
Kutob ng mga Anak ay May Nobyong Bago ang Inang Byuda; Hindi Nila Akalain Kung Sino ang Lalaking Kausap Nito
Mababanaad ang lungkot sa mukha ni Petra. Ilang araw pa lang kasi mula nang mailibing ang kaniyang asawang si Nato. Halos apat na dekada rin silang magkasama kaya tiyak na mahirap para sa matanda na tanggapin ang pagkawala nito.
“’Ma, gusto n’yo po bang dito muna ako sa bahay para may kasama kayo?” sambit ng bunsong si Gemma sa ina.
“Ako rin, ‘ma, malaki naman itong bahay. Magbabakasyon muna kami ng pamilya ko rito kung nais mo para maaliw ka kahit paano,” saad naman ng panganay na si Greg.
“H-hindi na, mga anak. Nauunawaan ko na may kaniya-kaniya na kayong buhay. Huwag n’yo na akong alalahanin at ayos lang ako rito. Hindi lang tulad ng dati talaga na narito ang papa n’yo. Pero tanggap ko naman na doon na rin ang tungo niya. Namimiss ko lang siya siguro,” naluluhang saad ni Petra.
Dahil alam ng magkapatid na matagal pa bago bumalik ang dating sigla ng ina ay nagpasya silang madalas na lang itong dalawin. Tuwing Sabado at Linggo ay naroon ang buong pamilya sa bahay ng mga magulang upang samahan ang kanilang ina.
Isang araw ay napansin ng magkapatid na tila may kakaiba sa mga kinikilos ng kanilang ina. Madalas itong may katawagan at ka-text. Kapag nakikita ng ina ang sinuman sa mga anak ay itinatago nito ang kaniyang selpon.
Kaya nang hindi na makatiis si Gemma ay kinausap na niya ang kaniyang ina.
“’Ma, napapansin ko ay panay may kausap kayo sa selpon. Akala ko noong una ay mga kasama n’yo lang sa simbahan. Pero parang narinig ko na lalaki ang kausap n’yo, tama po ba ako? Sino po ba ‘yan? ‘Yung pari po ba ‘yan sa parokya natin?” tanong ni Gemma sa ina.
“A, oo! Minsan ay tinatawagan ako ni Father Ramil para kumustahin. Siguro ay nag-aalala rin siya sa kalagayan ko. Minsan naman ay ka-text ko ang mga kumare ko. Nakakaaliw rin pa lang magtext,” nauutal namang sambit ng ina.
Kahit na may ibang napapansin si Gemma ay hinayaan na lang niya ang ina. Sa palagay kasi niya ay naglilibang lang naman ito.
Hanggang isang araw ay hindi sinasadyang marinig ni Greg ang pakikipag-usap ng ina sa telepono.
“Hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga anak ko ang tungkol sa iyo. Hindi ko kasi alam kung matatanggap nila. Lalo pa at nagdadalamhati pa sila mula sa pagkawala ng papa nila. Gusto kong makipagkita sa iyo para mapag-usapan sana natin ang lahat,” wika ni Petra sa kausap sa kaniyang selpon.
“O siya, hihintayin na lang kita sa makalawa. Itetext ko na lang sa iyo kung saang restawran. Malayo rito para walang makakita sa atin,” dagdag pa ng matanda.
Dito na kinutuban si Greg. Malakas ang hinala niya na may iba nang napupusuan ang kaniyang ina. Agad niya itong ikinunsulta kay Gemma.
“Kailangan na malaman natin kung saan sila magkikita. Baka mamaya ay kung sino lang ang katagpong iyon ni mama. Baka mamaya ay lokohin lang siya,” saad pa Greg.
“Sige, kuya, gagawa ako ng paraan para makita ko sa selpon ni mama kung saan sila magtatagpo at saka natin puntahan!” sambit naman ni Gemma.
“Gawin mo na agad, Gemma, dahil sa makalawa na sila magkikita! Nag-aalala ako na baka pina-ibig lang si mama dahil alam na malaki ang iniwan sa kaniya ni papa. Baka gamitin lang siya dahil nga malungkot ngayon si mama at naghahanap ng kalinga ni papa,” pag-aalala muli ng panganay.
Ginawa ni Gemma ang lahat para lang makuha ang lokasyon ng restawran na pagkikitaan ng ina at ng kausap nito.
Nang dumating ang araw ng pagkikita ay nauna na roon sina Greg at Gemma sa restawran upang manmanan ang ina.
Ilang sandali lang ay dumating na si Petra. Makalipas naman ang limang minuto ay mayroong isang binata ang dumating. Sinalubong ito ni Petra at binigyan ng mahigpit na yakap.
“Hindi ako makapaniwala. Sa edad ni mama ay nakuha pa niyang makipagnobyo at parang ka-edad lang natin! Ganiyan na ba siyang kalungkot at agad niyang napalitan si papa sa puso n’ya?” galit na sambit ni Greg.
Nais na si Greg na sugurin ang dalawa ngunit pinigilan siya ni Gemma.
“Sandali lang, kuya, hintayin muna natin kung ano ang gagawin nila saka tayo kumilos. Kumalma ka lang diyan!” saad pa ng bunso.
Kumain muna si Petra at ang kinatagpo niyang lalaki. Maya-maya habang pauwi ay pilit na inaabutan ni Petra ng pera ang binata. Doon na nag-init ang ulo lalo ng magkapatid. Kaya kinompronta na nila ang ina.
“‘Ma, ito ba ang tinatago mo sa amin? Hindi pa man nakaka isang buwan ang pagkawala ni papa ay pinalitan mo na siya! At parang anak mo na! Hindi ho ba kayo nahihiya niyan!” bulyaw ni Greg sa ina.
“Sandali lang, mga anak. Hayaan n’yo muna akong magpaliwanag. Tara sa bahay at doon ko ipapaliwanag sa inyo!” pakiusap ng ina.
“Ano ang ipapaliwanag n’yo sa amin, ‘ma? Kitang kita namin na binibigyan mo siya ng pera at malambing ang pakikitungo mo sa kaniya. E, parang anak mo na ‘yan, e! Ano, ‘ma? Pipilitin mo kaming matanggap ang oportunista na ‘yan dahil mahal mo? Dahil nag-iisa na kayo sa buhay? Kaya nga kami narito para sa inyo, ‘ma! Para hindi n’yo maramdaman ang pagkawala ni papa! Pero parang iba pala ang gusto n’yo, e!” sigaw naman ni Gemma. “Sandali nga lang! Ano ba ang ibig n’yong sabihin? Na kasintahan ko itong si George? Mga anak, nagkakamali kayo! Hindi ko siya kasintahan!” depensa naman ng ina.
“E, ano n’yo ang lalaking ‘yan, ‘ma? Bakit narinig ko sa inyo kagabi nang kausap n’yo siya na baka mahirapan kaming tanggapin siya?” tanong muli ni Greg.
“Mga anak, matagal ko nang sinasabi ito sa inyo, pero may tinatago kami ng papa n’yo sa inyo matagal nang panahon. Ito si George, anak ng papa n’yo sa ibang babae. Kapatid n’yo siya, mga anak. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa inyo ang lahat dahil alam kong hindi niyo kayang tanggapin. Ayaw ko namang sumama ang tingin n’yo sa papa niyo lalo ngayong wala na siya. Pero panahon na, mga anak,” pahayag pa ni Petra.
Ikinagulat nina Greg ang Gemma ang nalamang katotohanan.
“Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Pero kung tunay ka nga naming kapatid ay wala kaming magagawa kung hindi tanggapin ka. Pasensiya na kung napagkamalan ka naming kasintahan ni mama,” sambit ni Gemma sa kapatid sa labas.
Nahihiya ang magkapatid sa kanilang inasal tungkol sa kanilang ina. Hindi naman nila kasi akalain na may kapatid pa pala sila.
“‘Ma, pasensiya na po sa mga nasabi namin, a! Mali po kami roon kaya pasensiya na po talaga! Gusto ko lang pong sabihin na iba pala talaga ang pagmamahal n’yo kay papa kasi kahit na niloko ka niya at nagkaroon pa ng anak sa iba ay pinatawad n’yo pa rin. Heto nga at kayo pa ang gumagawa ng paraan para matanggap namin si George,” sambit muli ni Gemma.
“Walang ibang lalaki sa puso ko kung hindi ang papa n’yo. Kahit na nagkamali siya noon ay inihingi niya na ito sa akin ng tawad. Saka walang kasalanan si George sa mga nangyari. Pasensiya na rin kayo mga anak kung ngayon lang ako nagkalakas ng loob na sabihin sa inyo ang lahat ng ito,” wika naman ni Petra.
Mabilis na natanggap nina Greg at Gemma ang kapatid na si George. Dahil dito ay mas gumaan na rin ang kalooban ni Petra dahil sa wakas ay wala na siyang tinatago sa kaniyang mga anak.