Inday TrendingInday Trending
Ang Pamana ni Itang

Ang Pamana ni Itang

“Abigail, andiyan ba si Ka Isko?”

“Nasa may balkonahe ho.”

Agad naman iyong tumalima at naglakad patungo sa balkonahe na parang ito ang may-ari. Bumuntong-hininga na lamang siya. Sanay na si Abi sa mga kapitbahay na nagtatanong kung nasaan ang kanyang ama.

Normal na sa mga ito na maglibot sa kanilang bahay. Wala iyong problema sa inang at itang niya na kapwa mabait at matulungin sa mga tao.

‘Yon nga lang minsan ay sumosobra na ang mga tao at hindi na alam ang kanilang limitasyon. Malamang ay magpapahula na naman ang mga iyon o magpapagamot ng kung anong sakit.

Ang kanyang Itang kasi o si Ka Isko ang siyang pangunahing tinatakbuhan ng mga tao kapag may karamdaman ang mga ito.

Mahal niya ang kanyang ina at ama ngunit kahit na kailan ay hindi siya naniniwala sa testimonya ng mga tao.

Kesyo may himala raw si Ka Isko. Kayang magpagaling sa maysakit sa pamamagitan lamang ng dahon o kung anuman.

“Abi!” Narinig niya ang sigaw ng ina. Malamang ay uutusan na naman siya maglanggas ng kung anong dahon sa bakuran.

Umirap siya.

“Opo, ‘Nang!”

Kahit na ganoon ay hindi naman niya masabi-sabi. Alam ng mga ito na hindi siya naniniwala ngunit tila wala itong naririnig. Sa halip, kinukumbinsi pa siya na ang kakayahan na iyon ay mamanahin niya balang-araw.

Kaya kapag may pasyente ay tinatawag siya ng itang para patulungin at para mapanood niya raw ang dapat na gawin para kung sakaling wala na ito sa mundo ay siya ang gagawa.

Hindi naman siya naniniwala dun. Kung sakaling magkasakit ang ama, ay may mga doktor naman. Iyon ang dapat nilang puntahan.

Hindi nga niya alam sa mga tao. Masyado nang moderno ang mundo pero hanggang ngayon ay nagpapapaniwala pa rin sa mga bagay na kagaya nito.

Kagaya na lamang nitong isang bagong dating. Kasama ang isang magandang babae ngunit ‘di maipagkakaila ang napakarami nitong sugat sa katawan.

Ngumiwi siya.

“Anong nangyari sa kanya?” tanong ng kanyang ama sa babaeng namukhaan, si Aling Elena.

Hindi niya masyadong kilala dahil hindi naman siya madalas na lumalabas ng bahay.

“Eto kasing anak ko, nakulam ata. Kasi nagsusuka nang nagsusuka tapos parang hinihiwa ang balat,” maiiyak na ang boses nito.

Tumango si Ka Isko.

Nilingon siya ng ama at sumenyas. Alam niya ang ibig nitong sabihin, kaya kinuha niya ang mga dahon at langis. Nagdasal muna ito bago unti unting pinahiran ang mga sugat.

Hindi niya na matandaan ang nangyayari. Maya-maya pa ay namalayan na lang niya na nagpapasalamat na si Aling Elena at ang babaeng ginamot.

Hindi na ito kasing putla gaya ng kanina. Saglit siyang namangha. Humupa na rin ang sariwa nitong sugat bagama’t naroon pa rin ang bakas.

Kahit na ilang milyong ulit niya atang masaksihan ang ganitong eksena ay hindi pa rin siya maniniwala.

Para sa kanya, walang mahika. Walang himala. Hindi man niya alam kung bakit ay alam niyang kaya itong ipaliwanag ng siyensya.

Ngunit isang gabi, habang tahimik siyang gumagawa ng takdang aralin ay narinig niya ang malakas na palahaw ng ina.

Agad siyang tumayo at tumakbo. Nanlaki ang kanyang mata sa nakita. Nakahandusay ang kanyang walang malay na ama sa sahig!

Pilit itong ginigising ng kanyang ina na tumatangis.

“Magmadali ka! Humingi ka ng tulong!” sigaw nito.

Nataranta siya at agad na lumabas ng bahay. Madilim ang paligid at palagay niya ay wala nang kung sinong gising. Malayo rin ang agwat ng mga bahay sa isa’t-isa.

Hindi niya alam ang gagawin. Bumalik siyang muli sa kanilang tahanan.

“Nang! Ilagay muna natin si Itang sa may papag!” lito niyang suhestiyon.

Pinagtulungan nilang dalawa hanggang sa nagawa nila.

“Hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong, ‘Nang! Kung dadalhin natin siya sa ospital ay baka hindi na… siya umabot.”

Natakot siya sa kaniyang naisip.

Hindi maaari…

Hindi maaari na mawala ang kanyang itang sa kanya. Hindi niya pa nasasabi kung gaano niya ito kamahal. Ni hindi pa nga niya ito nabibilhan ng mamahaling mga bagay, iyon ang madalas niya ipangako dito noon, lalo na nung bata pa siya.

Mas lalong umiyak ang kanyang inang. Alam niyang mahal na mahal nito ang kabiyak kaya naman hindi nito agad na matatanggap kung sakaling mang may mangyaring masama sa esposo.

Bumuhos ang kanyang luha at unti unti na sanang panghihinaan ng loob nang bigla siyang may naalala.

“May magagawa pa tayo, ‘nang!” aniya sa wakas.

“Ano?” Tanong nito sa naguguluhang boses.

Pumikit siya nang mariin at kinuha ang mga kasangkapan na ginagamit ng ama sa panggagamot.

Umusal siya ng panalangin. Matinding panalangin na sana ay totoo ang himala kagaya ng paniniwala ni Ka Isko.

Ipinahid niya ang langis at dahon habang mataimtim na nagdarasal.

Walang nangyari.

Hindi siya dumilat. Ayaw niyang tanggapin ang posibleng kabiguan. Ang pagtangis niya ay unti-unting nabuong muli.

“A-anak… N-nagawa mo…” May masuyong kamay na humawak sa kanyang braso. Ang kamay ng itang niya!

Dumilat siya. Totoo ang himala. Totoo ang pamana ni Itang. Higit sa lahat, totoo ang Diyos!

Nang dahil sa pangyayaring iyon, nagbago na ang pagtingin ng dalaga sa kaniyang ama. Kung noon ay wala siyang bilib dito, ngayon ay numero uno na siyang tiga-hanga nito. Sa tuwing manggagamot si Itang, nariyan at katuwang na niya ang anak. Ipinangako kasi ni Abigail na ipagpapatuloy niya ang nasimulang panggagamot ng kaniyang ama, at patuloy na ipapasa sa mga henerasyong susunod pa sa kaniya.

Advertisement