Inday TrendingInday Trending
Bahay ko, Inangkin Ninyo

Bahay ko, Inangkin Ninyo

Maganda na sana ang buhay ni Aling Telay. May sariling bahay at lupa, may kotse pa nga at maliit na grocery. Ang mister niya kasi ay isang seaman at malaki ang sinasahod.

Nagkaproblema lang noong magkasakit ang lalaki. Kahit na tinaningan na ito ng doktor ay ‘di sila sumuko, ginawa pa rin ang lahat para lamang maipagamot ang kanyang mister. Ibinenta ang kotse at iba pang ari-arian.

Pero wala, iniwan pa rin sila nito. Kaya heto siya ngayon… ang natira na lamang ay kalbo na niyang tindahan, baon pa sa utang.

“Ma, buntis ako,” sabi ni Jessica, ang kaisa-isang anak ni Aling Telay. Pang-apat na ang nasa tiyan nito ‘pag nagkataon.

“Sigurado ka ba, anak? Aba wala pang isang taong gulang itong si Genesis,” tanong ng ale na ang tinutukoy ay ang apo na kandong niya ngayon.

Iritable namang umirap si Jessica. “Oo nga. Masaya nga kami ni Timo eh,” sagot nito na ang tinutukoy ay ang mister.

Palibhasa kasi ay hindi naman alam ng babae ang hirap. Pinag-aral siya ng mga magulang sa isang sikat na eskwelahan kaya lang ay nagpabuntis siya ng maaga. Batugan ang kanyang asawa at asa lang sila lahat sa ama’t ina niya. Katwiran ni Jessica, seaman naman ang papa niya kaya maraming kinikita.

“O love, bakit nakasimangot ka? Masama iyan sa baby natin,” bati ni Timo at saka niyakap ang misis patalikod.

“Si Mama kasi eh. Hindi masaya na magkakaapo na siya,” nguso nito.

“‘Nak hindi naman sa ganoon. Kaya lang naaawa lang ako sa mga bata. Siyempre iba na ang lahat ngayon, wala na ang papa mo. Tindahan lang ang ikinabubuhay natin at nagbabayad pa tayo sa utang. ‘Di ko lang inasahan na mabubuntis ka ulit,” paliwanag ni Aling Telay pero taas lang ang kilay na nagwalk-out si Jessica.

Hanggang ngayon, spoiled brat pa rin ito. Hindi na nga sila tumutulong sa bahay, halos gawin na nilang kasambahay ang kanyang ina ay bibigyan niya pa ito ngayon ng sakit ng ulo.

“Nakakainis talaga si mama. Ewan ko ba kung naglilihi lang ako pero kasi feeling ko kinokontra niya ang lahat ng gusto natin. If I know, may tinatago siguro yang ipon. Maramot lang,” maktol niya sa asawa isang gabi.

“Ganoon talaga ang mama mo, masama ang ugali. Wala na tayong magagawa diyan mahal. Mas masaya sana kung solo natin itong bahay ‘di ba?”

Napatingin naman si Jessica sa sinabi ng kanyang mister. Oo nga!

“Ikaw, ako… at ang mga bata. Pero paano?” nasasabik na sabi niya.

Sandaling nag-isip si Timo, “‘Di ba may kamag anak kayo sa probinsya? Madaling masaktan ang mama mo. Kaunting salita ay lalayas ‘yan.”

“Eh paano ang mga utang niya?”

“Siya pa rin ang magbabayad. Pero maiiwan sa atin itong tindahan, siyempre kabuhayan natin. Gusto mo bang mamamasada ako ng tricycle? Edi nagkalayo tayo pag ganon. Tapos mapapalapit pa ako sa tukso. Kaya dito nalang ako sa bahay,” makapal ang mukha na suhestyon ng lalaki.

Sumang-ayon si Jessica, ito na yata ang pinakamagandang planong naisip niya. Nasisikipan na rin kasi siya sa bahay na kasama ang ina.

Hindi man nila diretsahang pinaalis ang ale ay napakagaspang naman ng naging pakita nila rito. Ang mister niya ay hubad-baro palagi at nakahilata sa salas. Naka-boxer shorts lang ito kadalasan, kaya si Aling Telay na ang naiilang sa manugang.

Siya na ang nag-adjust sa sarili niyang pamamahay.

Grabe rin kung pagsalitaan ni Jessica ang ina, wala nang pakialam kung may nakaririnig ba. ‘Di nagtagal ay kusa nang umalis ang matanda. Hindi kinaya ang bigat ng pakikisama sa dalawa.

Makalipas ang maraming taon…

Nangangatog ang mga kamay pero pinilit pa rin ni Jessica na pigaang mabuti ang malalaki at mabibigat na pantalong kanyang nilalabhan. Ilang oras na siya rito pero sadyang natatagalan siya dahil mahina na ang kanyang katawan. Mabagal na siya kung kumilos.

“Ano’ng oras na o, kung kanina pa nakasampay iyan e ‘di sana nakakatuyo ka na!” galit na bulyaw ng kanyang bunsong si Vergel.

“Pasensya na, anak. Mahirap kasing magkusot. Kung… kung sa washing machine siguro ay mas mapapabilis ako-“

“Washing machine ka pang nalalaman. Kamayin mo nalang ‘yan! Ang washing machine ay pwede lang gamitin ng misis ko para ‘di magsugat ang kamay niya. Kung ikaw rin lang, sayang ang kuryente. Dalian mo na!” sigaw ulit nito.

Sinipa pa nito ang batsa na may lamang mga damit bago umalis.

Makalipas ang ilang sandali ay natapos rin siyang maglaba. Sa wakas, makakapahinga na. Binuksan niya ang maliit na pinto sa kanyang kapirasong bahay. Ito na rin ang tirahan nila noon, lumiit lang ngayon dahil tinitirhan na ng anak niya ang mas malaking bahagi.

Kung tutuusin, lamang lang ng kaunti sa bahay ng aso ang tahanan niya.

Matagal nang pumanaw si Timo, nagkasakit ito ng stroke. Ni isa sa mga anak niya ay walang nagkusa na alagaan siya. Bago siya humiga ay napasulyap siya sa lumang larawan sa gilid ng kanyang folding bed.

Si Aling Telay.

‘Di namalayan ni Jessica na tuloy-tuloy na ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Dinampot niya ang larawan at inilapit sa kanyang dibdib.

“Ma, patawarin mo ako. Ngayon ay alam ko na ang naramdaman mo,” bulong ng matanda.

Magsisi man siya ay huli na. Nilisan ng ina ang mundo na masama ang loob sa kanya. Marahil ay kaya ganito ang pakita sa kanya ng mga anak ay iyon rin kasi ang kinalakhan ng mga ito na turing niya sa sariling ina.

Tama nga na kahit na ano ang gawin natin sa ating kapwa ay siguradong tatalbog sa atin. Mas matindi pa.

Advertisement