Naghihinala ang Ginang na May Iba ang Asawang Sundalo; Bandang Huli’y Mapatutunayan ang Katapatan Nito

Naghihinala ang Ginang na May Iba ang Asawang Sundalo; Bandang Huli’y Mapatutunayan ang Katapatan Nito

Stories

Hindi mapakali si Rosa habang nakatingin sa labas ng kanilang bahay. Paroon at parito ang ginang habang nakahawak ang kamay sa dibdib. Natanaw naman siya ng kapitbahay at kumareng si Cherry. 

“Aba, mare, bakit parang hindi ka mapakali riyan? May nangyari ba?” usisa ni Cherry sa ginang. 

“E, may balita kasi sa telebisyon kanina na may malakas na pagsabog daw na nangyari sa Mindanao. Pauwi pa lang si Roger. Ang sabi niya ay ngayon daw ang dating niya. Kinakabahan ako baka sumabak na naman siya at hindi nakauwi. Hindi ko na rin siya matawagan!” natatarantang tugon naman ni Rosa. 

“Huwag ka nang mag-alala diyan, mare. Tiyak naman akong ligtas si Roger. Magaling kaya siyang sundalo. Saka kapag sinabi niyang uuwi siya ay umuuwi naman siya talaga, ‘di ba? Saka ang balita ko ay wala raw kinalaman sa gyera ang nangyaring gyera sa Mindanao. Hindi ba’t ang gobyerno na ang nagsabi na tapos na ang kaguluhan sa Mindanao? Kaya wala ka nang dapat pang ipag-alala!” sambit muli ng kumare. 

“A, basta! Hindi ako mapapanatag hanggang hindi ko nakikita ang asawa ko. Hanggang hindi siya nakakauwi rito. Sana naman ay tumawag man lang siya nang sa gayon ay alam ko ang nangyari!” wika pa ng nagugulumihanang si Rosa. 

“Ang hirap pala talagang mag-asawa ng isang sundalo. Huwag ka nang mag-isip pa ng kahit ano dahil sigurado akong pauwi na siya. O, tingnan mo, mare. Ayan na nga si kumpare! Maligayang pag-uwi, kumpare!” 

Dito lang nawala ang nerbyos ni Rosa. Agad niyang sinalubong ang asawa at saka niya ito niyakap nang mahigpit. 

“Bakit hindi ka man lang sumasagot sa mga tawag ko? Alalang-alala na ako sa iyo!” sambit pa ng ginang. 

“Naubos kasi ang baterya ng selpon ko, mahal. Pasensiya na. Huwag ka nang mag-alala at narito naman na ako. Ano ang niluto mo? Gutom na gutom na ako!” saad naman ni Roger. 

“Halina sa loob at pinagluto kita ng kare-kare. Sa susunod ay lagi mo akong tatawagan o itetext. Nag-aalala kasi ako,” sambit pa ni Rosa. 

Walang mapagsidlan ng kaligayahan si Rosa ngayong kapiling na niya ang kaniyang asawa. 

Isang araw ay nagpaalam si Roger na aalis at may kailangan lang daw siyang ipasang report. Pinayagan naman siya ni Rosa. 

Habang naghihintay sa asawa ay kakwentuhan niya ang kumareng si Cherry. 

“Hanga rin ako sa iyo, mare. Kinakaya mong mag-asawa ng isang sundalo. Kung ako ‘yan siguro ay nabaliw na ako. Akalain mo, hindi mo na nga alam kung uuwi nang buhay e hindi mo pa alam kung nangingibang bahay! Ikaw? Gaano ka nakakasigurado na walang iba ‘yang si Roger mo?” tanong ni Cherry sa kaibigan. 

“Naku, kilala ko ‘yang si Roger. Hindi niya magagawa ang bagay na ‘yan sa akin. Sa katunayan nga ay kinukulit na niyan ako na magkaroon ng anak. Baka ngayon ay subukan na namin,” tugon naman ni Rosa. 

“Naku, huwag kang pakakasiguro sa ganiyan! Kilala mo si Mareng Azon? Hindi ba’t umiiyak pa sa tuwa ang asawa niya noong ikasal sila? Pero ayon, nagkaroon ng kabit! Ang matindi pa doon ay iniwan si Azon at tuluyan nang sumama sa babae!” kwento pa ni Cherry. 

Ramdam naman ni Rosa na mahal siya ni Roger. Ngunit hindi niya maiwasan na isipin ang sinasabi ni Cherry. Lalo pa at madalas niyang hindi makontak ang selpon ng kaniyang asawa. 

Ginabi na ng uwi si Roger. Habang naghahanda ng hapunan si Rosa ay narinig niya na nagring ang selpon ng kaniyang asawa. Lumabas naman Roger pagkakitang may tumatawag sa kaniya. 

Dahil parang may kakaiba kay Roger ay tinanaw ni Rosa ang asawa mula sa bintana. 

Iba ang kutob ni Rosa sa mga panahong iyon. 

“Siguro ay dala lang ito ng pag-uusap namin ni Cherry. Hindi ko dapat pag-isipan ng masama ang asawa ko,” saad ni Rosa sa sarili. 

Ngunit kinabukasan ay patuloy ang pagtawag ni Cherry kay Rosa. May nais kasi itong ibalita sa kumare.

“Mare, nasaan ang asawa mo? Alam mo ba kung saan siya nagpunta?” tanong ng kumare. 

“Nagpaalam sa akin. Pupunta raw sa kampo at magpapasa ng report. Bakit?” pagtataka naman ni Rosa. 

“Mare, sinabi ko na nga ba! Hindi ako nagkakamali na siya nga nga itong nakikita ko! Narito siya sa mall kasama ang isang babae at isang batang lalaki. Narinig ko pa nga siya na tinawag na “papa” ng batang lalaki! Sigurado ka bang walang ginagawang masama ang asawa mo?” pahayag ni Cherry. 

“Nandyan pa ba sila? Maabutan ko pa ba? Mare, huwag mo silang tatantanan at paalis na ako sa bahay! Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko kung totoo nga ‘yang sinasabi mo!” wika naman ni Rosa. 

Nagmamadaling nagtungo si Rosa sa lugar na sinabi sa kaniya ni Cherry. 

Nang makarating ang ginang ay laking gulat niya nang makita ang asawa na kasama ang ibang babae at isang bata. 

“Anong gagawin mo, Rosa? Susugurin mo ba sila?” tanong ni Cherry. 

“Napakasakit ng ginagawang ito sa akin ni Roger, mare. Pinagkatiwalaan ko siya! Hindi ko akalain na kaya niya itong gawin sa akin!” umiiyak na sambit naman ng ginang. 

Dali-daling lumapit si Rosa sa asawa at sa kasama nitong mag-ina. Narinig nga niya na tinawag ng bata si Roger na “papa”. 

“Hanggang kailan mo balak itago sa akin itong pangloloko mo, Roger? Akala mo ba ay hindi ko malalaman? Paano mo itong nagawa sa akin. At may anak na pala kayo! Kailan ka pa nakipagrelasyon sa kaniya?” pinipigil ni Rosa ang mag-iskandalo. 

“Sandali lang, mahal, at magpapaliwanag ako. Pero huwag sa harap ng bata, maaari ba?” tugon naman ni Roger. 

“At nakukuha mo pa akong tawaging mahal? Roger, pinagkatiwalaan kita. Bakit ito ang ginawa mo sa akin? Ang sakit sakit! Ikaw naman, babae ka! Ang landi-landi mo! Sigurado naman akong alam mong may asawa na ‘tong si Roger, kumabit ka pa!” hindi na napigilan pa ni Rosa ang maiyak. 

“Rosa, tumigil ka na at naririnig ka ng bata. Mali ang inaakala mo! Hindi ko ibang babae itong si Wendy. Asawa siya ng kasamahan ko sa trabaho. Nagpapanggap ako na daddy ng kaniyang anak dahil hindi pa nakita ng bata ang kaniyang ama dahil nasawi ito sa gyera. Ito lang ang kaya kong gawin sa kanila bilang ganti sa kapwa ko sundalo at nagligtas ng buhay ko. Pasensiya ka na, Rosa, kung itinago ko ito sa’yo,” paliwanag ni Roger sa asawa. 

“Humihingi rin ako ng pasensiya sa’yo, Rosa. Hindi ko kasi alam ang gagawin ko dahil hinahanap ng bata ang papa niya. Ayaw kong masaktan siya. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na wala na ang ama niya,” naluluhang sambit naman ni Wendy. 

Ngayon ay naliwanagan na si Rosa sa mga pangyayari. Lubos naman ang paghingi ni Roger ng tawad sa kaniyang misis. 

“Malaki ang pagkakamali ko sa iyo, mahal. At nais kong makabawi. Pero nais ko lang malaman mo na hinding hindi ko magagawa na lokohin ka o ipagpalit ka dahil ikaw ang mahal ko ay ikaw lang ang nais kong maging ina ng magiging anak ko. Maraming salamat sa pang-unawa mo!” sambit muli ni Roger. 

Naging madali para kay Rosa na patawarin ang asawa sa kondisyon na hindi na ulit ito maglilihim sa kaniya. Hindi naman na naulit ang pagkikipagkita ni Roger sa mag-ina dahil inamin na ni Wendy sa kaniyang anak ang totoo. 

Dahil sa pangyayaring ito ay mas tumatag ang relasyon ng mag-asawa. Ngayon ay sinusubukan na nila Roger at Rosa na bumuo ng sarili nilang pamilya.

More Stories