
Ang Kakila-Kilabot ng Repleksyon sa Antigong Salamin
“O, ayusin niyo naman! Wag kayong tat*nga-t*nga! Pag nabasag talaga yan, babasagin ko din yang mga pagmumukha niyo!” Maanghang na sabi ni Doña Arabella Madrigal sa mga katulong na nagbubuhat ng bagong salamin na naakuha niya mula sa isang auction event nung isang araw.
Dahan-dahan namang ikinabit ng mga tauhan niya ang malaking salamin sa isang panig ng dingding sa sala.
Napangiti siya nang makita ang kanyang repleksyon sa antigong salamin.
Masaya siya dahil una, mahilig siya sa mga antigong bagay. Sa katunayan, may koleksyon siya ng mga antigong kagamitan kagaya na lang ng mga vase, painting, at mga kasangkapan bahay gaya ng mga plato, baso, lamesa, upuan, aparador, at madami pang iba.
Ikalawa, masaya siya dahil napamukhaan niya ang mga tao sa auction event, lalo na ang mga amiga niya, na mas madami siyang pera sa mga ito.
Nakuha niya ang magandang salamin sa halagang 1 milyon. Napangiti pa siya nang maalala ang pagtahimik ng mga tao sa bulwagan nang malakas niyang isigaw ang halaga na handa siyang ibigay para sa salamin.
Walang isa mang nakapagbigay ng mas mataas na presyo, kaya sa kanya napunta ang salamin.
Mga wala naman palang ibubuga, mayabang pa niyang nasabi.
Napakurap siya nang tila may makitang imahe ng babae sa kanyang likod habang nakatingin sa salamin. Paglingon niya naman ay walang tao, kaya pinagsawalang bahala niya lang iyo at umakyat na sa kanyang silid para magpahinga.
“Parang awa niyo na po! Wag niyo pong kunin ang pera ng pamilya ko! Bigyan niyo pa ako ng konting panahon at ibabalik ko ang perang hiniram ko!” Nagmamakaawang luhod ng isang padre de pamilya sa harap ni Don Armado Madrigal isang gabi.
Ang lalaki ay isa sa mga may pagkakautang sa pamilya Madrigal. Hindi ito nakapagbayad sa takdang panahon kaya sapilitan na pinasok ng tauhan ng mga Madrigal ang bahay ng lalaki at ninakaw lahat ng pwede nakawin sa loob ng bahay.
Nagbanta pa ang mga ito na pap*tayin ang buong pamilya pag nagsumbong ang mga ito sa awtoridad.
“Umalis ka na sa bahay ko bago ko pasabugin ang bungo mo!” Malakas na pagbabanta ng Don sa lalaki bago ito tinutukan ng baril.
Sa takot ng lalaki, nagkandarapa ito sa pagtakbo makalabas lang ng bahay.
Tatawa-tawa namang minasdan ng Don ang papalayong lalaki. Hindi na niya napansin ang lalaki sa loob ng salamin na nanlilisik ang matang nakatingin sa kanya.
Kinabukasan ay ang tili nang naghihisteryang Doña ang gumising sa kabahayan.
“Nasaan na ang mga koleksyon ko? Napasok tayo ng magnanakaw!” Hindi kumakalmang sigaw ng Doña.
Ang tanging bagay lang naiwan sa sala ay ang mamahaling salamin. Sa salamin ay may malaking sulat na kulay pula na nagsasabing, “Babalik sa inyo lahat ng ginagawa niyo.”
Gigil na gigil na nagpunta sa CCTV room ang Don para tignan kung sino ang pangahas na nagnakaw at nananakot sa kanila ngunit sa kanyang pagtataka ay blangko ang recording ng CCTV nang nakaraang gabi.
Palaisipan pa din sa mag-asawa nangyari kaya nang gabi ding iyon ay ipinatawag nila ang lahat ng tauhan nila na nagsisilbi sa kanilang mansyon. Matindi ang paniniwala ng mag-asawa na nasa loob ang nagnakaw sa kanila.
“Kung walang aamin sa inyo, mapipilitan ako na parusahan kayong lahat. Lahat kayo mawawalan ng trabaho. Kaya kung may alam kayo, magsabi na kayo para walang madaming madamay,” madiing sabi ng Don sa mga tauhan.
Matagal na katahimikan bago may isang tauhan ang naglakas loob na magsalita.
“Lahat po kami ay matagal nang naninilbihan sa inyo, Don Armado. Sigurado ho akong wala sa amin ang magtataksil sa inyo,” mahina at tila takot na sabi ni Atoy, isa sa mga hardinero doon.
“Sigurado ka ba diyan, Atoy?” Matalim ang tingin na sagot ni Don Armado.
“Oho! Kahit malupit ho kayo sa amin!” Tila hindi napigilang sabad ni Jaime, isa sa mga utusan nila.
Nagkatinginan ang mga tauhan. Tila natakot sa paglalabas ni Jaime ng kanyang mga saloobin.
Nakita nila ang mas lalong pagtapang ng ekspresyon ni Don Armado. Kahit si Doña Arabella ay tila hindi nagustuhan ang sinabi ni Jaime.
Hindi nila inaasahan ang sumunod na ginawa ng Don. Itinapat nito ang baril kay Jaime at pinaputukan ito sa dibdib.
Bagsak ang kawawang binata.
Sa takot ay isa-isang nagpulasan ang mga tauhan habang naiwan si Jaime na may lumalabas pang dugo mula sa bibig.
Ilang sandali pa ay tumunog ang telepono ni Doña Arabella.
“Ate! May nangyari sa anak mo! Pumunta kayo sa ospital ngayon na!” Humihikbi ang kanyang kapatid niya nang magsalita ito.
Agad-agad ang pagsugod nila sa ospital ngunit hindi na nila naabutang buhay ang anak.
Naholdap pala ang anak at sinubukan nitong manlaban kaya binaril ito ng holdaper.
Pumalahaw ng iyak ang Doña. Tahimik man ang Don ay halatang nagluluksa din. Hindi nila inaasahan ang bilis ng pangyayari.
Matapos ang ilang sandali, may naalala ang Doña. Babalik sa inyo lahat ng ginagawa niyo.
Dali-dali siyang umuwi sa bahay upang kumpirmahin ang hinala.
Pumunta siya sa harap ng salamin. Naalala niya ang imahe na nakita niya noong unang beses na dinala niya ang salamin sa bahay nila. Unti-unti niyang napagtatagni ang mga pangyayari. Sigurado siyang may kinalaman ang salamin sa mga nangyayari.
“Lumabas ka! Anong kailangan mo sa pamilya ko? Anong kasalanan ng pamilya ko?” Sigaw niya sa salamin.
“Eh yung mga taong inagrabyado niyo? Anong kasalanan nila sa inyo?” Nagulat pa ang Doña nang marinig ang tinig na tila nanggagaling sa ilalim ng lupa.
Kinikilabutan man sa nararanasang kakaiba ay nagsalita pa din ang Doña, “Lumabas ka! Magpakita ka sakin!”
“Walang ako. Ang meron lang ay ikaw. Hindi mo ba nakikita ang repleksyon mo sa salamin? Ang mga nangyari sa pamilya niyo ay repleksyon lang ng mga ginagawa niyo sa iba,” sagot ng tinig.
“Binigyan ko na kayo ng babala. Pero hindi kayo nakinig,” pagpapatuloy pa nito.
Kahit anong tingin ni Arabella sa paligid ay wala talaga siyang nakita kundi ang sarili niya sa salamin.
Marahil ay tama ito. Ang mga nangyari ang kasalanan din nila. Magsisi man siya ay huli na.
Matapos ang gabing iyon ay naaresto si Don Armado sa salang pagkitil kay Jaime Jacinto, at sa madami pang tao, ayon na din sa mga tauhan nito.
Si Doña Arabella naman, matapos ang pagluluksa sa pagkawala ng anak, ay binenta ang mansyon at nagpakalayo layo.
Ang antigong salamin ay nanatili sa bahay ng mga Madrigal. Tila naghihintay ng susunod na magmamay ari dito.