Gulat ang Naramdaman ng Binata nang Makita ang Matandang Tiyuhin sa Tapat ng Kaniyang Bahay; Inabandona Pala Ito ng Sariling Anak

Gulat ang Naramdaman ng Binata nang Makita ang Matandang Tiyuhin sa Tapat ng Kaniyang Bahay; Inabandona Pala Ito ng Sariling Anak

HeartbreakingKarmaStories

Alas diyes na ng gabi nakauwi si Brandon sa kaniyang bahay nang mapansin ang tiyuhing matagal-tagal na rin mula noong huli niya itong nakita. Nakaupo ito sa tapat ng kaniyang pintuang nakasarado at sa kaniyang tantiya’y kanina pa siya nito hinihintay.

“Tiyo, anong ginagawa niyo rito?” takang tanong ni Brandon sa tiyuhin.

“Salamat naman sa Diyos at nandito ka na Brandon,” masaya ngunit nanghihinang sambit nito.

Iyon naman pala’y kaninang umaga pa hindi kumakain ang tiyuhin. Ayon dito ay pinalayas daw ito ng dalawang anak at hindi binigyan ng perang pangkain, singkwenta pesos lang ang inabot ng anak nito, kulang pa sa pamasahe papunta sa kaniya.

Kaya imbes na kumain ay mas pinili na lamang nitong pumunta sa kaniya. Dala ng gutom ay nanghihina na ito habang hinihintay siyang umuwi. Nakaramdam siya ng awa at pasasalamat sa sarili. Mabuti na lamang at hindi siya sumama kanina sa inuman, kung nagkataon pala’y baka nawalan na ng malay sa gutom ang tiyuhin niya. Isipin pa lang ay hindi na niya kinakaya.

Kaya naman labis ang pagtataka niya kung anong klaseng puso mayroon ang mga pinsan niya at nakakayanan ng mga itong pabayaan ang sariling ama.

“Ipinasa ako ni Cynthia sa kuya niyang si Elmo, kasi ang sabi niya’y hindi na raw niya ako kayang alagaan. Nahihirapan na daw siyang alagaan ang tatlo niyang anak, tapos dagdag alagain pa raw ako,” nanginginig sa gutom na paliwanag ni Tiyo Nestor.

Mariing naikuyom ni Brandon ang kamao sa narinig na paliwanag ng tiyuhin.

“Ngayon namang kay Elmo na ako nakatira, ipinasa naman niya ako kay Nancy. Ang dahilan ni Elmo ay hindi niya na ako kayang pakainin,” patuloy nito sa pagpapaliwanag.

Hindi kayang pakainin? Ang babaw naman ng naging dahilan nito! Kaya nitong pakainin ang kung sino-sino nitong babae, minsan pa nga’y binibilhan pa ni Nestor ng mamahaling bag, damit at kung ano-ano pang gamit ang nobya nito at buong yabang na pino-post sa social media, tapos ang sarili nitong ama na nagpalaki at gumawa rito ng tao, hindi nito magawang pakainin! Nakapawalang-kwentang mga anak talaga.

“Si Nancy, naman ay wala ng pagpapasahan sa’kin kaya pinalayas na niya na lang ako’t binigyan ng singkwenta pesos. Ang dahilan naman niya’y hindi niya kayang mag-alaga ng matandang kagaya ko na mahirap intindihin,” mangiyak-ngiyak na wika ni Tiyo Nestor.

“Hindi ko alam kung saan ba ako bandang mahirap intindihin, Brandon,” anito sabay punas ng luha sa mata. “Hindi ko naman sila pinapahirapan, kinakain ko kung ano ang nasa mesa nila, tumutulong ako ng gawaing bahay, iyong kaya na lang ng katawan ko, dahil sa matanda na ako’y hindi ko na kayang gawin ang lahat ng bagay. Gano’n nga siguro talaga ang isang anak, Brandon, kapag matanda na ang mga magulang nila, at wala ng pakinabang, kaya ayaw na nilang tiisin at nahihirapan na silang intindihin.”

Naaawang tiningnan ni Brandon ang tiyuhin. Alam niya ang hirap na ginagawa noon ng tiyuhin sa mga mahal nitong anak. Sa edad na kwarenta mahigit ay pumanaw ang asawa nito kaya mas nagpukos ito sa tatlong anak na ngayon ay balewala na lamang itong itinakwil. Pinagtapos nito sa pag-aaral si Elmo, sa pamamagitan ng kontruksyon, kaya labis ang saya nito noong nakagraduate si Elmo.

Pinag-aral nito noon ng kolehiyo si Cynthia, at pilit iginapang para lamang matupad ang pangarap ng pangalawang anak na babae, ang kaso’y nagpabuntis lamang si Cynthia at binalewala ang sakripisyo ng ama nito.

Si Nancy naman ang bunso, kagaya ni Elmo ay nakapagtapos rin ito sa kolehiyo, ang kaso’y hindi pa nga ito nakakabawi sa ama ay nag-asawa na ito at nagpabuntis, kaya hindi man lang ito nakabawi sa hirap na ginawa ng ama.

Tapos ngayong matanda na’t wala nang kakayanan si Tiyo Nestor, ganoon na lang kadali sa mga ito na itakwil at pabayaan ang matanda.

“Hayaan mo, tiyo, iyang mga ganyang mga anak, may tamang karma rin sa kanila niyan. Mismong tatay nila binabasura nila! Nakikita ng Panginoong Diyos ang ginagawa ng mga anak mo, tiyo, kaya huwag ka nang malungkot,” aniya.

Ang totoo’y kahit siya ang nakakaramdam ng inis sa mga anak nito, pero kaysa piliing magalit at sugurin ang mga walang kwenta nitong anak ay mas pinili na lamang tingnan ni Brandon ang positibong parte. Salamat pa rin at naisip nitong pumunta sa kaniya, at hindi piniling magpalaboy-laboy na lang sa kung saan na mas delikado pa.

“Salamat, Brandon, maraming salamat,” mangiyak-ngiyak na wika ni Tiyo Nestor.

Siya bilang isang anak ay hindi niya kayang isipin na gawin ang ginawa ng mga pinsan niya sa mga magulang nila. Hindi man sila palaging nagkakasama ng mga magulang at iba pang mga kapatid ay alam niyang hindi nila magagawang pabayaan na lamang ang mga magulang nilang siyang nag-aruga at nag-alaga sa kanila noong mga musmos pa lang at walang alam sa mundo.

Malaki ang utang na loob at ipinagpapasalamat nila ng labis ang buhay nila sa kanilang mga magulang, kaya hindi nila kailanman maatim na itakwil na lang ang mga ito, dahil sa mga dahilang walang kakwenta-kwenta.

Alam niyang hindi natutulog ang karma para sa mga taong may mga masasamang ugali… at wala siyang ibang hinihiling kung ‘di sana ay dumating ang araw na katukin ng karma ang bahay ng mga anak ni Tiyo Nestor.

Tatlong buwan ding nanatili si Tiyo Nestor sa kaniya bago ito umuwi sa probinsya nila upang makasama ang kaniyang mga magulang, ang kapatid nitong kaniyang papa. Kagaya niya’y labis din na nalungkot ang mga ito sa nangyari kay Tiyo Nestor.

Kung anuman ang reaksyon ng sarili nitong mga anak ay wala na siyang pakialam. Ang tanging mahalaga lamang ngayon, alam niyang nasa ligtas na lugar na ang kaniyang tiyuhin.

More Stories