
Totoong Salot ng Lipunan
“Ate, palimos po! Pangkain ko lang po, ate,” pakiusap ng isang pulubi habang todo kalabit at sunod sa isang dalaga.
“Ate, sige na. Kahit akin na lang ‘yang burger na kinakain mo,” dagdag pa nito sabay turo sa hawak-hawak na pagkain ng dalaga.
“Doon ka nga! Wala ka bang mga magulang, ha? Pati ibang tao hinihingian mo! Ni hindi mo nga ako kilala! Doon ka!” pagtataboy ni Jasmin tsaka inirapan ang batang pulubi.
“Wala na po,” mahinang sagot ng pulubi. Bahagya namang nagulat ang dalaga ngunit hindi niya ito ininda at nagpatuloy sa pagtataboy sa bata.
“O, puwes magtrabaho ka para may makain ka! Hindi ‘yung nanghihingi ka lang! Dumadagdag ka pa sa salot ng lipunan!” sermon ni Jasmin tsaka tuluyang naglakad ng mabilis upang tantanan na ng bata.
“Ako ba talaga ang salot ng lipunan? O, ikaw, ate? Na kahit may maibibigay naman nagdadamot pa?” napatigil ang dalaga sa sinabi ng bata.
“Aba, sumasagot ka pa! Gusto mo ipahuli kita sa DSWD?” pananakot ni Jasmin dito.
“Sana maranasan mo ring mawalan! Isa kang tunay na salot ng lipunan!” sigaw ng bata sa dalaga tsaka mabilis na tumakbo.
Hiyang-hiya naman si Jasmin dahil halos lahat ng tao sa paligid niya ay nagbubulungan at nakatitig na sa kaniya. Sakto namang nasa tapat na siya ng kotse niya kaya mabilis siyang pumasok dito at agad na pinaharurot ang sasakyan upang huwag na siyang mapag-usapan pa.
Laki sa ginhawa ang dalagang si Jasmin. Sabi pa nga ng mga kaanak niya ay ipinanganak siyang may gintong kutsara sa bibig. Kakaiba kasi ang yaman ng kaniyang mga magulang. Sa katunayan nga ay lumaki ang dalaga sa California. Ngayon na lamang siya napadpad dito sa Pilipinas ngunit dahil nga Pinoy ang mga magulang ay matatas pa rin magsalita ng Tagalog ang dalaga.
Pero kahit pa ganoon ay tila hindi nakuha ng dalaga ang ugali ng kaniyang mga magulang. Mabait at matulungin kasi ang mga ito habang siya ay suplada, maarte at napakadamot. Dahilan upang layuan siya ng kaniyang mga kaanak.
Sabi pa nga niya sa pinsan niyang nanghihingi lang ng pabango sa kaniya, “Kung gusto mong bumango magpabili ka sa mga magulang mo hindi ‘yung manghihingi ka sa’kin.”
Noong araw ding ‘yon dahil nga sa sobrang pagkataranta ni Jasmin ay hindi niya namalayan na kung saan-saan na siya nagsususuot. Hindi na pamilyar sa kaniya ang lugar kung saan siya napadpad.
Agad niyang hinanap ang kaniyang cell phone upang tumawag sa kaniyang mga magulang ngunit hindi niya ito makita. Naalala niya na lamang na huli niya itong ginamit sa pinagbilhan niya ng burger. Napabuntong-hininga na lamang si Jasmin dahil hindi niya na alam ang gagawin.
Lumabas siya ng sasakyan upang magtanung-tanong ngunit dahil nga ngayon lang siya muling napadpad sa Pilipinas ay hindi niya alam ang street ng kanilang bahay.
“Naku, iha, sa police station ka na dumiretso. Mga tatlong kilometro mula dito. Kumanan ka tapos kaliwa. Makikita mo na agad ‘yon,” sambit ng matandang napagtanungan ni Jasmin. Tumangu-tango lang ang dalaga.
Nang pabalik na si Jasmin sa lugar kung saan niya iginarahe ang sasakyan ay nakita niyang hinihila na ito ng mga MMDA. “Sir! Sasakyan ko po ‘yan!” sigaw ni Jasmin ngunit hindi siya narinig ng mga awtoridad at patuloy na hinila ang kaniyang sasakyan. Wala na siyang nagawa kung ‘di ang maiyak dahil sa patung-patong na problemang kinakaharap niya.
Ngunit naisip ni Jasmin na hindi puwedeng hindi siya makauwi kaya naman naisipan niyang lakarin na lang ang police station na sinasabi ng matanda.
Wala pang isang kilometro ay sumakit na ang paa ng dalaga kaya naman hinubad na niya ang kaniyang suot na heels at naglakad ng walang saplot sa paa. “Bakit ba kasi walang taxi na dumadaan dito?” iritableng wika ni Jasmin.
Sakto namang napadaan siya sa isang kainan. Kumulo ang kaniyang tiyan. “Naku, makabili nga muna ng makakain!” Ngunit pagdukot ni Jasmin sa kaniyang bulsa ay tsaka niya napagtantong wala itong lamang pera.
Halos mangiyak-ngiyak na ang dalaga sa kamalasang sinasapit niya. Wala na siyang ibang nagawa kung ‘di tiisin ang gutom at pagod makapunta lang sa police station.
Habang naglalakad si Jasmin ay nakasalubong niya ang batang pulubing nanghihingi sa kaniya kanina.
“O, salot ng lipunan, bakit naglalakad ka dito? Tsaka bakit wala kang saplot sa paa?” tanong ng bata. Hindi ito inintindi ni Jasmin at nilagpasan na lang.
“Ito, o, suotin mo muna,” alok ng bata sabay hubad ng tsinelas na suot-suot nito. Kupas na ito at malapit nang masira.
“Paano ka?” tipid na tanong ni Jasmin nang bigla kumulo ng malakas ang kaniyang tiyan.
“Ayos lang. Sanay naman ako, eh. Ito pa, o, tinapay. Nalimos ko lang kanina ‘yan pero malinis naman ‘yan,” nakangiting tugon ng batang pulubi.
Dahil nga sa gutom ay agad na kinain ng dalaga ang iniabot na tinapay ng bata tsaka sila nagpatuloy sa paglalakad. Sinamahan na si Jasmin ng bata hanggang sa police station.
Agad pinuntahan si Jasmin ng kaniyang mga magulang sa police station. Labis ang pasasalamat ng mga ito sa batang pulubing tumulong sa anak nila.
Napagtanto naman ni Jasmin kung gaano kabait ang bata sa kaniya kahit pa mapait ang pakikitungo niya dito noong una. Humingi siya ng tawad at pasasalamat dito.
“Alam mo wala akong kapatid, eh. Gusto mo bang maging kapatid ko?” tanong ni Jasmin. Tuwang-tuwa namang sumang-ayon ang batang pulubi at iyon ang simula nang pagbabago ng dalaga.
Doon napagtanto ni Jasmin na masarap pala sa pakiramdam ang magbigay kaysa tumanggap lamang nang tumanggap. Naisip niya ring hindi naaayos ng pera ang ugali ng tao kaya naman napagdesisyunan niyang ayusin ang lahat ng kaniyang pagkakamali.
Inampon ng pamilya ni Jasmin ang batang pulubi. Umayos na rin ang pakikitungo ng dalaga sa kaniyang mga kaanak. Naging mabait na ito at mapagbigay na labis namang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang.
Kapag talaga nagmataas ka siguradong ibababa ka kaya mas mabuti ang tumulong hangga’t nasa taas ka pa dahil kapag nawala ang lahat milagro na lamang kung may tutulong pa sa’yo.