
Bata sa Sementeryo
Nagmamadaling lumabas sa looban ang binatilyong si Arnel nang mabasa ang text ni Janina, ang kanyang nobya. Sabi ng dalagita, tumakas raw ito sa mga magulang niya.
Lakad takbo ang ginawa niya, hanggang matanaw niya na ito sa gilid ng paradahan ng tricycle.
“Nel!” umiiyak na sabi nito tapos ay yumakap sa kanya. Nahalikan niya ito sa noo, pinabayaan niya munang humikbi ito ng ilang minuto bago siya nagtanong.
“Ano ba ang nangyari?”
“Pagod na ako kay Mommy at Daddy. Hindi ko kasi maunawaan kung bakit ayaw nila sayo, mabuti ka namang tao. Ano ba raw ang buhay na maibibigay mo sa akin? Bakit kasi Nel… Bakit kailangang maging sukatan ang estado sa buhay ng tao para lang maging katanggap-tanggap?” tuloy tuloy na wika nito.
Napabuntong hininga naman si Arnel. Sa totoo lang ay iyon rin ang tanong niya pero pinili niyang ‘wag nang gatungan ang sama ng loob na nararamdaman ng nobya.
“Siguro kasi ay nag-aaral ka pa. Malay mo, pagka-graduate mo ng kolehiyo ay matanggap rin nila tayo. Wala rin naman sigurong magulang ang matutuwa na malaman na ang iniibig ng anak nila ay isang pobreng naglalako ng banana cue ‘di ba?” mapakla ang ngiting wika niya.
Totoo iyon, disi nuwebe anyos si Janina habang siya naman ay bente uno. Nakilala niya ito dahil nagtitinda siya ng meryenda sa tapat ng unibersidad na pinapasukan ng dalaga.
Lumungkot ang mata ng kanyang nobya nang marinig iyon. Maya-maya pa ay sabay silang napalingon sa paparating na makina ng sasakyan.
“Janina! Get in the car!”
Nagising si Arnel sa kalabit ng kanyang tiyong. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon, kumusta na kaya si Janina?
Oo, pumayag siyang makipaghiwalay sa babae dahil ganoon niya ito kamahal. Sapat nang sila nalang ang hirap na hirap kumain, ayaw niya nang idamay pa ito.
Sinubukan niyang mag-aral ulit nang mawala si Janina, kaya lang ay pumanaw ang kanyang ama at bilang panganay ay siya na ang tumayong pangalawang magulang sa kanyang mga kapatid. Kaagapay siya ng kanyang ina.
Ngayon ay dalawa na ang pinag-aaral niya sa pampublikong kolehiyo kaya kayod kalabaw siya. ‘Di bale, graduating na naman sa isang buwan ang isa. Triple ang trabaho, nagwe-waiter siya, nagtatrabaho bilang salesman sa mall at nakikipasada rin ng tricycle.
Ngayon nga, nayaya siya ng tiyuhin na samahan ito. May sakit raw kasi ang isang kasamang sepulturero.
“Ang gwapo mo naman pamangkin, aba hindi bagay rito sa sementeryo!” tatawa-tawang sabi ng matanda.
“Raket din ‘to tiyong, dagdag baon ni Lenlen. Teka ho, hindi naman natin gagalawin ang mga yumao ‘di ba? Magsi-simento lang diba?” nag-alangan bigla na wika niya.
Natawa lalo ang kanyang tiyo, “Ako na sa simento ng lapida. Magwalis-walis ka na lang ng mga nitso.”
Iniabot nito sa kanya ang walis tingting at dustpan, sinimulan niya na ang pagtatrabaho.
“Sige, d’yan ka na muna, may inililibing d’yan sa maka-liko ng krus. Kailangan ako roon dahil papalitadahan na pagkahagis nila ng bulaklak. Balikan kita ha?”
Masaya siyang tumango. Sumisipol pa siya habang nagwawalis ng mga tuyong dahon. Sinisinop niya na ang mga iyon sa dustpan nang maramdaman niyang tila may nakatingin sa kanya. Kasunod noon ay ang malakas na pag-ihip ng hangin.
Kunot ang noo na binasa niya ang pangalan sa lapida sa kanyang unahan, “Mang Narciso, ‘wag ninyo naman akong multuhin,” kausap niya rito. Pero may nakatingin talaga.
Kaya unti-unti niyang ipinaling ang ulo sa kanyang tagiliran at ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang isang batang lalaki na titig na titig sa kanya.
Siguro ay nasa dalawa hanggang tatlong taong gulang ang edad nito. Minasdan niya ang bata, mala-anghel ang mukha at puting puti ang suot.
Lord, multo ba ito?!
Kinakabahan man ay nilapitan niya ang bata at unti-unting hinaplos ang pisngi nito. Kapag tumagos ang kamay niya at nakumpirma niyang kaluluwa ito ay kakaripas na siya ng takbo.
“Boo!” sabi ng bata kaya napasigaw si Arnel. Magagalit sana siya pero sinundan nito iyon ng cute na hagikgik kaya natawa na lang din siya. Naisahan siya ng bata!
“Ano ang pangalan mo, hmm, pilyo?” nakangiting wika niya.
“Mama,” sabi lang nito tapos ay tumatawa-tawa na parang may kausap.
Kinakausap niya ito at sumasagot naman kaya lang ay medyo bulol. Binuhat niya ang bata at naglakad-lakad sila dahil tiyak na hinahanap na ito ng magulang.
Malayo pa lang ay may narinig na siyang sumigaw kaya lumapit siya sa mga nagluluksa.
“Excuse me ho, kilala ninyo po ba ang batang ito?” wika niya sa mga nakatalikod.
Dahan-dahang humarap ang mga ito.
“Oh my God, Arkin!” sabi ng may edad nang babae at umiiyak na kinuha ang baby.
Na-estatwa sa kinatatayuan si Arnel. Kasi ang mga kaharap niya ngayon ay walang iba kundi ang mga kamag-anak ni Janina. Nanlaki rin ang mata ng mga ito nang mamukhaan siya.
Inasahan niya nang susumbatan siya ng mga ito at mamaliitin pero iba ang nangyari,
“Arnel, saan ka nagpunta? Bakit ngayon ka lang nagpakita?” lumuluhang wika ng ginang.
Hindi man niya nauunawaan ang nagaganap ay sumagot na rin ang binata, “Pinaalis ho kami sa dati naming tinitirhan. Hindi ko na kinulit si Janina kahit na masakit sa loob ko dahil nirespeto ko ang-“
“Hinintay ka niya.”
“H-Ho?” naguguluhang wika ni Arnel.
“Hinintay ka niya hanggang sa huli niyang hininga. Natuklasan naming may sakit sa puso si Janina. Buntis pala siya noong magkahiwalay kayo at kahit na sinabi na ng doctor na hindi kakayanin ng puso niya ang panganganak ay pinili niyang buhayin ang bata.”
Tapos noon ay iniabot muli nito sa kanya si Arkin. Mahigpit niyang niyakap ang bata. Mabuti nalang ay naroon ito kundi ay baka natumba na siya nang masulyapan ang lapida na ngayon ay sinisimentuhan ng tiyuhin niyang nawiwindang rin sa mga kaganapan.
Janina Del Claro
“Mama!” sabi ulit ni Arkin tapos ay kumaway sa malayo, kasunod noon ay ang pag-ihip ng malakas na hangin.
Tiyak ni Arnel, si Janina ang naghatid sa kanilang anak para mapalapit sa kinaroroonan niya. Gumawa ng paraan ang babaeng minamahal para magtagpo silang mag ama. Nangako siya na kay Arkin niya ibubuhos ang pag-ibig at pag-aalaga.
Pagka-graduate ng isang kapatid ni Arnel ay siya naman ang pinag-aral nito. Tulong tulong silang lahat para mapalaki nang maayos si baby Arkin.