“Pre, baka puwede mo naman akong pautangin kahit isang libo lang. Wala na kasi akong maibigay kay nanay, eh. Wala pa kaming pangkain ngayong araw,” ungot ni Andy sa kaniyang kaibigan nang makasalubong ito sa kanilang eskinita.
“Ay, wala, eh. Hindi aabot. Five hundred na lang itong pera ko. Kung ibibigay ko pa sa’yo wala na akong pamasahe papunta sa trabaho ko,” tugon naman ni Biboy sa kaibigan.
“Saan ba ang trabaho mo? Ipasok mo naman ako,” sambit ni Andy. Halata sa mukha ang kagustuhang makapagtrabaho.
“Sa Maynila. Sige. Itatanong ko kung may bakanteng trabaho pa doon. Malaki rin ang kita doon. Naospital lang si mama kaya nagipit rin ako, eh. Hayaan mo. Babalitaan agad kita. Humingi ka na lang kay mama ng makakain. Nagluto ‘yon, eh. Sige na. Alis na ko. Baka maabutan pa ako ng traffic. Basta maghanda ka ng resume!” paalam ng binata tsaka tuluyang umalis.
Sigaw naman nang sigaw ng pasasalamat si Andy sa kaniyang kaibigan.
Matalik na magkaibigan ang dalawang binata. Natigil lang ang kanilang pagsasama nang bukod na silang naghanap ng trabaho. Sa kasamaang palad hanggang ngayon ay wala pa ring trabaho si Andy.
Tinupad nga ni Biboy ang sinabi niya sa kaibigan. Agad nakapasok si Andy sa kaniyang pinagtatrabahuan.
Labis naman ang pasasalamat ni Andy dahil bukod sa hindi siya nahirapan sa pag-aapply ay malaki pa ang suwelduhan dito.
Sa loob ng dalawang buwang pagtatrabaho ng kaibigan sa pinagtatrabahuan ni Biboy laking gulat na lang ng lalaki nang mauna pa itong ma-promote kaysa sa kaniya.
“Teka. Bakit siya ‘yung na-promote? Bakit hindi ako?” tanong ni Biboy sa kaniyang team leader. “Hindi ko rin alam kay boss, eh. Pero ang sabi niya ay masipag daw kasi ‘yung kaibigan mo at madaling lapitan,” paliwanag nito.
“Hindi naman puwede ‘yon!” galit na sagot ni Biboy tsaka padabog na lumabas ng opisina upang magpakalma.
Dumating ang oras ng kanilang pananghalian at dahil nga lagi silang sabay kumakain ng kaibigan agad nilapitan ni Andy si Biboy nang makitang kumakain itong mag-isa.
“Hoy, mukhang malungkot ka, ha. Hindi bagay sa’yo! May problema ka ba?” tanong ni Andy. “Meron, ikaw.” tipid na sambit ni Biboy tsaka sumubo ng pagkain.
Tila napaisip naman ang binata sa sinasabi ng kaibigan.
“Dapat hindi na kita isinama dito, eh. Tignan mo. Ikaw pa ang unang na-promote kaysa sa’kin. Isang taon na ako tapos ikaw dalawang buwan pa lang!” galit na wika ni Biboy tsaka tumayo’t umalis.
Wala naman nagawa si Andy kung ‘di ang mapabuntong-hininga na lamang at kumain ng mag-isa.
Simula noon ay naging malamig na ang pakikitungo ni Biboy sa kaniyang kaibigan. Umabot pa nga sa puntong sinasabihan niya ito na wala silang pasok ng isang linggo para lamang hindi ito makapasok.
“Pre, isang linggo akong absent. Ang sabi mo sa’kin walang pasok noong isang linggo dahil nasa business trip ang lahat ng nakatataas,” nguso ni Andy sa binata.
“Diyos ko, Andy, niloloko lang kita noon! Kung may business trip sila bakit naman tayo mawawalan ng pasok? Hindi ka rin nag-iisip, eh,” sagot ni Biboy tsaka bumalik sa kaniyang trabaho.
Napakamot na lang sa ulo ang kaniyang kaibigan dahil malaki ang mababawas sa suweldo nito.
Hindi lang ‘yon ang ginawa ni Biboy. Umabot pa sa puntong gumawa na siya ng kuwento para lang matanggal ang kaibigan sa trabaho. Pinagkalat niyang may criminal record ito dati.
Labis na ang inggit niya sa kaibigan dahil ang balita niya ay isasama raw ito ng kanilang boss sa ibang bansa para sa isang seminar.
Laking gulat naman ni Biboy nang bigla siyang pinatawag ng kanilang boss matapos niyang gawan ng kuwento ang kaibigan.
“Hindi ba’t ikaw ang nagpasok kay Andy dito? Bakit ngayon ikaw ang gumagawa ng paraan para matanggal siya? Huwag ka nang magkaila. Alam ko ang lahat ng galaw niyo sa loob ng kompaniya ko,” sambit ng boss tsaka humigop ng kape.
“Naiinggit ka ba sa kaniya?” muling tanong nito. Tumango na lang si Biboy dahil sa kahihiyan.
“Hindi mo ba alam na ikaw ang mas nagtagumpay para sa akin? Kasi ikaw ang dahilan kaya siya magaling sa trabaho. Ikaw ang nagturo sa kaniya, ‘di ba? Hindi naman porke’t siya ang na-promote ay siya na ang magaling at hindi ikaw. Sinadya ko ‘yon para makita ko kung paano mo tatanggapin ang tagumpay ng katrabaho’t kaibigan mo.” Gulat na gulat si Biboy sa mga sinabi ng kaniyang boss. Sobrang kahihiyan ang kaniyang nararamdaman.
Napagtanto ni Biboy na tila kinain na talaga siya ng inggit at galit ng dahil lamang sa tagumpay ng kaniyang kaibigan.
“Pasensya na po kayo. Pangako ibabalik ko na po ‘yung dating ako,” nakatungong tugon ng binata.
Ngumiti lang ang kaniyang boss at pinabalik na siya sa trabaho.
Ginawa nga ni Biboy ang kaniyang sinabi. Sinimulan niya ito sa paghingi ng tawad sa kaniyang kaibigang si Andy hanggang sa paglilinis ng pangalan nito sa buong kompaniya. Inamin niyang hindi totoong may criminal record si Andy at ginawan lang niya ito ng kuwento dahil sa kagustuhan niyang matanggal ito sa trabaho.
Kahit pa kinainisan na siya ng iba ay wala na siyang pakialam dahil ang nais niya lang ay maging maayos muli sila ng kaniyang kaibigan at maging maayos muli ang kaniyang pagtatrabaho.
Napahanga ni Biboy ang kanilang boss sa katapangan at katapatang kaniyang ginawa dahilan upang ipadala siya nito sa ibang bansa kasama ng kaniyang matalik na kaibigan.
Bukod pa doon ay na-promote din si Biboy bilang isang team leader. Ganoon na lamang ang kasiyahan ng binata lalo pa nang malaman niyang pinatawad na siya ni Andy at masaya ito sa kaniyang tagumpay.
Simula noon kahit sino man ang magtagumpay sa kanilang kompaniya ay buong puso na itong tinatanggap ni Biboy. Napagtanto niyang hindi solusyon ang tapakan ang katrabaho para lamang umangat.
Kailanman ay hindi tamang solusyon ang paghila pababa sa katrabaho para lamang umangat. Subukan mo siyang iangat at siguradong aangat ka rin.