
Tinamin na Galit sa Ama
“Hindi ka man lang ba dadalaw sa ospital? Ilang araw nang naka-admit ang tatay mo doon. Ni isang beses hindi ka pa sumisilip,” tanong ni Aling Matilda sa kaniyang panganay na anak na aligaga sa panonood ng Korean drama.
“Marami po akong ginagawa, nay,” tipid na sagot ni Sofia.
“Maraming ginagawa? Eh, kita mo nakahilata ka lang diyan at nanonood habang kami hindi magkandaugaga ni bunso sa pag-aasikaso sa tatay mo. Naku, Sofia, baka magsisi ka na hindi ka dumalaw kahit isang beses lang doon,” sermon ng ginang habang nag-eempake ng mga gamit ng asawa.
“Nanay, nagpapahinga po ako,” depensa pa ng dalaga.
Napapalatak na lang ang ginang. “Hay, naku! Basta kapag may oras ka kahit sumilip ka lang. Wala naman mawawala sa’yo, eh. Lagi kang hinahanap ng tatay mo, eh. Bakit daw hindi mo man lang siya madalaw. Sabi ko na lang na marami kang ginagawa sa trabaho mo,” kuwento ng ginang.
Bakas sa mukha ng dalaga na wala siyang balak na sumilip doon. “Subukan ko pong dumalaw sa makalawa,” sagot ni Sofia. Halatang napilitan lamang siya.
“Nak, patawarin mo na si tatay mo,” walang anu-anong wika ng ginang. Napatigil naman ang dalaga sa sinabi ng ina.
“Opo,” matipid niyang sambit tsaka itinuloy ang panonood.
Niiyakap si Sofia ni Aling Matilda sa likuran tsaka tuluyang umalis. Naiwan namang mangiyak-ngiyak ang dalaga dahil sa bigat na nararamdaman.
Panganay sa dalawang magkakapatid ang dalagang si Sofia dahilan upang siya ang asahan ng kaniyang mga magulang. Ngunit naging malamig ang kaniyang pagtrato sa kaniyang ama nang hindi siya nito payagang mag-aral sa kolehiyo bunsod ng kagipitan.
Halos isang buwang pinakiusapan ng dalagang ang kaniyang ama para lamang payagan siyang mag-aral. Pero ayon nga dito ay ayos na raw ang maka-graduate ng hayskul. Dapat daw ay magtrabaho na siya upang makatulong sa pamilya. Kahit hindi ito ang kagustuhan ng dalaga ay sinunod niya ang kaniyang ama.
Hindi na naayos muli ang kanilang relasyon. Nagtanim ng galit ang dalaga. Natabunan na rin ng inggit ang puso ni Sofia dahil ngayon ay napapag-aral niya sa kolehiyo ang kaniyang bunsong kapatid. Kung hindi lang dahil sa kaniyang ama sana pati siya ay makakapagtapos na ng pag-aaral.
Apat na taon na simula nang ipagkait ang kagustahan ni Sofia at ngayon ay may malubhang karamdaman na ang kaniyang ama. Tila naging bato ang puso ng dalaga at ayaw niyang puntahan man lang ito. “Nagawa niya nga akong tiisin noon titiisin ko rin siya ngayon,” saad ni Sofia.
Nang araw ding iyon ay ilang oras pa lamang ang nakakalipas simula nang umalis ang ina ni Sofia nang tumawag agad ito sa kaniya. Noong una’y ayaw itong sagutin ng dalaga dahil alam niyang kukulitin lang siya nitong pumunta ng ospital pero noong makailang tawag na ito ay sinagot niya na rin ang tawag. Nagulat naman siya dahil isang hagulgol ang bumungad mula sa kabilang linya.
“Pumunta ka na dito. Nag-aagaw buhay na ang tatay mo,” iyak ni Aling Matilda.
Bigla na lamang nabitawan ni Sofia ang telepono. Parang may tumusok sa kaniyang dibdib. Bigla na lamang siyang napahangos sa nasabing ospital.
Pagkadating doon ay kitang-kita ni Sofia kung paano maghingalo ang kaniyang ama. Agad siyang lumapit dito tsaka hinawakan ang kamay nito. Milagrong nakapagsalita ito kasabay ng pagluha nang makita ang kaniyang panganay na anak.
“Sofia, anak ko, patawarin mo na ang tatay,” mahina’t dahan-dahang wika ng ama ng dalaga habang patuloy na lumuluha. Tumangu-tango lang si Sofia habang umiiyak at pagkatapos noon ay bigla na lamang pumikit ang ama ng dalaga at ang sunod nilang narinig ay ang malakas na tunog mula sa makinang nakakabit sa puso nito.
Nagsimula nang mataranta ang mga nurse at doktor. Nagsimula na ring humagulgol ang kanilang mga kaanak na naroroon.
“Ate! Anak naman ng teteng! Kanina pa ako tawag nang tawag sa’yo!” sigaw ng kapatid ni Sofia dahilan para mapabalikwas naman ang dalaga.
“Si Tatay?” tanong kaagad ni Sofia. “Nasa ospital. Medyo maiigi na siya kumpara kahapon. Hindi ka ba…” hindi pa man tapos magsalita ang kaniyang kapatid ay bigla na siyang humangos papunta sa ospital.
Doon ay nadatnan ni Sofia ang kaniyang ama na kumakain. Bigla niya itong niyakap na siya namang ikinagulat nito.
“Teka. Totoo bang nandito ka at niyayakap mo ko?” paninigurado ng ama ni Sofia. “Tatay, napanaginipan kita. Patawarin mo po ako dahil nagtanim ako ng galit sa inyo,” iyak ng dalaga.
Napangiti naman si Aling Matilda nang marinig ang mga sinabi ng anak.
“Ako nga ang dapat mong patawarin. Pasensya ka na at kailangan mong magsakripisyo para makapagtapos ang kapatid mo. Wala, eh. Sobrang gipit tayo noong panahon mo. Pero hindi pa naman huli ang lahat, eh. May naipon na akong pampaaral sa’yo,” nakangiting tugon ng ama. Hindi naman makapaniwala ang dalaga at wala na siyang nagawa kung ‘di umiyak na lamang.
Isang buwan ang nakalipas at tuluyan nang nakalabas ng ospital ang ama ni Sofia. Nagsimula na rin siyang pumasok sa kolehiyo nang may magaan at mapagpatawad na puso. Naayos muli ang relasyon ng mag-ama.
Kapag talaga nagtanim ka ng sama ng loob, ikaw rin ang talo. Subukan mong magpatawad, siguradong gagaan ang puso mo.