May dala rin akong mask at alcohol, sabi ni mama, minu-minuto raw akong mag-alcohol sa kamay ko para mas safe, na ginagawa ko naman po,” mahabang paliwanag nito.

Mas lalong nakaramdam ng awa si Andrea sa batang lalaki. Hindi niya alam ang kwento sa likod ng batang ito, pero isa lang ang alam niya – sa batang edad nito’y naiintindihan na nito ang hirap na ginagawa ng kaniyang ina.

“Anong oras daw ang labas ni mama mo sa trabaho niya?” tanong niya.

“Seven pa raw po,” sagot nito.

Alas singko pa lang ng hapon. Kung sa ganoon ay may dalawang oras pang maghihintay ang batang lalaki sa ina dito sa may parking area. Sa awa ay inaya niya ang batang lalaki sa kaniyang sasakyan upang doon umupo at ipagpatuloy ang pag-aaral. Nag-atubili pa ito noong una, na labis naman niyang naintindihan at hinangaan. Sa ugali nito’y alam niyang naturuan ito nang tama, dahil sa batang edad nito’y alam nitong hindi maganda ang magtiwala sa kung kani-kanino.

Matapos niya itong kumbinsihin na hindi siya masamang tao ay naisip nitong pumayag sa alok niya at nagpaalam pa ito sa mga kaibigang gwardiya at nagpasama para sakaling hanapin man ng ina ay may makakapagsabi na naroroon lamang ito.

Sa loob ng kaniyang sasakyan ay muling ipinagpatuloy ng batang lalaki ang pag-aaral. Sa maliit na impormasyon ay nalaman niyang mag-isa lamang itong anak ng ina at yumao na ang ama nito, kaya sila na lamang mag-ina ang lumalaban sa buhay. Kaya kahit nasa trabaho ang ina nito’y sumasama-sama ito dahil walang ibang magbabantay sa kaniya at mas hindi naman napapanatag ang ina na mag-isa lamang ang batang lalaki sa bahay at walang nag-aalaga.

Kaya naman kung saan ito iniwan ng kaniyang ina ay doon na rin ginagawa ng batang lalaki ang pag-aaral, upang kahit papaano’y hindi ito naiiwanan sa klase.

Para sa kaniya’y nahihirapan siya sa sitwasyon ng batang lalaki, hindi madaling mag-aral sa tabi ng daan. Pero dahil naiintindihan nito ang mahirap na sitwasyon ng ina ay mas pinipili nitong unawain ang ina at magsakripisyo sa sarili. Ngayon ay mas naiintindihan na rin niya ang ina ng batang lakaki kahit hindi pa man niya ito nakikilala.

Mahirap ang maging magulang at mas mahirap kapag ikaw lang mag-isa ang tumatagayod sa anak mo. Sa kawalang pagpipilian ng ina nito’y kumakapit na lamang ito sa pag-asang walang mangyayaring masama sa anak nito, sa gitna ng mahirap na sitwasyon ngayon. Kaysa iwanan sa bahay na mas delikado para sa bata ay pinili nitong isama ang anak sa trabaho.

“Pangako, sa susunod kapag nakabalik ako rito, bibigyan kita ng maliit na lamesa at upuan, para kahit papaano’y maging kumportable ang pagsagot mo sa mga asignatura mo, kahit nasa tabi ka lang ng daan nakaupo,” nakangiting wika ni Andrea.

Matamis namang ngumiti ang batang lalaki.

“Maraming salamat po, hindi niyo pa man naiibigay sa’kin ang lamesa at upuan. Sana po, ate, ang ibigay niyo ay iyong natitiklop para hindi mahirap dalhin at ilagay sa tabi,” nahihiya pa nitong hiling.

Tumawa si Andrea saka sumang-ayon sa sinabi ng batang lalaki.

Hindi na niya nagawang makilala ang ina ng batang lalaki. Nang matapos kasi nitong sagutan ang lahat ng asignatura ay nagpasalamat ito sa kaniya at nagpaalam na. Pero sinigurado niyang sa muking pagkikita nila’y dala na niya ang ipinangakong lamesa at upuan sa batang masipag mag-aral.

Iba-iba ang kinahaharap nating sitwasyon lalo na ngayong may pandemya. Kaniya-kaniyang paraan na lamang kung paano natin patatakbuhin ang buhay natin at kung paano natin malalagpasan ang bawat araw.

Advertisement