Hindi Naniniwala sa Diyos ang Binata; Isang Milagro ang Makapagpapabalik sa Kaniyang Pananampalataya

“Tita Stella, kanina pa po ako rito sa bahay. Gutom na gutom na ako at pagod na pagod galing trabaho. Wala pa po pala kayong nailuluto para sa hapunan! Saan na naman po ba kayo nanggaling?” naiinis na sambit ni Joshua sa kaniyang tiyahin.

“Pasensiya ka na, Joshua, galing kasi ako sa simbahan. Medyo napatagal kasi ang pagsasalita ng pari kaya ginabi na ako. Bumili na lang ako ng lutong ulam sa karinderya. Sandali lang at ihahain ko,” sagot namang ng ginang.

“Simbahan na naman! Ano ba kasi ang napapala n’yo sa kakasimba? Tingnan niyo at inuubos lang niyan ang oras n’yo! Sinabi ko naman sa inyo na ayaw ko ng lutong ulam. Bukod sa hindi ko alam kung ano ang nilagay riyan ay hindi tayo nakakatipid. Ang hirap-hirap kumita ng pera. Palibhasa hindi kayo ang nagtatrabaho!” sambit pa muli ng pamangkin. 

Hindi na umimik si Stella. Talagang masakit kasing magsalita ang kaniyang pamangking si Joshua. Isa pa, hindi niya ito masaway dahil nga ito ang bumubuhay sa kanila. 

Nakakaluwag sa buhay ang pamilya ni Joshua. Ngunit naaksidente ang kaniyang ama at ang ina naman niya ay nagkaroon ng malubhang karamdaman. Mula noon ay naiwan na siya sa kaniyang Tita Stella na naging tagapamahala ng lahat ng iniwan pamana ng mga magulang kay Joshua hanggang sa makatungtong ito sa tamang edad. 

Mula noon ay magkasama na iisang bubong sina Joshua, Stella, at ang anak nitong si John. Lahat ng gastusin ay si Joshua ang sumasagot pati na rin ang pag-aaral ng pinsang si John. 

“Sa susunod, tiya. Bago kayo umalis o bago kayo pumunta diyan sa simbahan na ‘yan ay siguraduhin n’yo munang ayos dito sa bahay. Naglilingkod kayo sa simbahan pero kinakalimutan n’yo naman ang nagpapakain sa inyo!” galit pang sambit ng binata.

Dito na umalma si Stella. Hindi niya gusto ang tono ng pananalita ng pamangkin.

Advertisement

“Joshua, alam ko na mali ako dahil hindi ako nakapagluto ng kakainin natin. Kaya bumili na lang ako. Pero huwag mo namang pagsalitaan ng masama ang simbahan. Naglilingkod ako sa Panginoon dahil sa pagnanais kong lalo niyang protektahan ang pamilya natin. Lalo na ikaw. Hindi mo ba naiisip kung bakit hindi tayo nagkukulang sa bahay na ito. Walang nagkakasakit sa atin at maayos kayo palagi ni John. Hindi kayo napapahamak. Iyan ay dahil sa pananalig natin sa Panginoon,” saad muli ng ginang.

“Tita, hindi tayo nagkukulang dahil halos sumuka na ako sa tindi ng pagtatrabaho ko para sa atin. Kaya mabilis ang pagtaas ng posisyon ko ay dahil pinaghirapan ko. Kung p’wede pala ‘yang sinasabi n’yo ay hingin mo na lang d’yan sa Diyos mo ang pangmatrikula ng anak mo, huwag mo nang ipapasan sa akin!” sumbat pa ni Joshua.

“Joshua, hindi ko na nagugustuhan ang pagsagot sagot mo sa akin nang ganiyan. Pasensiya ka na kung sa tingin mo ay pabigat kami. Pero huwag kang magsalita ng ganiyan laban sa Panginoon. Magkaroon ka naman ng takot sa Diyos!” pahayag ni Stella. 

“Bakit, tita? Tama naman ang sinasabi ko, hindi ba? Saka kailan ba ako pinakinggan ng Diyos na ‘yan? Noong nanalangin ako sa Kaniya na iligtas ang mga magulang ko, pinagbigyan ba Niya ako? Kaya gaano ka nakakasigurado na Siya nga ang dahilan kung bakit masagana ang buhay natin gayong ako ang nagpapakahirap dito?!” pabalang na sagot naman ng binata. 

“Tanggalin mo na ang poot sa kalooban mo, Joshua. Muli mong kilalanin ang Panginoon. Sumama sa akin sa simbahan. Mas magiging maayos ang buhay mo, anak,” saad pa ng tiyahin.

Matagal nang hindi naniniwala sa Diyos itong si Joshua. Ito naman ang labis na kinakatakot ng kaniyang Tita Stella. Naniniwala kasi ang ginang na matatagpuan lang ni Joshua ang katahimikan sa kaniyang puso kung makikilala niya ang Panginoon. 

Isang araw ay naabutan na naman ni Joshua ang kaniyang tiyahin na pupunta sa simbahan.

“Gusto mo bang sumama sa akin, Joshua? Anibersaryo kasi ng parokya. Matutuwa si Father at mga kasamahan ko sa simbahan kapag nakita ka nila doon,” nakangiting paanyaya ni Stella sa pamangkin. 

Advertisement

“Anong gagawin ko r’on? Hindi naman ako ang nagpatayo ng simbahan. Saka alam n’yo naman ho na hindi ako naniniwala sa Diyos. Kayo na lang at ayaw kong magpauto sa ganiyan!” umismid lamang si Joshua. 

“Alam mo, Joshua, iba kapag may pinaniniwalaan kang Diyos. Mas magkakaroon ng pag-asa at kapayapaan ang puso mo. Kaya kung nais mong sumama sa akin ay sabihin mo lang. O siya, aalis na ako. Nakapagluto na rin ako dahil baka gabihin na naman ako sa pag-uwi,” sambit muli ni Stella.

Nagpatuloy ang prinsipyo nitong si Joshua na hindi naniniwala sa Diyos. Sa tuwing inaaya siya ng kaniyang Tiya Stella na magsimba ay tinatawanan lang niya ito.

Hanggang sa pumutok na nga ang pandemya.

“Joshua, tara at sumama ka sa amin ni John na magrosaryo. Ipanalangin natin sa Diyos na iligtas niya tayo sa sakit at kapahamakan,” paanyaya ng ginang.

“Kayo na lang. Kung pagdarasal lang pala ang sagot sa pandemyang ito ay huwag na sanang gumawa ng bakuna at gamot ang mga eksperto at magdasal na lang tayo!” sagot naman ng binata.

Napapailing si Joshua sa tuwing nakikita niya ang tiya at pinsan na nagdarasal. Ang tingin niya ay malaki itong katatawanan.

Hanggang isang araw ay bigla na lang sumama ang pakiramdam nitong si Joshua. Nagkaroon siya ng ubo, sipon at mataas na lagnat. Labis na ikinatakot ni Stella ang nangyari sa kaniyang pamangkin. Malaki kasi ang tiyansa na nakakuha ito ng bayrus.

Advertisement

Pinainom ni Stella ng gamot ang pamangkin. Habang pinupunasan niya ang pamangkin ay panay ang kaniyang dasal.

“P’wede ba, tita, huwag ka nang magsalita nang magsalita riyan! Kung nagkaroon man ako ng bayrus, e ‘di magkaroon. Sa tingin mo ba ay nakakasawi talaga ito? Pero kung panahon ko na ay panahon ko na! Huwag na kayong magdadasal pa riyan! Wala rin namang magagawa ‘yang pagdarasal n’yo! Matutulog na lang po muna ako. Mamaya ay aayos rin ang pakiramdam ko!” sambit ni Joshua. 

Ngunit ilang oras pa lang ang nakakalipas ay biglang nahirapan si Joshua sa paghinga. Mabuti na lang at nakita siya ng kaniyang tiyahin.

Agad itong tumawag ng ambulansya at saka tuluyang dinala na si Joshua sa ospital. Dahil nga punuan na sa ospital at malaki ang tyansa na baka mahawa pa ang ibang kasama ni Joshua sa bahay ay wala siyang kasama sa ospital.

Habang hindi makahinga itong si Joshua ay bigla na lang niyang naisip ang kaniyang kabataan. Handa na siya sapagkat wala na rin naman ang kaniyang mga magulang. Ngunit bigla niyang naisip ang kaniyang tiyahin na lubos na nagmamahal sa kaniya. Pati na rin ang kaniyang pinsan na umaasa pa rin sa kaniya sa pagkokolehiyo.

“H-hindi pa ako p’wedeng masawi. Marami pang umaasa sa akin! Hindi ko pa sila p’wedeng iwan!” sambit sa isip ni Joshua habang hinahabol ang kaniyang hininga. 

Kusa na lamang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata habang inaalala niya ang pag-aalaga sa kaniya ng tiyahin. Naisip din ng binata ang lungkot at hirap na dadamahin ng kaniyang Tita Stella kung sakaling mawala siya. 

“Kailangan kong lumaban. Hindi lang sa ganito matatapos ang buhay ko. Marami pa rin akong pangarap!” sambit muli ni Joshua sa kaniyang isipan.

Advertisement

Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa itong si Joshua hanggang sa naaninagan niya ang isang krus na nasa silid kung saan siya inaasikaso ng mga manggagamot.

Hindi na naiwasan pa ni Joshua ang umiyak habang tumatawag sa Panginoon.

“Diyos ko, parang awa Mo na. Huwag Mo naman akong biguin sa pagkakataong ito. Hayaan Mong ipagpatuloy ko ang buhay ko para matulungan ko pa ang mga taong umaasa sa akin. Nais ko pa ring maranasan na magkaroon ng asawa at mga anak. Diyos ko! Tulungan Mo po ako!” paulit-ulit na sinasambit ni Joshua habang tumitindi ang paghigpit ng kaniyang paghinga. 

Hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay. Ang tanging nasa isip lamang niya ay ang mga dasal na pilit na itinuturo sa kaniya noon ng kaniyang Tita Stella.

Makalipas ang ilang oras ay muling dumilat itong si Joshua. Sa pagkakataong ito ay mas maluwag na ang kaniyang paghinga at mas mabuti na ang kaniyang pakiramdam.

“Tunay na isang mirakulo ang nangyari, ginoo. Ang akala namin ay tuluyan ka nang mawawala. Pero mabuti na lang at lumaban ka!” saad ng doktor kay Joshua.

Tumingin si Joshua sa krus na nasa kaniyang silid. Biglang umagos ang kaniyang mga luha at saka siya nagpasalamat sa Panginoon.

Nang bumuti ang kaniyang kalagayan ay tinawagan na rin niya ang nag-aalalang tiya.

Advertisement

“Mabuti na po ang kalagayan ko, tita. Kailangan ko na lang daw pong magpahinga at malapit na rin akong lumabas dito sa ospital. Ililipat na po ako sa isang pasilidad at doon na lang po ako magpapagaling. Huwag na po kayong mag-alala sa akin,” saad ni Joshua sa tiyahin.

“Maraming salamat sa Panginoon at dininig niya ang mga dalangin ko, Joshua! Maraming salamat sa Diyos!” patuloy na sambit naman ni Stella.

“Opo, tita, naniniwala na po ako na ang Diyos ang nagpagaling sa akin. Maraming salamat at buhay pa ako. Pinapangako ko na pagkakataong ito ay magbabago na ako. Nais kong maglingkod sa Panginoon upang ipakita ang aking pasasalamat,” sambit muli ng binata.

Pagkagaling ni Joshua ay agad siyang nagtungo sa simbahan upang manalangin at magpasalamat sa pangalawang buhay na ibinigay sa kaniya ng Diyos. 

Mula noon ay kasa-kasama na siya ng kaniyang Tita Stella na naglilingkod sa simbahan. At mula nang bumalik si Joshua sa paniniwala sa Panginoon ay mas naging maayos ang takbo ng kaniyang buhay.

Sa wakas ay natagpuan na rin ni Joshua ang kapayapaan sa puso na matagal na niyang hinahanap.