Nahulog ang Loob ng Binata sa Kanilang Dalagang Kasambahay; Grabe ang Naging Pagtutol ng Kaniyang Ama

Dalawang taon na simula nang namasukan sa pamilya ng mga Reyes ang kasambahay na si Ariela. Galing ito sa isang pinagkakatiwalaang ahensya na humahasa sa mga kasambahay na nakukuha nila sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Dahil kinakailangan ng mga Reyes ng mapagkakatiwalaang kasambahay ay ang mag-asawang Sandro at Amanda mismo ang pumili sa dalaga.

Simple ngunit napakaganda. Ganiyan ang tingin ng kaisa-isang anak ng mag-asawang si Daniel sa kasambahay nilang si Ariela. Nagtatrabaho na ang binata sa kanilang sariling kompanya na pagmamay-ari ng kaniyang ama, ngunit dahil malapit siya sa kaniyang ina ay pinili niyang huwag munang bumukod. Sa loob-loob niya’y isa pang dahilan ay nais niyang palaging nakakahalubilo ang sinisintang si Ariela.

Nanggaling din sa hirap ang mag-asawang Sandro at Amanda. Katunayan ay dati ring namasukang kasambahay itong si Amanda kaya naman talagang magaan ang loob niya kay Ariela. Madalas niya ito kung tulungan upang mapadali ang mga gawain nito sa kanilang bahay. Naging napakabuti rin naman ng dalaga dahil kailanman ay hindi sila nito binigyan ng anumang sakit sa ulo gaya ng mga dati nilang naging kasambahay na kung hindi nagnakaw, naglalayas, o nagpapabaya ay nagpapapasok naman ng kung sino-sino sa tuwing wala sila sa bahay.

Isang umaga, pagkagising ni Sandro ay naabutan niya si Ariela na nakaupo sa kanilang kusina. Sumikdo ang puso niya dahil ang totoo’y nagising siya mula sa panaginip na ang dalagang iyon ang laman. Talagang hindi na niya mapigilan pa ang itinatagong nararamdaman para rito. Ngayon ay desidido na siyang gawan ng aksyon ang nararamdaman upang simulan nang mapalapit sa dalaga.

“Sir Daniel, good morning po! Gising na po pala kayo. Sandali at ipaghahain ko na po kayo,” wika ni Ariela, maaliwalas ang ngiti sa mga mukha nito. Lalong nabighani si Daniel. Talaga nga namang “good” ang umaga niya kung ganito palagi ang sasalubong sa kaniya.

“Ano ka ba? Sinabi ko naman sa’yo, magkaedad lang tayo kaya ‘wag mo na sana akong tawaging “sir”, at mas lalong ‘wag ka nang mang-opo sa akin. ‘Wag mo na akong alalahanin, hindi pa ako nagugutom,” natatawang sagot niya sa dalaga sabay kuha ng takore para tsaang nais niyang pagsaluhan nilang dalawa.

Muling naupo si Ariela sa hapag at sabay nilang pinagsaluhan ang mainit na tsaa. Para kay Daniel, ito na ang tyansa niya na makausap nang masinsinan upang makilala pa ang sinisinta.

“Ang tagal mo na rito sa amin pero ngayon lang kita nakasabay sa umaga,” panimula ni Daniel habang sinisimsim ang mainit na tsaa.

Advertisement

“Ah… Eh… Maaga kasi ang pasok ni Sir Sandro, bilin niya kasi na kailangan ay nakahanda na ang lahat ng kailangan niya pagpatak ng alas sais ng umaga. Kaya madalas, maaga pa lang ay abala na ako sa pag-aasikaso sa kaniya,” sagot naman ng dalaga na tinanguan lamang ni Daniel.

“Wala ka bang planong magbakasyon? Hindi ba, sa Bohol ang probinsya mo? Gusto ko ring bumisita roon eh. Sabi kasi ng mga kaibigan ko, maganda raw doon. Kung gusto mo, ako na ang magsabi kila Mommy, tapos sabay na tayo sa eroplano papunta roon,” nasasabik namang alok ni Daniel, pakiramdam niya’y magandang plano iyon upang malapit sa dalaga.

Ngunit laking pagtataka niya nang bigla na lamang itong tumayo na para bang natataranta at bigla na lamang nagpaalam na may gagawin pa raw. Napakamot na lamang siya ng ulo sa pagtataka, nang biglang dumating sa eksena ang kaniyang ina.

“Oh, anak, ikaw ha? Narinig ko ang usapan ninyo. May gusto ka ba kay Ariela?” nakangiting tanong ng kaniyang ina, na parang batang nanunukso sa kalaro niya.

“Mommy! Ang lakas ng boses mo, baka marinig ka!” sagot naman ni Daniel.

“Eh… Gusto ko nga po munang sabihin sa inyo ni Daddy bago ko gawin, kaso nabigyan naman ako ng pagkakataong magkausap kami kanina. Pero totoo po ang sinabi niyo. Matagal ko na siyang gusto, at ngayon ay desidido na akong ligawan siya,” dagdag ng binata.

Biglang lumiwanag ang mukha ng kaniyang ina, tila ba tuwang-tuwa sa narinig.

“Hay, salamat! Mabuti naman at nagkaroon ka na rin ng lakas ng loob! Ang tagal ko nang hinihintay na sabihin mo ‘yan. Gustong-gusto ko si Ariela dahil napakabuti niyang bata. Kahit malayo siya sa kaniyang pamilya, hindi niya iyon iniinda, basta ang mahalaga’y makapagpadala siya sa mga magulang niya. Nakikita ko ang sarili ko sa kaniya noong ako ay dalaga pa. Kaya suportado kita riyan, anak. Tutulungan pa kita!” anito, bakas pa rin ang saya sa may edad na ngunit maganda pa ring mukha.

Advertisement

Ngayong nakuha na niya ang pagsang-ayon ng kaniyang ina, kailangan na lamang niyang sabihan ang kaniyang ama. Wala naman siyang nakikitang problema rito sapagkat simula pa noon ay hindi kaso sa kaniyang ama kung sino ang nais niyang maging kasintahan. Nang oras ding iyon ay tinawagan niya ang ama upang sabihang kakain sila sa labas mamaya dahil may mahalaga siyang sasabihin. Agad naman itong pumayag.

Kinagabihan, nasa restawran na sina Daniel at Amanda habang hinihintay si Sandro. Ilang sandali pa ay dumating na ito.

“Oh, anong mayroon, hijo? Mag-aasawa ka na ba?” natatawang bungad sa kaniya ng ama.

“Hindi pa naman po, Daddy, pero may babae po kasing nagpapatibok ng puso ko. Nais ko na siyang ligawan, kaya nagsasabi ako sa inyo. Alam na ni Mommy at pumayag na rin siya,” nakangising sagot ng binata na ikinagulat ng kaniyang ama.

“Aba’y sino ba ang babaeng iyan at kailangan mo pa kaming hingan ng approval? Nakailang nobya ka na at hindi ka naman nagsasabi sa akin dati,” anito.

“Si Ariela po,” sagot ni Daniel.

Ang ngiti na kanina ay nasa mukha ni Sandro ay bigla na lamang naglaho nang dahil sa sinambit ni Daniel.

“Hindi,” tipid ngunit tila pinal nitong sagot.

Advertisement

“What? Anong hindi?” takang-takang tanong ng binata sa ama. Nakakunot pa rin ang noo ng matanda.

“I said no! Wala nang tanong-tanong pa. ‘Di ba, you asked me for approval? Then I’m not giving you one! Ihinto mo ang kahibangan mo, hijo, kasambahay lang natin siya!” mataas na ang boses na sagot ni Sandro.

Dito na sumabat si Amanda.

“Mahal, bakit? Ano’ng problema? Dahil ba kasambahay natin siya? K-kailan ka pa naging matapobre?!”

Ngunit hindi na sumagot pa si Sandro. Tumayo na ito mula sa hapag at saka mabilis na lumabas ng restawran upang sumakay sa kaniyang kotse. Ni hindi na nito hinihintay ang kaniyang mag-ina.

Nagkatinginan na lamang ang dalawa sa labis na pagtataka sa kung ano ang nangyari. Hindi na rin nila nagawang tapusin ang pagkain at nagpasya nang umuwi na rin upang maipagpatuloy ang naging mainit na pag-uusap kanina.

Sa pagdating nila sa kanilang tahanan, laking pagtataka nila na wala roon ang kotse ni Sandro. Nang pumasok sila sa loob ay walang katao-tao, maski si Ariela ay wala roon. Sa labis na pagtataka ay nagtungo si Amanda sa kanilang kwarto, nagtungo naman si Daniel sa silid ni Ariela.

“Wala na ang mga gamit niya!” Sabay pang sigaw ang dalawa.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata nila nang tila unti-unti na silang naliliwanagan sa tunay na nangyayari. Dinampot ni Amanda ang kaniyang selpon upang sana’y tawagan ang asawa, ngunit isang mahabang text ang natanggap niya mula rito.

“Amanda at Daniel, pasensiya na kayo kung matagal kong itinago ‘to sa inyo. Lalagay na kami ni Ariela sa tahimik. Magpapakalayo-layo na kami gaya ng matagal na naming nais. Matagal na kaming nagmamahalan, bago pa man natin siya kuning kasambahay. Pinlano ko ang lahat ng ito. Patawarin niyo ako kung nagawa ko kayong linlangin nang ganito. Hindi ko sinasadyang lumalim nang ganito ang gusot na pinasukan ko. Nagdadalantao na si Ariela, bunga ng pagmamahalan naming dalawa. Iiwan ko na sa inyo ang kompanya at lahat ng ari-arian ko sa Maynila bilang pambawi sa sakit na dulot nitong ginawa ko. Patawarin niyo ako, patawad. Hayaan niyo na akong maging masaya.”

Bumuhos ang masaganang luha mula sa mga mata ni Amanda. Hindi niya akalaing matagal na pala siyang niloloko ng kaniyang mister sa ilalim pa mismo ng kaniyang sariling pamamahay. Hindi rin makapaniwala si Daniel na sa isang iglap ay mawawalan siya ng ama, kasama pa ang babaeng matagal na niyang sinisinta.

“P-paano na tayo, a-anak? Napakasakit! Ang sakit sakit! Kung panaginip lamang ito, sana’y magising na ako!” hiyaw ni Amanda habang humahagulgol, bakas sa boses niya ang matinding kirot sa kaniyang puso. Kahit pa kurut-kurutin niya ang sarili upang magising sa bangungot na ito’y walang nangyayari.

“Mommy, tama na. ‘Wag niyo nang saktan ang sarili niyo. Babangon tayo, hindi sila kawalan sa buhay natin. Babangon tayo, nang magkasama, Mommy,” umiiyak ding wika ni Daniel habang inaalo ang ina.

Nasaktan man ang puso niya ay sigurado siyang may mas magandang bukas na naghihintay para sa kanila ng kaniyang ina. Sa ngayon, sasamahan niya muna ang ina na namnamin ang sakit na bunga ng panloloko sa kanila ng kanilang ama.

Mabagal na lumipas ang isang taon. Gayunpaman, naging napakalaki na ng pinagbago ng buhay ng mag-inang Amanda at Daniel.

Kung dati’y palaging mugto ang mata ng ginang, ngayon ay tila bumata pa ang itsura nito dahil mula nang mawala sa buhay niya si Sandro ay nabigyan na niya ng atensyon at pagmamahal ang kaniyang sarili. Sa katunayan ay may iilang ginoo na umaaligid sa kaniya na nagpapakita ng interes, ngunit sa ngayon ay desidido siyang uunahin muna ang sarili at saka na lamang pagtutuunan ng pansin ang pag-ibig. Hihintayin niya munang tuluyang maghilom ang sugat sa kaniyang puso.

Advertisement

Si Daniel naman ay nagpatuloy sa pamamalakad ng kanilang kompanya. Halos trumiple pa ang kita ngayon ng kompanya kaysa noong mga panahong ang ama niya ang namamalakad nito. Mayroon na rin siyang nakakamabutihang kasamahan sa trabaho na aprubadong-aprubado rin ng kaniyang ina. Hindi gaya ng babaeng dati niyang sinisinta, itong si Geraldine ay may mabuting puso at walang itinatagong baho na wawasak sa kanilang pamilya.

“Mommy, sabi ko naman sa’yo eh. Kaya natin, basta magkasama!” nakangiting sambit ni Daniel habang kumakain sa kanilang hapag kasama ang kaniyang nobya. Matamis na ngiti ang itinugon nito sa kaniya.

Ilang buwan pa ang lumipas, nakarating sa kanila ang isang balita. Matapos daw na maubos ang pera ni Sandro sa bangko ay iniwan na rin ito ni Ariela kasama ang naging anak nila. Nagoyo pa nga raw ang lalaki dahil bago hiwalayan ay nailipat ng mapanlinlang na babae sa pangalan niya ang lahat ng ari-arian ni Sandro sa probinsya. Ang tindi talaga ng karma, ano?